Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Masaya Akong Matuto at Magturo Tungkol kay Jehova

Masaya Akong Matuto at Magturo Tungkol kay Jehova

LUMAKI ako sa Easton, Pennsylvania, U.S.A. Gustong-gusto kong magkolehiyo para makilala sa lipunan. Nae-enjoy ko ang math at science. Sa mga estudyanteng itim, ako ang nakakuha ng pinakamataas na grado noong 1956, kaya binigyan ako ng 25 dolyar ng isang organisasyon para sa karapatang sibil. Pero nagbago ang mga tunguhin ko. Bakit?

KUNG PAANO AKO NATUTO TUNGKOL KAY JEHOVA

Noong unang mga taon ng 1940’s, nakipag-aral ng Bibliya ang mga magulang ko sa mga Saksi ni Jehova. Natigil ang pagba-Bible study nila. Pero tumatanggap pa rin si Nanay ng mga magasing Bantayan at Gumising! Noong 1950, nakadalo ang pamilya namin sa isang internasyonal na kombensiyon sa New York City.

Pagkatapos ng kombensiyon, dinalaw kami ni Brother Lawrence Jeffries. Siya ang tumulong sa akin na malaman ang katotohanan. Noong una, hindi ako sang-ayon sa pag-iwas ng mga Saksi ni Jehova na makisali sa politika at magsundalo. Sinabi ko na kung tatanggi ang lahat sa America na magsundalo, masasakop ng mga kaaway ang buong bansa. Pero sinabi ni Brother Jeffries: “Ano sa tingin mo ang gagawin ng Diyos na Jehova kung naglilingkod sa kaniya ang lahat ng tao sa America at pagkatapos ay atakihin sila ng mga kaaway?” Nakatulong sa akin ang mga sinabi niya na makita na walang basehan ang mga argumento ko. Kaya naging mas interesado ako na malaman ang katotohanan.

Noong bautismuhan ako

Maraming oras akong nagbabasa ng mga lumang isyu ng Bantayan at Gumising! na inilagay ng nanay ko sa bodega namin. Di-nagtagal, nakita ko na ito ang katotohanan, kaya tinanggap ko ang alok ni Brother Jeffries na mag-aral ng Bibliya. Lagi na rin akong dumadalo sa mga pulong. Nagugustuhan ko ang mga natututuhan ko, kaya naging mamamahayag ako ng mabuting balita. Nagbago ang tunguhin ko nang maintindihan ko na “ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na!” (Zef. 1:14) Imbes na magkolehiyo, mas gusto ko nang tulungan ang iba na matuto ng katotohanan mula sa Bibliya.

Natapos ko ang high school noong Hunyo 13, 1956, at pagkalipas ng tatlong araw, nabautismuhan ako sa isang pansirkitong asamblea. Hindi ko akalain na marami akong pagpapalang matatanggap kay Jehova kapag ginamit ko ang buhay ko para matuto at turuan ang iba tungkol sa kaniya.

NATUTO AT NAGTURO BILANG PIONEER

Anim na buwan pagkatapos ng bautismo ko, nag-regular pioneer ako. Mababasa sa Disyembre 1956 ng Kingdom Ministry ang artikulong “Can You Serve Where the Need Is Great?” Puwede kong gawin iyon. Gusto kong tumulong kung saan kaunti lang ang mángangarál ng mabuting balita.​—Mat. 24:14.

Lumipat ako sa Edgefield, South Carolina. Apat lang ang mamamahayag ng kongregasyon doon. Naging lima nang dumating ako. Nagpupulong kami sa sala ng bahay ng isang kapatid. Bawat buwan, gumugugol ako ng 100 oras sa ministeryo. Abala ako sa pangunguna sa paglilingkod at sa mga bahagi sa pulong. Habang ginagawa ko ang mga iyon, lalo akong natututo tungkol kay Jehova.

Inaaralan ko ng Bibliya ang isang babae na may-ari ng isang punerarya sa Johnston, isang bayan na ilang kilometro ang layo. Binigyan niya ako ng part-time na trabaho at ipinagamit niya sa amin ang isang maliit na gusali bilang Kingdom Hall.

Naging partner ko sa pagpapayunir si Brother Jolly Jeffries, ang anak ng nag-Bible study sa akin. Galing siya sa Brooklyn, New York. Tumira kami sa isang trailer na ipinahiram ng isang kapatid.

Mababa ang sahod sa South Carolina. Kumikita lang kami ng dalawa o tatlong dolyar sa isang araw na trabaho. Minsan, kakaubos ko lang ng barya ko sa pagbili ng ilang pagkain. Paglabas ko sa tindahan, may nagtanong sa akin: “Gusto mo ba ng trabaho? Babayaran kita ng isang dolyar kada oras.” Pinagtrabaho niya ako ng tatlong araw para linisin ang isang construction site. Nakita kong gusto ni Jehova na manatili ako sa Edgefield. Pero nakadalo ako sa internasyonal na kombensiyon na ginanap sa New York City noong 1958.

Noong araw ng kasal namin

Noong ikalawang araw ng kombensiyon, may nangyaring maganda sa akin. Nakilala ko si Ruby Wadlington na isang regular pioneer sa Gallatin, Tennessee. Pareho naming gusto na maglingkod bilang misyonero, kaya dumalo kami sa meeting para sa Gilead ng kombensiyong iyon. Di-nagtagal, nagsulatan kami. Pagkatapos, naimbitahan akong magpahayag sa Gallatin. Sinamantala ko na rin ang pagkakataong iyon para tanungin si Ruby kong gusto niyang magpakasal sa akin. Lumipat ako sa kongregasyon nila, at nagpakasal kami noong 1959.

NATUTO AT NAGTURO SA KONGREGASYON

Noong 23 taóng gulang ako, naatasan ako bilang lingkod ng kongregasyon (tinatawag ngayon na koordineytor ng lupon ng matatanda) sa Gallatin. Kami ang unang kongregasyong dinalaw ni Charles Thompson bilang tagapangasiwa ng sirkito. Makaranasan na siya, pero tinanong pa rin niya ako kung ano ang pangangailangan ng mga kapatid at kung paano iyon inasikaso ng ibang tagapangasiwa ng sirkito. Natutuhan ko sa kaniya na mabuting magtanong muna at alamin ang lahat ng impormasyon bago magdesisyon.

Noong Mayo 1964, naimbitahan akong mag-aral sa Kingdom Ministry School sa loob ng isang buwan. Ginanap ito sa South Lansing, New York. Natulungan ako ng mga brother na nagtuturo sa paaralang ito na magkaroon ng pagnanais na lalo pang matuto tungkol kay Jehova at mapalapít sa kaniya.

NATUTO AT NAGTURO BILANG TAGAPANGASIWA NG SIRKITO AT DISTRITO

Noong Enero 1965, tumanggap kami ni Ruby ng imbitasyon na maglingkod sa gawaing pansirkito. Napakalaki ng teritoryong sakop ng sirkito namin, mula Knoxville, Tennessee hanggang halos sa Richmond, Virginia. Kasama rito ang mga kongregasyon sa North Carolina, Kentucky, at West Virginia. Dumadalaw lang ako sa kongregasyon ng mga itim dahil noon, may batas sa timog ng United States na nagbabawal magsama ang mga puti at mga itim. Mahihirap lang ang mga kapatid, at natuto kami na magbigay sa mga nangangailangan. Itinuro sa akin ng isang matagal nang tagapangasiwa ng sirkito ang isang mahalagang aral: “Kapag dumadalaw ka sa isang kongregasyon, huwag kang umastang parang boss nila. Maging isang kapatid ka para sa kanila. Matutulungan mo lang sila kung mararamdaman nilang kapatid ka nila.”

Habang dinadalaw namin ang isang maliit na kongregasyon, nakapagpasimula si Ruby ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang kabataang babae na may isang-taóng-gulang na anak. Kapag walang puwedeng mag-Bible study sa kaniya, ini-study siya ni Ruby sa pamamagitan ng sulat. Nang sumunod na dalaw namin, dumadalo na sa mga pulong ang babae. Noong may dalawang special pioneer na dumating doon, sila na ang nagpatuloy ng pag-aaral. Di-nagtagal, nabautismuhan siya. Pagkalipas ng mga 30 taon noong 1995, may isang sister na nagpakilala kay Ruby sa Bethel sa Patterson. Siya pala ang anak ng ini-study ni Ruby noon. Ang babaeng ito at ang asawa niya ay mga estudyante sa ika-100 klase ng Gilead.

Ang pangalawang sirkito namin ay sa central Florida. Noong mga panahong iyon, kailangan namin ng sasakyan at nakabili kami nito sa mababang halaga. Pero pagkalipas ng isang linggo, may nasira sa makina nito. Wala na kaming perang pampagawa. Kaya tumawag ako sa isang brother na puwedeng makatulong sa amin. Ipinaayos niya sa tauhan niya ang kotse at ayaw niyang tumanggap ng bayad. Sinabi niya: “Okey na iyan kahit huwag mo nang bayaran.” Nagbigay pa nga siya sa amin ng pera! Magandang halimbawa iyon kung paano pinapangalagaan ni Jehova ang mga lingkod niya. Ipinaalala nito sa amin na maging mapagbigay rin sa iba.

Sa tuwing dumadalaw kami sa mga kongregasyon, tumutuloy kami sa bahay ng mga kapatid. Kaya marami kaming naging kaibigan. Minsan, naiwan ko sa typewriter ang ginagawa kong report para sa isang kongregasyon. Noong gabi pag-uwi ko, “tapos na” ang report. Pinaglaruan pala ng tatlong-taóng-gulang na anak ng pamilyang tinutuluyan namin ang typewriter ko. Lagi ko siyang binibiro tungkol doon sa loob ng maraming taon.

Noong 1971, tumanggap ako ng sulat at inatasan akong maglingkod bilang tagapangasiwa ng distrito sa New York City. Nasorpresa kami! Nang lumipat kami roon, 34 na taóng gulang lang ako. Mainit akong tinanggap ng mga kapatid bilang ang kanilang unang itim na tagapangasiwa ng distrito.

Bilang tagapangasiwa ng distrito, masaya akong nagtuturo tungkol kay Jehova tuwing weekend sa pansirkitong asamblea. Maraming tagapangasiwa ng sirkito ang mas makaranasan kaysa sa akin. Isa pa nga sa kanila ang nagbigay ng pahayag noong bautismuhan ako. Ang isa pa sa kanila ay si Brother Theodore Jaracz, na naging miyembro ng Lupong Tagapamahala nang maglaon. Marami ring makaranasang kapatid doon ang naglilingkod sa Bethel sa Brooklyn. Talagang nagpapasalamat ako sa mga tagapangasiwa ng sirkito at sa mga Bethelite, kasi tinulungan nila ako na mapalagay ang loob ko. Nakita ko na mapagmahal na pastol ang mga kapatid na ito. Nagtitiwala sila sa Salita ng Diyos at matapat nilang sinusuportahan ang organisasyon. Dahil sa kapakumbabaan nila, naging madali ang paglilingkod ko bilang tagapangasiwa ng distrito.

PAGBABALIK SA GAWAING PANSIRKITO

Noong 1974, nag-atas ang Lupong Tagapamahala ng panibagong grupo ng mga tagapangasiwa ng sirkito na maglilingkod sa gawaing pandistrito. Naglingkod ulit ako bilang tagapangasiwa ng sirkito pero ngayon, sa South Carolina naman. Noong panahong iyon, sama-sama na ang mga kongregasyon ng mga puti at itim sa timog ng United States, at masayang-masaya ang mga kapatid dahil doon.

Sa pagtatapos ng 1976, naatasan ako sa isang sirkito sa Georgia na nasa pagitan ng Atlanta at Columbus. Tandang-tanda ko pa noong nagbigay ako ng pahayag sa libing para sa limang batang itim na namatay dahil may mga sumunog sa bahay nila. Isinugod sa ospital ang nanay nila na sugatan. Tuloy-tuloy ang pagbisita sa ospital ng mga kapatid na itim at puti para patibayin ang mga magulang. Talagang kahanga-hanga ang pag-ibig ng mga kapatid. Kapag nagpapakita ng ganitong malasakit sa isa’t isa ang mga lingkod ng Diyos, matitiis nila ang anumang mahirap na sitwasyon.

NATUTO AT NAGTURO SA BETHEL

Noong 1977, hinilingan kaming maglingkod sa Bethel sa Brooklyn sa loob ng ilang buwan para tumulong sa isang proyekto. Noong papatapos na ang proyekto, kinausap kami ni Ruby ng dalawang miyembro ng Lupong Tagapamahala kung gusto naming maglingkod nang permanente sa Bethel. Tinanggap namin ang paanyaya.

Sa loob ng 24 na taon, naglingkod ako sa Service Department. Madalas kaming tumutulong sa pagsagot ng sensitibo at mahihirap na tanong. Sa loob ng maraming taon, naglalaan ang Lupong Tagapamahala ng mga tagubilin na kaayon ng mga prinsipyo sa Bibliya. Ito ang ginagamit sa pagsagot sa mga tanong, at sa pagsasanay sa mga tagapangasiwa ng sirkito, elder, at pioneer. Nakatulong ang mga materyal na ito sa pagsasanay para mas sumulong sa espirituwal ang maraming kapatid. Kaya lalong napatibay ang organisasyon ni Jehova.

Mula noong 1995 hanggang 2018, dumalaw ako sa iba’t ibang tanggapang pansangay bilang kinatawan ng punong tanggapan, na dating tinatawag na zone overseer. Nakikipag-usap ako sa mga Komite ng Sangay, Bethelite, at mga misyonero para patibayin at tulungan sila sa mga problema nila. At lagi kaming napapatibay ni Ruby sa mga karanasang ibinabahagi sa amin ng mga kapatid. Halimbawa, dumalaw kami sa Rwanda noong 2000. Talagang na-touch kami nang malaman namin ang pinagdaanan ng mga kapatid at ng pamilyang Bethel dahil sa genocide noong 1994. Marami ang namatayan ng mahal sa buhay. Kahit matindi ang pinagdaanan nila, hindi pa rin nawala ang pananampalataya, pag-asa, at kagalakan ng mga kapatid na iyon.

Noong ika-50 anibersaryo namin

Mahigit 80 anyos na kami. Dalawampung taon na akong naglilingkod bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa United States. Hindi ako nakapagkolehiyo pero tinanggap ko ang pinakamataas na edukasyon mula kay Jehova at sa organisasyon niya. Naituro ko sa iba ang mga katotohanan mula sa Bibliya na makakatulong sa kanila magpakailanman. (2 Cor. 3:5; 2 Tim. 2:2) Nakita ko kung paano nakatulong sa mga tao ang mensahe ng Bibliya para mapabuti ang buhay nila at magkaroon sila ng malapít na kaugnayan sa kanilang Maylalang. (Sant. 4:8) Patuloy naming pinapasigla ni Ruby ang iba na pahalagahan ang pribilehiyong matuto tungkol kay Jehova at magturo ng mga katotohanan mula sa Bibliya. Iyan ang pinakamahalagang pribilehiyo ng isang lingkod ni Jehova!