Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 3

Pagtatagumpayin Ka ni Jehova

Pagtatagumpayin Ka ni Jehova

“Ginagabayan ni Jehova si Jose [at] pinagtatagumpay . . . ang lahat ng ginagawa niya.”—GEN. 39:2, 3.

AWIT 30 Aking Kaibigan, Diyos, at Ama

NILALAMAN a

1-2. (a) Bakit hindi na tayo nagugulat kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

 BILANG bayan ni Jehova, hindi na tayo nagugulat kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, alam natin na “kailangan nating dumanas ng maraming kapighatian para makapasok sa Kaharian ng Diyos.” (Gawa 14:22) Alam din natin na mawawala lang ang mga problema natin kapag dumating na ang bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan “mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.”—Apoc. 21:4.

2 Hindi tayo pinoprotektahan ni Jehova mula sa mga pagsubok. Pero tinutulungan niya tayong makapagtiis. Pansinin ang sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma. Binanggit muna niya ang maraming problemang nararanasan niya at ng mga kapatid. Pagkatapos, sinabi niya: “Sa tulong ng isa na umiibig sa atin, lubos tayong nagtatagumpay.” (Roma 8:35-37) Ibig sabihin, kaya kang tulungan ni Jehova na magtagumpay kahit kasalukuyan kang dumaranas ng mga pagsubok. Tingnan natin kung paano pinagtagumpay ni Jehova si Jose at kung paano ka rin Niya matutulungan.

KAPAG BIGLANG NAGBAGO ANG KALAGAYAN

3. Anong pagbabago ang biglang nangyari sa buhay ni Jose?

3 Kitang-kita na mahal na mahal ng patriyarkang si Jacob ang anak niyang si Jose. (Gen. 37:3, 4) Dahil diyan, nainggit kay Jose ang mga kuya niya. At nang magkaroon sila ng pagkakataon, ipinagbili nila si Jose sa mga negosyanteng Midianita. Dinala ng mga negosyanteng ito si Jose sa Ehipto, na daan-daang kilometro ang layo. Pagkatapos, ipinagbili naman nila siya kay Potipar, ang pinuno ng mga bantay ng Paraon. Biglang nagbago ang buhay ni Jose. Mula sa pagiging minamahal na anak, naging alipin siya ng isang Ehipsiyo!—Gen. 39:1.

4. Tulad ni Jose, anong problema ang puwede rin nating maranasan?

4 Sinasabi ng Bibliya na “puwedeng dumanas ng masasamang bagay ang kahit sino.” (Ecles. 9:11, Holy Bible—Easy-to-Read Version) Kung minsan, dumaranas tayo ng mga problemang “nararanasan din ng ibang tao.” (1 Cor. 10:13) O baka magdusa tayo dahil sa pagiging alagad ni Jesus. Halimbawa, baka tuyain tayo, salansangin, o pag-usigin pa nga dahil sa pananampalataya natin. (2 Tim. 3:12) Anuman ang dinaranas mong pagsubok, pagtatagumpayin ka ni Jehova. Paano niya iyon ginawa kay Jose?

Pinagtagumpay ni Jehova si Jose kahit noong ipagbili siya kay Potipar bilang alipin sa Ehipto (Tingnan ang parapo 5)

5. Ano ang nasabi ni Potipar tungkol sa pagtatagumpay ni Jose? (Genesis 39:2-6)

5 Basahin ang Genesis 39:2-6. Napansin ni Potipar na mahusay at masipag na kabataan si Jose. Alam din niya ang dahilan. Nakita ni Potipar na “pinagtatagumpay ni Jehova ang lahat ng ginagawa” ni Jose. b Di-nagtagal, naging lingkod na pinagkakatiwalaan niya si Jose. Inatasan niya rin itong mamahala sa bahay niya at sa lahat ng pag-aari niya. Ang resulta? Dumami ang pag-aari ni Potipar.

6. Ano kaya ang naramdaman ni Jose sa naging sitwasyon niya?

6 Isipin kung ano ang naramdaman ni Jose sa sitwasyon niya. Ano kaya ang gusto niyang mangyari? Gusto kaya niyang mapansin siya at magantimpalaan ni Potipar? Malamang na mas gusto ni Jose na makalaya para makauwi sa tatay niya. Kasi kahit mataas na ang posisyon niya sa bahay ni Potipar, alipin pa rin siya ng isang paganong panginoon. Hindi ginamit ni Jehova si Potipar para palayain si Jose. Ang totoo, mas hihirap pa ang sitwasyon ni Jose.

KAPAG MAS HUMIRAP ANG SITWASYON

7. Paano naging mas mahirap ang sitwasyon ni Jose? (Genesis 39:14, 15)

7 Mababasa sa Genesis kabanata 39 na nagustuhan ng asawa ni Potipar si Jose at paulit-ulit niya itong inakit. Sa bawat pagkakataon, tinanggihan ito ni Jose. Nang bandang huli, nagalit ang asawa ni Potipar kay Jose at inakusahan niya si Jose na gusto siyang halayin nito. (Basahin ang Genesis 39:14, 15.) Nang malaman ito ni Potipar, ipinabilanggo niya si Jose, at ilang taon siyang nanatili roon. (Gen. 39:19, 20) Ano kaya ang hitsura ng bilangguan? Ang salitang Hebreo na ginamit ni Jose para sa “bilangguan” ay puwede ring mangahulugan na “imbakang-tubig,” o “hukay”; lumilitaw na madilim doon at dahil diyan, nawalan siya ng pag-asa. (Gen. 40:15; tlb.) Sinabi rin ng Bibliya na may panahong ikinadena ang mga paa ni Jose at iginapos sa bakal ang leeg niya. (Awit 105:17, 18) Mas humirap ang sitwasyon ni Jose. Mula sa pagiging pinagkakatiwalaang alipin, naging hamak na bilanggo siya.

8. Kahit mas humihirap ang isang pagsubok, sa ano pa rin tayo makakatiyak?

8 Naranasan mo na rin ba ang isang mahirap na sitwasyon na lalo pang humirap kahit taimtim ka nang nananalangin? Nangyayari iyan. Hindi tayo pinoprotektahan ni Jehova mula sa mga pagsubok sa mundong ito na kontrolado ni Satanas. (1 Juan 5:19) Pero makakatiyak kang alam na alam ni Jehova ang pinagdaraanan mo, at nagmamalasakit siya sa iyo. (Mat. 10:29-31; 1 Ped. 5:6, 7) Bukod diyan, nangako rin siya: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.” (Heb. 13:5) Tutulungan ka ni Jehova na makapagtiis kahit parang wala nang pag-asa ang sitwasyon mo. Ganiyan ang nangyari kay Jose.

Ginabayan ni Jehova si Jose kahit noong ibilanggo siya at ipagkatiwala sa kaniya ang lahat ng bilanggo (Tingnan ang parapo 9)

9. Ano ang nagpapakitang ginagabayan ni Jehova si Jose habang nasa bilangguan siya? (Genesis 39:21-23)

9 Basahin ang Genesis 39:21-23. Kahit mahirap ang kalagayan ni Jose sa bilangguan, pinagtagumpay pa rin siya ni Jehova. Paano? Nang bandang huli, nakuha ni Jose ang tiwala at respeto ng punong opisyal ng bilangguan, gaya rin ng pagtitiwala sa kaniya ni Potipar. Pagkatapos, ipinagkatiwala ng punong opisyal ng bilangguan kay Jose ang ibang bilanggo. Sinabi pa nga ng Bibliya na “hindi na iniintindi ng punong opisyal ng bilangguan ang mga bagay na pinamamahalaan ni Jose.” Kaya ngayon, may makabuluhang gawain nang pinagkakaabalahan si Jose. Hindi inaasahan ang pagbabagong iyon sa buhay niya! Paano nangyaring nabigyan ng mataas na posisyon ang isang bilanggo na inakusahang nanghalay sa asawa ng isang opisyal ng korte? Isa lang ang sagot. Gaya ng sinasabi sa Genesis 39:23, “ginagabayan ni Jehova si Jose at pinagtatagumpay ni Jehova ang lahat ng ginagawa nito.”

10. Bakit posibleng hindi naramdaman ni Jose na nagtatagumpay siya sa lahat ng ginagawa niya?

10 Isipin ulit ang naramdaman ni Jose sa sitwasyon niya. Iniisip mo ba na nagtatagumpay siya sa lahat ng ginagawa niya matapos siyang maakusahan at mabilanggo? Ano kaya talaga ang gusto ni Jose? Gusto ba niyang makuha ang loob ng punong opisyal ng bilangguan? Malamang na mas gusto niyang mapawalang-sala at makalaya. Nakisuyo pa nga siya sa isang bilanggo na malapit nang palayain na kausapin ang Paraon para mapalaya rin siya. (Gen. 40:14) Pero nalimutan ng lalaki na kausapin ang Paraon. Kaya dalawang taon pang nanatili si Jose sa bilangguan. (Gen. 40:23; 41:1, 14) Pero patuloy pa rin siyang pinagtatagumpay ni Jehova. Paano?

11. Anong kakayahan ang ibinigay ni Jehova kay Jose, at paano ito nakatulong para matupad ang layunin ni Jehova?

11 Habang nakabilanggo si Jose, binigyan ni Jehova ang hari ng Ehipto ng dalawang panaginip. Gustong-gusto ng Paraon na malaman ang ibig sabihin ng mga iyon. Nang malaman ng hari na kayang bigyan ng kahulugan ni Jose ang mga panaginip, ipinatawag niya ito. Sa tulong ni Jehova, naipaliwanag ni Jose ang mga panaginip at humanga ang Paraon sa praktikal na payo na ibinigay nito. Alam ng Paraon na ginagabayan ni Jehova si Jose, kaya inatasan siya ng Paraon na maging tagapangasiwa ng pagkain sa buong Ehipto. (Gen. 41:38, 41-44) Nang maglaon, nagkaroon ng matinding taggutom hindi lang sa Ehipto kundi pati na rin sa Canaan, ang lupaing tinitirhan ng pamilya ni Jose. Nasa kalagayan na ngayon si Jose na iligtas ang pamilya niya para maingatan ang linya ng angkan na pagmumulan ng Mesiyas.

12. Paano pinagtagumpay ni Jehova si Jose?

12 Pag-isipan ang mga di-pangkaraniwang pangyayari sa buhay ni Jose. Bakit binigyang-pansin ni Potipar si Jose na isang alipin lang? Bakit pinagkatiwalaan ng punong opisyal ng bilangguan si Jose, na isang hamak na bilanggo lang? Bakit nanaginip ang Paraon at bakit naipaliwanag ni Jose ang mga iyon? Bakit ginawang tagapangasiwa ng pagkain si Jose sa buong Ehipto? (Gen. 45:5) Maliwanag na dahil iyon kay Jehova. Pinagtagumpay niya ang lahat ng ginawa ni Jose. Nang bandang huli, ang masamang balak ng mga kapatid ni Jose ang naging daan para matupad ang kalooban ni Jehova.

KUNG PAANO KA PINAGTATAGUMPAY NI JEHOVA

13. Nakikialam ba si Jehova sa lahat ng nangyayari sa atin? Ipaliwanag.

13 Ano ang matututuhan natin sa mga nangyari kay Jose? Nakikialam ba si Jehova sa lahat ng nangyayari sa atin? Minamaniobra ba niya ang bawat pangyayari sa buhay natin para magkaroon ng magagandang resulta ang masasamang bagay na nangyayari? Hindi, walang sinasabing ganiyan sa Bibliya. (Ecles. 8:9; 9:11) Pero alam natin na kapag may pinagdaraanan tayo, alam iyon ni Jehova at naririnig niya ang paghingi natin ng tulong. (Awit 34:15; 55:22; Isa. 59:1) Higit pa riyan, tinutulungan tayo ni Jehova na makayanan ang mga problemang iyon. Paano?

14. Paano tayo tinutulungan ni Jehova kapag may mga problema?

14 Inaaliw tayo at pinapatibay ni Jehova, at madalas na ibinibigay niya ang mga tulong na ito sa tamang panahon. (2 Cor. 1:3, 4) Ganiyan ang nangyari kay Eziz, isang brother sa Turkmenistan na sinentensiyahang mabilanggo nang dalawang taon dahil sa pananampalataya niya. Ikinuwento niya: “Noong umaga bago ang pagdinig, ipinabasa sa akin ng isang brother ang Isaias 30:15. Ang sabi doon: ‘Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.’ Ang tekstong ito ang nakatulong sa akin na manatiling kalmado at ipaubaya kay Jehova ang lahat ng bagay. Malaki ang naitulong sa akin ng pagbubulay-bulay sa tekstong ito noong panahong nasa bilangguan ako.” May panahon ba sa buhay mo na binigyan ka ni Jehova ng kaaliwan at pampatibay noong kailangang-kailangan mo ito?

15-16. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Tori?

15 Kadalasan nang nakikita lang natin ang tulong ni Jehova kapag natapos na ang problema. Napatunayan iyan ng sister na si Tori. Anim na taóng nakipaglaban sa kanser ang anak niyang si Mason hanggang sa mamatay ito. Talagang nadurog ang puso ni Tori. Sinabi niya, “Bilang nanay, napakasakit nito para sa akin.” Sinabi pa niya, “Siguradong sasang-ayon ang ibang magulang na mas masakit makitang naghihirap ang anak mo kaysa sa ikaw mismo ang naghihirap.”

16 Pero kahit napakasakit kay Tori ng pagsubok na iyon, sinabi niya nang maglaon na tinulungan siya ni Jehova na makayanan iyon. “Kapag naaalala ko iyon,” ang sabi niya, “nakikita ko ang maibiging kamay ni Jehova noong panahong may sakit ang anak ko. Halimbawa, kahit hindi na kaya ni Mason na tumanggap ng mga bisita, pumupunta pa rin ang mga kapatid sa ospital kahit dalawang oras ang biyahe. Laging may kapatid sa waiting room na handang tumulong. Ibinibigay nila kahit ang materyal na mga pangangailangan namin. Kahit sa pinakamahihirap na sitwasyon, hindi nila kami pinabayaan.” Ibinigay ni Jehova kay Tori ang kailangan niya para makapagtiis, at ganoon din ang ginawa Niya para kay Mason.—Tingnan ang kahong “ Ibinigay ni Jehova ang Mismong Kailangan Namin.”

ISIPIN ANG MGA PAGPAPALA MO

17-18. Ano ang tutulong sa atin na makita at ipagpasalamat ang tulong ni Jehova sa panahon ng pagsubok? (Awit 40:5)

17 Basahin ang Awit 40:5. Tunguhin ng isang mountain climber na makarating sa pinakatuktok ng bundok. Pero sa pag-akyat niya, may mga lugar na puwede siyang huminto muna at pagmasdan ang magagandang tanawin. Sa katulad na paraan, mahalagang huminto muna at bulay-bulayin kung paano ka pinagtatagumpay ni Jehova kahit sa panahong may pinagdaraanan ka. Sa pagtatapos ng bawat araw, tanungin ang sarili: ‘Sa anong pagkakataon ko nakitang pinagpala ako ni Jehova sa araw na ito? Kahit na may problema pa rin ako, paano ako tinutulungan ni Jehova na makapagtiis?’ Puwede kang mag-isip ng kahit isang pagpapala mula kay Jehova na nakatulong para magtagumpay ka.

18 Baka ipinapanalangin mong matapos na ang mga problema mo. Natural lang iyon at tama naman. (Fil. 4:6) Pero dapat din nating isipin ang mga pagpapalang tinatanggap natin sa ngayon. Hindi ba’t nangako si Jehova na papatibayin niya tayo at tutulungang makapagtiis? Kaya huwag na huwag mong kakalimutang pasalamatan si Jehova sa mga tulong niya. Kapag ginawa mo iyan, makikita mo kung paano ka pinagtatagumpay ni Jehova, gaya ng ginawa niya kay Jose, kahit sa panahon ng mga pagsubok.—Gen. 41:51, 52.

AWIT 32 Pumanig kay Jehova!

a Kapag may pinagdaraanan tayong mahirap na pagsubok, baka isipin nating hindi tayo “nagtatagumpay.” Baka masabi nating nagtagumpay lang tayo kapag natapos na ang problema. Pero may mahalaga tayong matututuhan sa mga nangyari kay Jose—tinutulungan tayo ni Jehova na magtagumpay kahit kasalukuyan tayong dumaranas ng mga pagsubok. Paano? Tatalakayin natin iyan sa artikulong ito.

b Sa iilang talata lang mababasa sa Bibliya ang mga pagbabagong ito sa buhay ni Jose bilang alipin, pero posibleng nangyari ito sa loob ng ilang taon.