Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 44

Pag-aralan ang Bawat Sukat at Anggulo ng Salita ng Diyos

Pag-aralan ang Bawat Sukat at Anggulo ng Salita ng Diyos

‘Lubusan ninyong intindihin ang lapad at haba at taas at lalim.’—EFE. 3:18.

AWIT BLG. 95 Ang Liwanag ay Lalong Nagniningning

NILALAMAN a

1-2. Ano ang pinakamagandang paraan ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya? Magbigay ng ilustrasyon.

 KUNG gusto mong bumili ng bahay, ano muna ang gusto mong makita bago ka magdesisyon? Puwede na ba sa iyo ang picture lang ng harap ng bahay? Siguradong gusto mong puntahan ang bahay at libutin ito para makita mo mismo ang lahat ng kuwarto at sulok nito. Baka nga gusto mo pang tingnan ang plano ng bahay para malaman mo kung paano ito itinayo. Siyempre, aalamin mo muna ang lahat ng detalye tungkol sa bahay bago mo ito bilhin.

2 Ganiyan din tayo kapag nagbabasa at nag-aaral ng Bibliya. Ayon sa isang iskolar, ang Bibliya ay parang “isang napakalaki at napakataas na gusali, na may malalim na pundasyon.” Kaya paano tayo magiging pamilyar sa lahat ng nilalaman ng Bibliya? Kung babasahin mo lang ito nang mabilis, mga pangunahing katotohanan lang ang malalaman mo—“ang panimulang mga bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (Heb. 5:12) Pero gaya ng ilustrasyon tungkol sa bahay, kailangan mo itong “libutin” para mapag-aralan ang mga detalye nito. Ang isang magandang paraan ng pag-aaral sa Bibliya ay ang alamin kung paano naging magkakaugnay ang iba’t ibang bahagi nito. Sikaping maintindihan kung ano ang mga katotohanang pinapaniwalaan mo at kung bakit mo pinapaniwalaan ang mga iyon.

3. Ano ang sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano noon, at bakit? (Efeso 3:​14-19)

3 Para maintindihan natin ang lahat ng anggulo at detalye ng Bibliya, dapat nating pag-aralan ang malalalim na katotohanan nito. Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano noon na pag-aralan nilang mabuti ang Salita ng Diyos para lubusan nilang maintindihan ang “lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan. Tutulong iyon para ‘maging matibay ang pagkakaugat at pagkakatatag’ ng pananampalataya nila. (Basahin ang Efeso 3:​14-19.) Ganiyan din ang kailangan nating gawin. Kaya alamin natin kung paano natin pag-aaralan ang Salita ng Diyos para mas maintindihan natin ito.

PAG-ARALAN ANG MALALALIM NA KATOTOHANAN NG BIBLIYA

4. Ano ang dapat nating gawin para mas mapalapit kay Jehova? Magbigay ng halimbawa.

4 Bilang mga Kristiyano, hindi tayo kontento sa mga pangunahing turo ng Bibliya. Gustong-gusto nating malaman “maging ang malalalim na bagay ng Diyos” sa tulong ng banal na espiritu niya. (1 Cor. 2:​9, 10) Kaya mag-isip ng isang study project na mas magpapalapit sa iyo kay Jehova. Halimbawa, puwede mong pag-aralan kung paano siya nagpakita ng pag-ibig sa mga lingkod niya noon at kung paano nito pinapatunayan na mahal ka rin niya. Puwede mo ring alamin kung paano sinasamba ng mga Israelita noon si Jehova at ikumpara ito sa kaayusan ng mga Kristiyano ngayon. O baka puwede mong suriin ang mga hulang natupad kay Jesus noong nasa lupa siya.

5. Anong paksa ang gusto mong gawing study project?

5 Tinanong ang ilang masisipag mag-aral ng Bibliya kung anong malalalim na bagay ang gusto nilang pag-aralan. Nasa kahong “ Mga Paksa Para sa Study Project” ang ilan sa mga sagot nila. Mag-e-enjoy kang pag-aralan ang mga ito gamit ang Watch Tower Publications Index o ang Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova. Kung pag-aaralan mong mabuti ang Bibliya, titibay ang pananampalataya mo at “matatagpuan mo ang kaalaman tungkol sa Diyos.” (Kaw. 2:​4, 5) Kaya pag-aralan natin ngayon ang ilang malalalim na turo ng Bibliya.

ALAMIN ANG LAYUNIN NG DIYOS

6. (a) Ano ang pagkakaiba ng plano at ng layunin? (b) Bakit masasabing ‘walang hanggan’ ang layunin ni Jehova para sa mga tao at sa lupa? (Efeso 3:11)

6 Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa layunin ng Diyos. May pagkakaiba ang plano at ang layunin. Ang plano ay parang ang espesipikong ruta na pinili mo papunta sa destinasyon mo. Pero puwedeng mabigo ang plano mo kung may harang sa rutang iyon. Ang layunin naman ay ang mismong destinasyon. Alam natin kung saan tayo pupunta, pero walang espesipikong ruta. Puwede itong baguhin kung kailangan. Buti na lang, unti-unting isiniwalat ni Jehova sa Bibliya ang “walang-hanggang layunin” niya. (Tingnan ang study note sa Efeso 3:11.) Puwedeng gumamit si Jehova ng iba’t ibang paraan at “minamaniobra [niya] ang lahat ng bagay para matupad ang layunin niya.” (Kaw. 16:​4, tlb.) At ang resulta ng mga ginagawa ni Jehova ay mananatili magpakailanman. Ano ba ang layunin ni Jehova, at ano ang mga pagbabagong ginawa niya para matupad ito?

7. Nang magrebelde ang unang mga tao, paano binago ni Jehova ang paraan kung paano niya tutuparin ang layunin niya? (Mateo 25:34)

7 Sinabi ng Diyos sa unang mga tao kung ano ang layunin niya para sa kanila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at pangasiwaan iyon, at pamahalaan ninyo ang . . . bawat buháy na nilalang.” (Gen. 1:28) Nang magrebelde sina Adan at Eva, pumasok ang kasalanan sa pamilya ng tao. Pero hindi ito nakapigil sa layunin ni Jehova. Binago lang niya ang paraan kung paano ito matutupad. Agad niyang ipinasiya na magtatag ng isang Kaharian sa langit na tutupad sa orihinal na layunin niya para sa mga tao at sa lupa. (Basahin ang Mateo 25:34.) Nang dumating ang takdang panahon ni Jehova, isinugo niya ang panganay niyang Anak dito sa lupa. Itinuro ni Jesus sa mga tao ang tungkol sa Kaharian at ibinigay ang buhay niya para tubusin tayo sa kasalanan at kamatayan. Matapos siyang buhaying muli, bumalik siya sa langit para maging Hari sa Kaharian ng Diyos. Pero may kailangan pa tayong alamin tungkol sa layunin ng Diyos.

Isipin ang panahon na nagkakaisa na ang lahat ng lingkod ni Jehova sa langit at sa lupa at nagpapasakop sila sa kaniya (Tingnan ang parapo 8)

8. (a) Ano ang tema ng Bibliya? (b) Ayon sa Efeso 1:​8-11, ano pa ang kasama sa layunin ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

8 Ang pinakatema ng Bibliya ay ang pagbabangong-puri sa pangalan ni Jehova habang tinutupad niya ang layunin niya sa lupa. Gagamitin niya ang Kaharian na pinamamahalaan ni Kristo para matupad ito. Hindi mababago ang layunin ni Jehova. Sinigurado niyang matutupad ito. (Isa. 46:​10, 11, tlb.; Heb. 6:​17, 18) Magiging paraiso ang lupa at ‘mabubuhay magpakailanman’ dito ang perpekto at matuwid na mga supling nina Adan at Eva. (Awit 22:26) Pero hindi lang ito ang kasama sa layunin ni Jehova. Pagkakaisahin din niya ang lahat ng lingkod niya sa langit at sa lupa, at magpapasakop silang lahat sa pamamahala niya. (Basahin ang Efeso 1:​8-11.) Hindi ka ba namamangha kung paano tinutupad ni Jehova ang layunin niya?

PAG-ISIPAN ANG MANGYAYARI SA HINAHARAP

9. Kung babasahin natin ang Bibliya, ano ang malalaman natin na mangyayari sa hinaharap?

9 Pag-usapan natin ang inihula ni Jehova sa hardin ng Eden, na nasa Genesis 3:15. b Tungkol iyon sa mga pangyayaring tutupad sa layunin niya. Pero mangyayari ang mga ito pagkalipas pa ng ilang libong taon. Halimbawa, sinabi ng Diyos kay Abraham na pagkalipas ng maraming henerasyon, isa sa mga supling niya ang magiging Kristo. (Gen. 22:​15-18) Pagkatapos, noong 33 C.E., sinugatan si Jesus sa sakong, gaya ng inihula. (Gawa 3:​13-15) Maghihintay pa tayo nang mahigit 1,000 taon bago matupad ang huling pangyayari sa hulang iyon—ang pagdurog sa ulo ni Satanas. (Apoc. 20:​7-10) At marami pang sinasabi ang Bibliya na mangyayari habang papatapos ang alitan sa pagitan ng sistema ni Satanas at ng organisasyon ni Jehova.

10. (a) Anong mga pangyayari ang malapit nang maganap? (b) Paano natin maihahanda ang isip at puso natin? (Tingnan ang talababa.)

10 Isipin ang malalaking pangyayaring ito na inihula sa Bibliya. Una, magdedeklara ang mga bansa ng “kapayapaan at katiwasayan!” (1 Tes. 5:​2, 3) “Biglang” magsisimula ang malaking kapighatian kapag inatake na ng mga bansa ang lahat ng huwad na relihiyon. (Apoc. 17:16) Pagkatapos nito, posibleng makita ng mga tao sa kamangha-manghang paraan “ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” (Mat. 24:30) Hahatulan ni Jesus ang mga tao, at ibubukod niya ang mga tupa mula sa mga kambing. (Mat. 25:​31-33, 46) Pero hindi pa rin titigil si Satanas. Sa galit niya, iimpluwensiyahan niya ang isang koalisyon ng mga bansa, na tinatawag sa Bibliya na Gog ng lupain ng Magog, para salakayin ang bayan ni Jehova. (Ezek. 38:​2, 10, 11) Sa panahong iyon, titipunin sa langit ang mga natitirang pinahiran at makakasama sila ni Kristo at ng mga hukbo niya sa langit para makipaglaban sa digmaan ng Armagedon, ang wakas ng malaking kapighatian. c (Mat. 24:31; Apoc. 16:​14, 16) Pagkatapos, magsisimula na ang Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo sa lupa.​—Apoc. 20:6.

Gaano ka na kaya kalapít kay Jehova kung matututo ka tungkol sa kaniya sa loob ng bilyon-bilyong taon? (Tingnan ang parapo 11)

11. Ano ang magiging epekto ng buhay na walang hanggan sa kaugnayan mo kay Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

11 Pag-isipan ang magiging kinabukasan mo pagkatapos ng 1,000 taóng iyon. Sinasabi ng Bibliya na inilagay ng Maylalang sa puso natin ang magpakailanman. (Ecles. 3:11) Ano kaya ang magiging epekto nito sa kaugnayan mo kay Jehova? Ganito ang sinasabi sa aklat na Maging Malapít kay Jehova, pahina 382: “Kahit daan-daan, libo-libo, milyon-milyon, bilyon-bilyong taon na tayong nabubuhay sa panahong iyon, higit pa ang ating malalaman tungkol sa Diyos na Jehova. Subalit maiisip pa rin natin na napakarami pang kahanga-hangang bagay na matututuhan natin. . . . Ang buhay na walang hanggan ay magiging makabuluhan at makulay sa paraang hindi natin malirip—at ang laging magiging pinakakasiya-siyang bahagi nito ay ang patuluyang pagiging higit na malapít kay Jehova.” Habang hinihintay nating mangyari iyan, ano pa ang puwede nating pag-aralan sa Salita ng Diyos?

ALAMIN ANG MGA NANGYAYARI SA LANGIT

12. Paano natin malalaman ang mga nangyayari sa langit? Magbigay ng halimbawa.

12 Binibigyan tayo ng ideya ng Bibliya tungkol sa presensiya ni Jehova “sa kaitaasan.” (Isa. 33:5) May binabanggit itong kamangha-manghang mga bagay tungkol kay Jehova at sa makalangit na bahagi ng organisasyon niya. (Isa. 6:​1-4; Dan. 7:​9, 10; Apoc. 4:​1-6) Halimbawa, mababasa natin dito ang nakita ni Ezekiel noong “nabuksan ang langit at nagsimula [siyang] makakita ng mga pangitain mula sa Diyos.”​—Ezek. 1:1.

13. Bakit mo pinapahalagahan ang papel ni Jesus sa langit? (Hebreo 4:​14-16)

13 Isipin din ang papel ni Jesus sa langit bilang ating Hari at maunawaing Mataas na Saserdote. Sa pamamagitan niya, puwede tayong manalangin at lumapit sa “trono ng walang-kapantay na kabaitan” ng Diyos para tumanggap tayo ng awa at tulong “sa tamang panahon.” (Basahin ang Hebreo 4:​14-16.) Araw-araw, lagi sana nating isipin ang ginawa at ginagawa ni Jehova at ni Jesus sa langit para sa atin. Dahil sa pag-ibig nila sa atin, dapat tayong mapakilos na maging masigasig sa paglilingkod.​—2 Cor. 5:​14, 15.

Isipin ang saya na mararamdaman mo sa bagong sanlibutan kung may natulungan kang maging Saksi ni Jehova at alagad ni Jesus! (Tingnan ang parapo 14)

14. Ano ang isa sa pinakamagandang paraan para maipakita natin ang pasasalamat kay Jehova at kay Jesus? (Tingnan din ang mga larawan.)

14 Paano natin maipapakitang talagang nagpapasalamat tayo sa Diyos at sa Anak niya? Ang isa sa pinakamagandang paraan ay ang pagtulong sa iba na maging Saksi ni Jehova at alagad ni Jesus. (Mat. 28:​19, 20) Ganiyan ang ginawa ni apostol Pablo. Alam niya na gusto ni Jehova na “maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:​3, 4) Kaya nagsikap siya nang husto na makapangaral sa maraming tao “para mailigtas [niya] ang ilan sa anumang paraan.”​—1 Cor. 9:​22, 23.

MAG-ENJOY SA PAG-AARAL NG BIBLIYA

15. Ayon sa Awit 1:​2, paano tayo magiging maligaya?

15 Sinabi ng salmista na maligaya at matagumpay ang taong ‘nalulugod sa kautusan ni Jehova’ at “binubulay-bulay” ito araw at gabi. (Awit 1:​1-3; tlb.) Tungkol sa tekstong ito, sinabi ng tagapagsalin ng Bibliya na si Joseph Rotherham sa aklat niya na Studies in the Psalms na ang isang tao ay dapat na “lubos na masiyahan sa patnubay ng Diyos, kaya hahanapin niya ito, pag-aaralan, at matagal na pag-iisipan.” Sinabi rin niya na “kung lumipas ang isang araw na hindi nagbasa ng Bibliya ang isang tao, nasayang lang ang araw na iyon.” Mag-e-enjoy ka sa pag-aaral ng Bibliya kung magsisikap kang pag-aralan ang mga detalye nito at kung paano naging magkakaugnay ang mga ito. Talagang napakasayang pag-aralan ang bawat sukat at anggulo ng Salita ng Diyos!

16. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

16 Kaya nating maintindihan ang magagandang katotohanan na itinuturo ni Jehova sa Bibliya. Sa susunod na artikulo, pag-aaralan natin ang isang malalim na katotohanan—ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova, na tinalakay ni Pablo sa liham niya sa mga Hebreong Kristiyano. Mag-enjoy ka sana sa pag-aaral nito!

AWIT BLG. 94 Salamat sa Salita ng Diyos

a Puwede tayong mag-enjoy sa pag-aaral ng Bibliya habambuhay. Tutulong ito para mas mapalapit tayo sa ating Ama sa langit. Sa artikulong ito, aalamin natin kung paano natin pag-aaralan ang “lapad at haba at taas at lalim” ng Salita ng Diyos.

b Tingnan ang artikulong “Isang Hula na May Epekto sa Iyo” sa Bantayan, isyu ng Hulyo 2022.

c Para malaman kung paano magiging handa sa malalaking pangyayari na malapit nang maganap, tingnan ang aklat na Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos! p. 230.