Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 5

AWIT BLG. 27 Ang Pagsisiwalat sa mga Anak ng Diyos

“Hinding-hindi Kita Pababayaan”!

“Hinding-hindi Kita Pababayaan”!

“Sinabi [ng Diyos]: ‘Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.’”HEB. 13:5b.

MATUTUTUHAN

Kung bakit makakasigurado ang mga lingkod ng Diyos sa lupa na hindi niya sila pababayaan kapag umakyat na sa langit ang lahat ng natitirang pinahirang Kristiyano.

1. Kailan aakyat sa langit ang lahat ng natitirang pinahiran?

 INIISIP ng mga lingkod ni Jehova noon, ‘Kailan aakyat sa langit ang mga natitirang pinahirang Kristiyano?’ Naniniwala tayo noon na posibleng may ilang pinahiran na mananatili sa lupa at titira sa Paraiso nang ilang panahon pagkatapos ng Armagedon. Pero natutuhan natin sa Bantayan, isyu ng Hulyo 15, 2013, na aakyat sa langit ang lahat ng natitirang pinahiran sa lupa bago sumiklab ang digmaan ng Armagedon.​—Mat. 24:31.

2. Ano ang posibleng itanong ng ilan, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Pero baka itanong ng ilan: Ano ang mangyayari sa “ibang mga tupa” ni Kristo na tapat na naglilingkod kay Jehova sa lupa sa panahon ng “malaking kapighatian”? (Juan 10:16; Mat. 24:21) Baka nag-aalala ang ilan sa kanila na hindi na nila alam ang gagawin o baka mapabayaan na sila kapag nasa langit na ang mga pinahiran. Talakayin natin ang dalawang ulat sa Bibliya kung bakit posible nilang maisip iyon. Pagkatapos, pag-usapan natin ang mga dahilan kung bakit hindi tayo dapat mag-alala.

ANO ANG HINDI MANGYAYARI?

3-4. Ano ang posibleng maisip ng ilan, at bakit?

3 Posibleng maisip ng ilan na titigil na sa paglilingkod kay Jehova ang ibang mga tupa kapag wala na ang Lupong Tagapamahala na gumagabay sa kanila. Baka maisip nila iyan dahil sa ilang ulat sa Bibliya. Talakayin natin ang dalawang halimbawa. Ang una ay ang nangyari pagkamatay ng mataas na saserdoteng si Jehoiada. Isa siyang tapat na lingkod ng Diyos. Pinrotektahan nila ng asawa niyang si Jehosabet ang batang si Jehoas at tinulungang maging mabuti at tapat na hari. Nanatiling tapat si Jehoas noong nabubuhay pa si Jehoiada. Pero pagkamatay nito, naging masama si Jehoas. Nakinig siya sa matataas na opisyal na gumagawa ng masama, at iniwan niya si Jehova.​—2 Cro. 24:​2, 15-19.

4 Ang isa pang halimbawa ay ang nangyari sa mga Kristiyano noong ikalawang siglo. Si Juan na lang ang natitirang apostol noon. Mabuting impluwensiya siya sa maraming Kristiyano—tinulungan niya sila na maglingkod nang tapat kay Jehova. (3 Juan 4) Gaya ng ginawa ng iba pang tapat na apostol ni Jesus, sinikap din ni Juan na protektahan ang mga kongregasyon mula sa lumalaganap na apostasya. (1 Juan 2:18; tingnan ang mga study note sa 2 Tes. 2:7.) Pero pagkamatay ni Juan, marami ang naging apostata. Pagkalipas ng maraming taon, nadungisan na ang kongregasyong Kristiyano.

5. Ano ang hindi natin dapat isipin tungkol sa dalawang ulat na ito?

5 Ipinapakita ba ng mga ulat na ito na kapag nasa langit na ang lahat ng pinahiran, posibleng gumawa na ng masama ang ibang mga tupa ni Kristo gaya ni Jehoas o posibleng maging apostata na sila gaya ng maraming Kristiyano noong ikalawang siglo C.E.? Siyempre, hindi! Makakapagtiwala tayo na kapag wala na sa lupa ang lahat ng pinahiran, patuloy pa ring sasamba kay Jehova ang ibang mga tupa at patuloy niya silang pangangalagaan. Bakit tayo makakasigurado diyan?

HINDI MADUDUNGISAN ANG DALISAY NA PAGSAMBA

6. Anong tatlong panahon ang pag-uusapan natin?

6 Bakit makakapagtiwala tayo na hindi madudungisan ang dalisay na pagsamba kahit sa darating na mahihirap na panahon? Dahil sinasabi ng Bibliya na ibang-iba ang panahon natin sa panahon ng mga Israelita at sa panahon ng mga Kristiyano noong ikalawang siglo. Kaya pag-usapan natin ang tatlong panahong iyan: (1) ang panahon ng sinaunang Israel, (2) ang panahon pagkamatay ng mga apostol, at (3) ang panahon natin, ‘ang panahon ng pagbabalik sa dati ng lahat ng bagay.’—Gawa 3:21.

7. Noong panahon ng sinaunang Israel, bakit hindi pinanghinaan ng loob ang mga tapat kahit gumawa ng masama ang maraming Israelita at mga hari nila?

7 Ang panahon ng sinaunang Israel. Bago mamatay si Moises, sinabi niya sa mga Israelita: “Alam na alam kong pagkamatay ko, magiging napakasama ninyo at lilihis kayo mula sa daang itinuro ko sa inyo.” (Deut. 31:29) Sinabi rin ni Moises na kung magrerebelde ang mga Israelita, ipapatapon sila. (Deut. 28:​35, 36) Nagkatotoo ba ang mga ito? Oo. Sa loob ng daan-daang taon, maraming hari ang gumawa ng masama at inimpluwensiyahan nila ang bayan ng Diyos. Dahil dito, pinarusahan ni Jehova ang masasamang Israelita at hindi na niya pinahintulutan na magkaroon ng mga Israelitang hari na mamamahala sa kanila. (Ezek. 21:​25-27) Pero lumakas ang loob ng mga tapat nang makita nila na nagkatotoo ang salita ng Diyos.​—Isa. 55:​10, 11.

8. Dapat ba tayong magulat na nadungisan ang kongregasyong Kristiyano noong ikalawang siglo? Ipaliwanag.

8 Ang panahon pagkamatay ng mga apostol. Dapat ba tayong magulat na nadungisan ang kongregasyong Kristiyano noong ikalawang siglo? Hindi. Inihula na ni Jesus na lalaganap ang apostasya. (Mat. 7:​21-23; 13:​24-30, 36-43) Pinatunayan ng mga sinabi nina apostol Pablo, Pedro, at Juan na nagsisimula nang matupad iyan noong unang siglo C.E. (2 Tes. 2:​3, 7; 2 Ped. 2:1; 1 Juan 2:18) Noong ikalawang siglo C.E., nadungisan na ang kongregasyon. Dumami ang mga apostatang Kristiyano at naging malaking bahagi sila ng Babilonyang Dakila—ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Natupad ang inihula ni Jesus.

9. Bakit masasabing iba ang panahon natin sa panahon ng sinaunang Israel at sa panahon ng kongregasyong Kristiyano noong ikalawang siglo?

9 ‘Ang panahon ng pagbabalik sa dati ng lahat ng bagay.’ Iba ang panahon natin sa panahon ng mga Israelita noon at sa panahong lumaganap ang apostasya noong ikalawang siglo C.E. Ano ang tawag sa panahon natin? Madalas, tinatawag natin iyan na “mga huling araw” ng masamang sistemang ito. (2 Tim. 3:1) Pero sinasabi ng Bibliya na may nagsimula ring kasabay niyan na isang mas mahalaga at mas mahabang panahon. Magpapatuloy ang panahong ito hanggang sa maibalik na ng Mesiyanikong Kaharian ang pagiging perpekto ng mga tao at maging Paraiso na ang lupa. Tinatawag ito na ‘panahon ng pagbabalik sa dati ng lahat ng bagay.’ (Gawa 3:21) Nagsimula ito noong 1914. Ano ang ibinalik nang taóng iyon? Naging Hari si Jesus sa langit. Kaya may tagapamahala na ulit na kakatawan kay Jehova na nagmula sa angkan ni Haring David. Pero hindi lang iyan. Di-nagtagal pagkatapos niyan, nagsimula na rin ang pagbabalik sa dalisay na pagsamba! (Isa. 2:​2-4; Ezek. 11:​17-20) Madudungisan ba ito ulit?

10. (a) Ano ang inihula ng Bibliya tungkol sa dalisay na pagsamba sa panahon natin? (Isaias 54:17) (b) Bakit nakakapagpatibay ang mga hulang iyan?

10 Basahin ang Isaias 54:17. Pag-isipan ang hulang iyan: “Anumang sandata ang gawin para ipanlaban sa iyo ay hindi magtatagumpay”! Natutupad na iyan ngayon, pati na ang mga salitang ito: “Ang lahat ng anak mo ay tuturuan ni Jehova, at magkakaroon sila ng saganang kapayapaan. Katuwiran ang magiging pundasyon mo. . . . Wala kang anumang katatakutan at kasisindakan, dahil hindi ito lalapit sa iyo.” (Isa. 54:​13, 14) Kahit si Satanas—ang “diyos ng sistemang ito”—ay walang magagawa para patigilin ang gawaing pagtuturo ng mga lingkod ni Jehova. (2 Cor. 4:4) Naibalik na ang dalisay na pagsamba, at hindi na ito madudungisan pang muli. Mananatili ito magpakailanman. Hindi magtatagumpay ang anumang sandata na ipanlalaban sa atin!

ANO ANG MANGYAYARI?

11. Bakit tayo makakasigurado na hindi mapapabayaan ang malaking pulutong kapag nasa langit na ang lahat ng pinahiran?

11 Ano ang mangyayari kapag nasa langit na ang lahat ng pinahiran? Tandaan na si Jesus ang Pastol natin. Siya ang ulo ng kongregasyong Kristiyano. Sinabi niya: “Iisa ang inyong Lider, ang Kristo.” (Mat. 23:10) Namamahala na siya sa langit, at lagi niyang pangangalagaan ang tunay na mga tagasunod niya dito sa lupa. Dahil si Kristo ang gumagabay sa kanila, wala silang dapat ikatakot. Pero siyempre, hindi natin alam ang lahat ng detalye kung paano pangungunahan ni Kristo ang mga tagasunod niya kapag nasa langit na ang lahat ng pinahiran. Kaya tingnan natin ang ilang halimbawa sa Bibliya na tutulong para mas tumibay ang pagtitiwala natin.

12. Paano pinangalagaan ni Jehova ang bayan niya (a) pagkamatay ni Moises? (b) nang makatanggap si Elias ng bagong atas? (Tingnan din ang larawan.)

12 Namatay si Moises bago pa makapasok ang Israel sa Lupang Pangako. Ano ang nangyari sa bayan ng Diyos? Pinabayaan na ba sila ni Jehova? Hindi. Hangga’t tapat sila, pinaglalaanan sila ni Jehova. Bago mamatay si Moises, sinabi sa kaniya ni Jehova na atasan si Josue para manguna sa bayan. Maraming taóng sinanay ni Moises si Josue. (Ex. 33:11; Deut. 34:9) Isa pa, maraming iba pang may-kakayahang lalaki noon na nangunguna—mga pinuno ng libo-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu. (Deut. 1:15) Talagang napangalagaan ang bayan ng Diyos! Ganiyan din ang nangyari noong panahon ni Elias. Sa loob ng maraming taon, nagsikap siyang tulungan ang mga Israelita na sambahin si Jehova. Pero nang bandang huli, inatasan siya ni Jehova na maglingkod sa Juda. (2 Hari 2:1; 2 Cro. 21:12) Napabayaan ba ang mga tapat na nasa 10-tribong kaharian ng Israel? Hindi. Maraming taóng sinanay ni Elias si Eliseo. Mayroon ding “mga anak ng mga propeta” na tumanggap ng pagsasanay. (2 Hari 2:7) Kaya maraming tapat na lalaki noon na puwedeng manguna sa bayan ng Diyos. Habang patuloy na isinasagawa ni Jehova ang layunin niya, patuloy rin niyang pinapangalagaan ang tapat na mga mananamba niya.

Parehong nagsanay sina Moises (kaliwang larawan) at Elias (kanang larawan) ng papalit sa kanila (Tingnan ang parapo 12)


13. Ano ang ipinapangako sa atin ni Jehova sa Hebreo 13:5b? (Tingnan din ang larawan.)

13 Base sa mga ulat na iyan, ano sa tingin mo ang mangyayari kapag nasa langit na ang lahat ng pinahiran? Nakakapagpatibay ang sinasabi ng Bibliya: Hinding-hindi pababayaan ni Jehova ang mga lingkod niya sa lupa. (Basahin ang Hebreo 13:5b.) Gaya nina Moises at Elias, alam din ng maliit na grupo ng mga pinahirang Kristiyano na nangunguna sa ngayon na mahalagang sanayin ang iba. Maraming taon nang nagsasanay ang Lupong Tagapamahala ng mga lalaki mula sa ibang mga tupa para manguna. Halimbawa, nag-organisa ang Lupong Tagapamahala ng maraming school para sanayin ang mga elder, naglalakbay na tagapangasiwa, miyembro ng Komite ng Sangay, overseer sa Bethel, at iba pa. Personal din silang nagsasanay ng mga helper o ng mga makakatulong nila sa iba’t ibang committee ng Lupong Tagapamahala. Tapat na ginagampanan ng mga katulong na ito ang mabigat na pananagutan nila sa ngayon. Handang-handa silang ipagpatuloy ang pangangalaga sa mga tupa ni Kristo.

Talagang nagsikap ang Lupong Tagapamahala na magsanay ng mga katulong at mag-organisa ng mga school na magsasanay sa mga elder, naglalakbay na tagapangasiwa, miyembro ng Komite ng Sangay, overseer sa Bethel, at misyonero sa buong mundo (Tingnan ang parapo 13)


14. Ano ang mahalagang natutuhan natin sa mga tinalakay natin?

14 Ito ang mahalagang natutuhan natin sa mga tinalakay natin: Sa bandang dulo ng malaking kapighatian, kapag umakyat na sa langit ang lahat ng natitirang pinahiran, magpapatuloy ang dalisay na pagsamba sa lupa. Sa pangunguna ni Jesu-Kristo, hindi titigil sa pagsamba kay Jehova ang mga lingkod Niya. Totoo, sa panahong iyon, aatakihin tayo ni Gog ng Magog, isang koalisyon ng mga bansa. (Ezek. 38:​18-20) Pero hindi ito magtatagumpay; hindi nito mapapahinto ang mga lingkod ni Jehova sa pagsamba sa kaniya. Siguradong ililigtas niya sila! Nakita ni apostol Juan sa isang pangitain ang “malaking pulutong” ng ibang mga tupa ni Kristo. Sinabi kay Juan na ang “malaking pulutong” ay “lumabas mula sa malaking kapighatian.” (Apoc. 7:​9, 14) Kaya sigurado tayong ililigtas sila ni Jehova.

15-16. Ayon sa Apocalipsis 17:​14, ano ang gagawin ng mga pinahiran sa panahon ng digmaan ng Armagedon, at bakit nakakapagpatibay iyon?

15 Baka maisip pa rin ng ilan, ‘Ano ang gagawin ng mga pinahiran kapag umakyat na sila sa langit?’ Direktang sinasagot iyan ng Bibliya. Sinasabi nito na “makikipaglaban ang mga [gobyerno ng mundong ito] sa Kordero.” Siyempre, matatalo sila. Mababasa natin: “Magtatagumpay ang Kordero laban sa kanila.” Sino ang tutulong sa Kordero? Sinasabi sa teksto na sila ay ang mga “tinawag,” “pinili,” at “tapat.” (Basahin ang Apocalipsis 17:14.) Sino sila? Ang mga binuhay-muling pinahiran! Kaya kapag nasa langit na ang lahat ng pinahiran sa bandang dulo ng malaking kapighatian, ang isa sa mga una nilang gagawin ay makipaglaban. Napakahalagang atas niyan! May mga pinahirang Kristiyano na dating nakikipaglaban bago sila naging Saksi ni Jehova. Sundalo pa nga ang ilan sa kanila. Pero naging tunay na mga Kristiyano sila at natutuhan nilang makipagpayapaan sa iba. (Gal. 5:22; 2 Tes. 3:16) Hindi na sila sumasali sa digmaan. Pero pag-akyat nila sa langit, sasama sila kay Kristo at sa mga anghel para makipaglaban sa huling digmaan laban sa mga kaaway ng Diyos.

16 Pag-isipan ito: Habang nasa lupa pa ang mga pinahirang Kristiyano, may ilan sa kanila na may-edad at mahina na. Pero kapag nasa langit na sila, magiging mga espiritung nilalang sila na makapangyarihan at imortal, at inatasan silang makipaglaban kasama ng Mandirigmang-Hari nila, si Jesu-Kristo. Pagkatapos ng digmaan ng Armagedon, makakasama sila ni Jesus sa pagtulong sa mga tao na maging perpekto. Kaya kapag nasa langit na sila, mas marami silang maitutulong sa mga kapatid nila sa lupa kaysa noong mga tao pa sila at di-perpekto.

17. Paano natin nalaman na ligtas ang lahat ng lingkod ng Diyos sa panahon ng digmaan ng Armagedon?

17 Kasama ka ba sa ibang mga tupa? Kung oo, ano ang kailangan mong gawin kapag nagsimula na ang digmaan ng Armagedon? Kailangan mong magtiwala kay Jehova at sundin ang mga tagubilin niya. Posibleng kasama diyan ang sinasabing ito ng Bibliya: “Pumasok kayo . . . sa inyong mga kaloob-loobang silid, at isara ninyo ang mga pinto. Magtago kayo sandali hanggang sa makalampas ang galit.” (Isa. 26:20) Sa panahong iyon, magiging ligtas ang lahat ng tapat na lingkod ng Diyos sa langit at sa lupa. Gaya ni apostol Pablo, kumbinsido tayo na kahit ang “mga pamahalaan o mga bagay na narito ngayon o mga bagay na darating . . . ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.” (Roma 8:​38, 39) Lagi mong tandaan ito: Mahal ka ni Jehova, at hinding-hindi ka niya pababayaan!

KAPAG NASA LANGIT NA ANG LAHAT NG PINAHIRANG KRISTIYANO,

  • ano ang hindi mangyayari?

  • bakit tayo makakasigurado na hindi madudungisan ang dalisay na pagsamba?

  • bakit tayo makakapagtiwala na pangangalagaan ni Jehova ang bayan niya?

AWIT BLG. 8 Si Jehova ang Ating Kanlungan