Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 18

Magtakda ng Espirituwal na Tunguhin at Abutin Iyon

Magtakda ng Espirituwal na Tunguhin at Abutin Iyon

“Pag-isipan mong mabuti ang mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin dito para makita ng lahat ang pagsulong mo.”​—1 TIM. 4:15.

AWIT 84 Maglingkod Nang Lubos

NILALAMAN a

1. Anong mga espirituwal na tunguhin ang puwede nating abutin?

 BILANG mga tunay na Kristiyano, mahal na mahal natin si Jehova. Gusto nating gawin ang buong makakaya natin sa paglilingkod sa kaniya. Pero para magawa iyan, kailangan nating magtakda ng mga espirituwal na tunguhin gaya ng pagpapasulong ng Kristiyanong mga katangian, pag-aaral ng kapaki-pakinabang na mga kasanayan, at paghahanap ng mga paraan kung paano pa mapaglilingkuran ang iba. b

2. Bakit dapat tayong magtakda ng mga espirituwal na tunguhin at magsikap na abutin ang mga iyon?

2 Bakit dapat nating sikapin na sumulong sa espirituwal? Una sa lahat, gusto nating mapasaya ang ating mapagmahal na Ama sa langit. Natutuwa si Jehova kapag nakikita niyang lubusan nating ginagamit ang mga kakayahan natin sa paglilingkod sa kaniya. At gusto rin nating sumulong sa espirituwal para mas makatulong tayo sa mga kapatid. (1 Tes. 4:9, 10) Gaano man tayo katagal sa katotohanan, kailangan pa rin nating lahat na sumulong sa espirituwal. Tingnan natin kung paano natin magagawa iyan.

3. Ayon sa 1 Timoteo 4:12-16, ano ang ipinayo ni apostol Pablo kay Timoteo?

3 Nang isulat ni apostol Pablo ang unang liham niya kay Timoteo, isa nang makaranasang elder ang kabataang ito. Pero pinayuhan pa rin siya ni Pablo na patuloy na sumulong sa espirituwal. (Basahin ang 1 Timoteo 4:12-16.) Habang pinag-iisipan mo ang payo ni Pablo, pansinin na gusto niyang sumulong si Timoteo sa dalawang bagay: ang Kristiyanong mga katangiang gaya ng pag-ibig, pananampalataya, at kalinisan at ang mga kasanayang gaya ng pangmadlang pagbabasa, pagpapayo, at pagtuturo. Tatalakayin natin ang halimbawa ni Timoteo kung paano magtatakda ng makatuwirang mga tunguhin na tutulong sa atin na sumulong sa espirituwal. Tatalakayin din natin ang ilang paraan kung paano natin mapapalawak ang ating ministeryo.

PASULUNGIN ANG KRISTIYANONG MGA KATANGIAN

4. Ayon sa Filipos 2:19-22, bakit naging kapaki-pakinabang na lingkod ni Jehova si Timoteo?

4 Bakit naging kapaki-pakinabang na lingkod ni Jehova si Timoteo? Dahil sa magaganda niyang Kristiyanong katangian. (Basahin ang Filipos 2:19-22.) Inilarawan ni Pablo si Timoteo na mapagpakumbaba, tapat, masikap, at maaasahan. Talagang mapagmahal siya, at nagmamalasakit sa mga kapatid. Kaya minahal ni Pablo si Timoteo at hindi siya nagdalawang-isip na pagkatiwalaan ito ng mabibigat na atas. (1 Cor. 4:17) Mamahalin din tayo ni Jehova at mas makakatulong tayo sa kongregasyon kung papasulungin natin ang mga katangian na gusto niya.​—Awit 25:9; 138:6.

Pumili ng isang Kristiyanong katangian na gusto mo pang mapasulong (Tingnan ang parapo 5-6)

5. (a) Paano mo malalaman kung anong Kristiyanong katangian ang puwede mong mapasulong? (b) Gaya ng makikita sa larawan, paano sinisikap ng kabataang sister na maabot ang tunguhin niya na makapagpakita pa ng empatiya sa iba?

5 Magtakda ng espesipikong tunguhin. Isipin at ipanalangin kung alin sa mga katangian mo ang kailangan mo pang pasulungin. Pagkatapos, pumili ng isang espesipikong katangian. Halimbawa, gusto mo ba na mas makapagpakita ka ng empatiya o mas makatulong sa mga kapatid? Kailangan mo bang maging mas mapagpayapa at mapagpatawad? Puwede kang magpatulong sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan at tanungin siya kung paano ka pa susulong.​—Kaw. 27:6.

6. Paano mo maaabot ang tunguhin mo na mapasulong ang isang katangian?

6 Sikaping abutin ang tunguhin mo. Paano mo magagawa iyan? Puwede mong pag-aralang mabuti ang napili mong katangian. Halimbawa, baka gusto mong maging mas mapagpatawad. Puwede mong basahin at bulay-bulayin ang mga halimbawa sa Bibliya ng mga lubusang nagpatawad at ng mga hindi nagpatawad. Tingnan ang halimbawa ni Jesus. Lubusan niyang pinatawad ang iba. (Luc. 7:47, 48) Tiningnan niya ang mga potensiyal nila at hindi nagpokus sa mga nagawa nilang pagkakamali. Hindi ganiyan ang mga Pariseo noong panahon ni Jesus kasi “mababa ang tingin [nila] sa iba.” (Luc. 18:9) Pagkatapos mong bulay-bulayin ang mga halimbawang iyan, tanungin ang sarili: ‘Ano ang nakikita ko sa iba? Nagpopokus ba ako sa magagandang katangian nila?’ Kung nahihirapan kang patawarin ang isang tao, puwede mong ilista ang lahat ng magagandang katangian na naiisip mo sa taong iyon. Pagkatapos, tanungin ang sarili: ‘Ano kaya ang tingin ni Jesus sa kaniya? Papatawarin kaya siya ni Jesus?’ Kung gagawin natin iyan, mababago natin ang kaisipan natin. Sa umpisa, baka mahirapan tayong patawarin ang isa na nakasakit sa atin. Pero kung magsisikap tayo, darating ang panahon na magiging mas mapagpatawad tayo.

MATUTO NG KAPAKI-PAKINABANG NA KASANAYAN

Magpaturo sa pagmamantini ng inyong Kingdom Hall (Tingnan ang parapo 7) e

7. Ayon sa Kawikaan 22:29, sa anong mga paraan ginagamit ni Jehova ang mga kapatid na may kasanayan?

7 Puwede mo ring maging tunguhin na matuto ng isang kapaki-pakinabang na kasanayan. Isipin kung gaano karaming manggagawa ang kailangan sa pagtatayo ng mga pasilidad ng Bethel, Assembly Hall, at Kingdom Hall. Marami sa kanila ang natuto ng mga kasanayan dahil sa pagsama sa makaranasang mga kapatid. Gaya ng makikita sa larawan, natututo ang mga kapatid ng kasanayan na kailangan para makatulong sa pagmamantini ng mga Assembly Hall at Kingdom Hall. Kaya talagang ginagamit ng Diyos na Jehova, ang “Haring walang hanggan,” at ni Kristo Jesus, ang “Hari ng mga hari,” ang mga kapatid na may kasanayan para magawa ang dakilang mga bagay. (1 Tim. 1:17; 6:15; basahin ang Kawikaan 22:29.) Gusto nating magsikap at gamitin ang ating mga kakayahan para purihin si Jehova, hindi ang sarili natin.​—Juan 8:54.

8. Paano mo malalaman kung anong kasanayan ang puwede mong matutuhan?

8 Magtakda ng espesipikong tunguhin. Anong kasanayan ang puwede mong matutuhan? Magtanong sa mga elder ninyo at kung posible, sa tagapangasiwa ng sirkito kung anong kasanayan ang puwede mong matutuhan. Halimbawa, kung imungkahi nila sa iyo na pasulungin mo ang kakayahan mong magsalita at magturo, tanungin sila kung anong espesipikong kalidad sa pagsasalita ang puwede mo pang mapasulong. Pagkatapos, gumawa ng praktikal na mga hakbang para sumulong. Paano mo iyan magagawa?

9. Paano mo maaabot ang tunguhin mo na matuto ng isang kasanayan?

9 Sikaping abutin ang tunguhin mo. Halimbawa, gusto mong mapasulong ang kakayahan mong magturo. Puwede mong pag-aralang mabuti ang brosyur na Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo. Kapag binigyan ka ng bahagi sa pulong sa gitnang sanlinggo, puwede mong hilingin sa isang kuwalipikadong brother na pakinggan ka habang nagpapraktis at tanungin siya kung ano pa ang puwede mong pasulungin. Paghandaang mabuti ang mga bahagi mo para makita ng mga tao na hindi ka lang mahusay, kundi masikap din at maaasahan.​—Kaw. 21:5; 2 Cor. 8:22.

10. Magbigay ng halimbawa kung paano mapapasulong ang isang kasanayan.

10 Paano kung nahihirapan kang matutuhan ang isang kasanayan? Huwag kang susuko! Hiráp magbasa ang brother na si Garry. Naaalala niya na hiyang-hiya siya kapag nagbabasa siya nang malakas sa mga pulong. Pero nagsikap siya nang husto. Sinabi niya na dahil sa pagsasanay na tinanggap niya, nakakapagpahayag na siya sa mga pulong sa Kingdom Hall, pansirkitong asamblea, at kombensiyon!

11. Gaya ni Timoteo, ano ang tutulong sa atin na maging mas kuwalipikado sa karagdagang mga atas?

11 Naging napakahusay bang tagapagpahayag o tagapagturo si Timoteo? Walang binabanggit ang Bibliya. Pero tiyak na sumulong si Timoteo at naging mahusay sa pagganap ng mga atas niya dahil sinunod niya ang payo ni Pablo. (2 Tim. 3:10) Kaya kung matututo rin tayo ng mga kasanayan, magiging mas kuwalipikado tayo sa karagdagang mga atas.

HUMANAP NG MGA PARAAN PARA PAGLINGKURAN ANG IBA

12. Paano ka natulungan ng iba?

12 Nakikinabang tayong lahat sa paglilingkod ng iba. Kapag nasa ospital tayo, nagpapasalamat tayo sa dalaw ng mga elder na naglilingkod sa Hospital Liaison Committee o sa Patient Visitation Group. Kapag may mabibigat tayong problema, pinapahalagahan natin ang panahon na ibinibigay ng isang mapagmalasakit na elder para pakinggan tayo at patibayin. Kapag kailangan natin ng tulong sa pagba-Bible study, nagpapasalamat tayo kapag sinasamahan tayo ng isang makaranasang payunir at nagbibigay ng mungkahi. Masayang-masaya ang mga kapatid na ito na tulungan tayo. Magiging masaya rin tayo kung maglilingkod tayo sa mga kapatid. Sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Kung gusto mong makapaglingkod sa ganito o sa iba pang paraan, ano ang tutulong sa iyo na maabot ang mga tunguhing iyon?

13. Kapag nagtatakda tayo ng tunguhin, ano ang dapat nating tandaan?

13 Iwasang magtakda ng tunguhin na hindi espesipiko. Halimbawa, baka maisip mo, ‘Gusto kong mas makapaglingkod sa kongregasyon.’ Pero baka mahirapan kang malaman kung paano aabutin ang tunguhing iyon, at baka imposible pa ngang malaman kung naabot mo na iyon. Kaya magtakda ng malinaw at espesipikong tunguhin. Puwede mo pa ngang isulat ang tunguhin mo at magplano kung paano mo iyon maaabot.

14. Bakit kailangan nating maging handang mag-adjust pagdating sa mga tunguhin natin?

14 Kailangan din nating maging handang mag-adjust pagdating sa mga tunguhin natin. Bakit? Hindi kasi natin kontrolado ang mga puwedeng mangyari. Halimbawa, tumulong si apostol Pablo na maitatag ang isang bagong kongregasyon sa lunsod ng Tesalonica. Siguradong tunguhin niya na manatili roon at tulungan ang mga bagong kapatid. Pero dahil sa pag-uusig, napilitan si Pablo na umalis sa lunsod. (Gawa 17:1-5, 10) Kung nanatili si Pablo roon, maisasapanganib niya ang mga kapatid. Kaya kumilos siya ayon sa nagbagong kalagayan para patuloy silang matulungan. Nang maglaon, pinapunta niya si Timoteo para asikasuhin ang espirituwal na pangangailangan ng mga bagong mananampalataya sa Tesalonica. (1 Tes. 3:1-3) Tiyak na masayang-masaya ang mga taga-Tesalonica nang maglingkod si Timoteo kung saan may pangangailangan!

15. Paano puwedeng makaapekto sa tunguhin natin ang pagbabago ng kalagayan natin? Magbigay ng halimbawa.

15 May matututuhan tayo sa nangyari kay Pablo sa Tesalonica. Baka may gusto tayong pribilehiyo ng paglilingkod, pero hindi naman ipinapahintulot ng kalagayan natin. (Ecles. 9:11) Kung ganiyan ang kalagayan mo, pumili ng ibang tunguhin na kaya mong abutin. Ganiyan ang ginawa ng mag-asawang sina Ted at Hiedi. Dahil sa pagkakasakit, kinailangan nilang lumabas ng Bethel. Pero dahil mahal nila si Jehova, naghanap sila ng ibang paraan para mapalawak ang ministeryo nila. Una, nag-regular pioneer sila. Nang maglaon, naatasan silang maglingkod bilang special pioneer, at si Ted naman ay sinanay bilang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito. Pero nagkaroon ng pagbabago sa kahilingang edad para sa mga tagapangasiwa ng sirkito. At lampas na sa edad sina Ted at Hiedi para sa pribilehiyong iyon. Nalungkot sila pero alam nila na puwede pa nilang mapaglingkuran si Jehova sa ibang paraan. Sinabi ni Ted, “Natutuhan namin na hindi kami dapat magpokus lang sa iisang atas ng paglilingkod.”

16. Ano ang matututuhan natin sa Galacia 6:4?

16 Hindi natin kontrolado ang lahat ng nangyayari sa buhay natin. Kaya tandaan na mahalaga tayo kay Jehova hindi dahil sa mga pribilehiyo natin at hindi rin natin dapat ikumpara ang pribilehiyo natin sa pribilehiyo ng iba. Sinabi ni Hiedi, “Hindi ka magiging masaya kung ikukumpara mo ang buhay mo sa buhay ng iba.” (Basahin ang Galacia 6:4.) Kaya mahalagang humanap ng mga paraan para tulungan ang iba at mapaglingkuran si Jehova. c

17. Ano ang puwede mong gawin para maging kuwalipikado sa mga pribilehiyo ng paglilingkod?

17 Kung papasimplehin mo ang buhay mo at iiwasan ang di-kinakailangang mga utang, mas marami kang magagawa sa paglilingkod kay Jehova. Magtakda ng maliliit na tunguhin na tutulong sa iyo na maabot ang mas malalaking tunguhin. Halimbawa, kung tunguhin mo na maging regular pioneer, puwede ka munang mag-auxiliary pioneer nang tuloy-tuloy. Kung tunguhin mo naman na maging isang ministeryal na lingkod, puwede mong dagdagan ang oras na ginagamit mo sa paglilingkod sa larangan at pagbisita sa mga maysakit at may-edad na sa inyong kongregasyon. Ang mga karanasang makukuha mo ngayon ay tutulong sa iyo na maabot ang iba pang mga pribilehiyo ng paglilingkod sa hinaharap. Lagi mong ibigay ang buong makakaya mo sa anumang atas na ibigay sa iyo.​—Roma 12:11.

Magtakda ng isang espesipikong tunguhin na kaya mong abutin (Tingnan ang parapo 18) f

18. Gaya ng makikita natin sa larawan, ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Beverley?

18 Hindi hadlang ang edad para magtakda ng mga espirituwal na tunguhin at abutin ang mga iyon. Tingnan ang halimbawa ni Beverley na edad 75. Mayroon siyang malubhang sakit kaya hiráp siyang maglakad. Pero gusto niyang lubusang makibahagi sa kampanya sa Memoryal. Kaya nagtakda siya ng mga espesipikong tunguhin. Nang maabot niya ang mga tunguhing iyon, masayang-masaya siya. At napasigla niya ang iba na mas magsikap sa ministeryo. Pinapahalagahan ni Jehova ang pagsisikap ng mga may-edad nating kapatid kahit limitado lang ang nagagawa nila dahil sa kanilang kalagayan.​—Awit 71:17, 18.

19. Ano ang ilang espirituwal na tunguhin na puwede mong abutin?

19 Magtakda ng mga tunguhin na kaya mong abutin. Pasulungin ang mga katangian na gusto ni Jehova. Matuto ng mga kasanayan na tutulong sa iyo para mas magamit ka ng ating Diyos at ng kaniyang organisasyon. Humanap ng mga paraan para lubusan mong mapaglingkuran ang mga kapatid. d Gaya ni Timoteo, sa tulong ni Jehova, ‘makikita ng lahat ang pagsulong mo.’—1 Tim. 4:15.

AWIT 38 Tutulungan Ka Niya

a Si Timoteo ay isa nang makaranasang mángangarál ng mabuting balita. Pero pinasigla pa rin siya ni apostol Pablo na sumulong sa espirituwal. Sinunod ni Timoteo ang payo ni Pablo kaya mas nagamit siya ni Jehova at mas nakatulong siya sa mga kapatid. Gaya ni Timoteo, gusto mo bang lubusang mapaglingkuran si Jehova at ang mga kapatid? Sigurado iyan. Anong mga tunguhin ang makakatulong sa iyo na magawa iyan? At ano ang kailangan mong gawin para makapagtakda ng mga tunguhin at maabot ang mga iyon?

b KARAGDAGANG PALIWANAG: Kasama sa mga espirituwal na tunguhin ang anumang bagay na pinagsisikapan nating gawin para higit pang mapaglingkuran si Jehova at mapasaya siya.

c Tingnan ang “Paglilingkod Kung Saan Mas Malaki ang Pangangailangan” sa aklat na Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, kabanata 10, par. 6-9.

d Tingnan ang aralin 60, “Patuloy na Patibayin ang Kaugnayan Mo kay Jehova,” sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman.

e LARAWAN: Tinuturuan ng isang brother ang dalawang sister sa pagmamantini. Ginagamit naman nila ang natutuhan nila.

f LARAWAN: Isang sister na hindi na nakakaalis ng bahay ang nagte-telephone witnessing para imbitahan ang mga tao sa Memoryal.