Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 7

AWIT BLG. 51 Sa Diyos Tayo’y Nakaalay!

Mga Aral Mula sa mga Nazareo

Mga Aral Mula sa mga Nazareo

“Banal siya para kay Jehova sa lahat ng araw ng kaniyang pagiging Nazareo.”​—BIL. 6:8.

MATUTUTUHAN

Kung paano makakatulong sa atin ang halimbawa ng mga Nazareo para mapaglingkuran natin si Jehova nang may pagsasakripisyo at lakas ng loob.

1. Anong magandang katangian ang naipapakita ng mga mananamba ni Jehova mula pa noon?

 MAHAL na mahal mo ba si Jehova? Sigurado iyan! Ang totoo, marami ang nagmamahal kay Jehova mula pa noon. (Awit 104:​33, 34) At nagsasakripisyo sila sa pagsamba sa kaniya. Ganiyang-ganiyan ang mga Nazareo sa Israel noon. Sino sila, at ano ang matututuhan natin sa kanila?

2. (a) Sino ang mga Nazareo? (Bilang 6:​1, 2) (b) Bakit pinili ng ilang Israelita na maging Nazareo?

2 Ang salitang “Nazareo” ay galing sa terminong Hebreo na nangangahulugang “Isa na Pinili,” “Isa na Nakabukod,” o “Isa na Nakaalay.” Bagay na bagay ang terminong ito sa mga Israelita na nagsasakripisyo para mapaglingkuran si Jehova sa espesyal na paraan. Sa Kautusang Mosaiko, puwedeng piliin ng isang lalaki o babae na maging Nazareo sa loob ng ilang panahon. Pantanging panata niya iyan kay Jehova. a (Basahin ang Bilang 6:​1, 2.) Dahil sa panatang iyan, may sinusunod siyang mga utos na hindi kailangang sundin ng iba pang Israelita. Kaya bakit gugustuhin ng isang Israelita na maging Nazareo? Siguradong dahil iyon sa matinding pagmamahal niya kay Jehova at sa pagpapahalaga niya sa maraming pagpapala ng Diyos sa kaniya.​—Deut. 6:5; 16:17.

3. Ano ang pagkakatulad ng bayan ng Diyos ngayon at ng mga Nazareo?

3 Hindi na puwedeng manata bilang Nazareo ang sinuman nang mapalitan ang Kautusang Mosaiko ng “kautusan ng Kristo.” (Gal. 6:2; Roma 10:4) Pero gaya ng mga Nazareo, gusto rin ng mga lingkod ni Jehova ngayon na mapaglingkuran siya nang kanilang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. (Mar. 12:30) Ipinanata natin iyan nang ialay natin kay Jehova ang buhay natin. At para matupad ang panatang iyan, ginagawa natin ang kalooban ni Jehova at nagsasakripisyo tayo. Marami tayong matututuhan sa mga Nazareo kung paano natin tutuparin ang panata natin. b (Mat. 16:24) Talakayin natin ang ilan.

MAGING MAPAGSAKRIPISYO

4. Ano ang kailangang isakripisyo ng isang Nazareo ayon sa Bilang 6:​3, 4?

4 Basahin ang Bilang 6:​3, 4. Hindi puwedeng uminom ang isang Nazareo ng anumang inuming de-alkohol at kumain ng anumang galing sa ubas, kasama na ang pasas. Puwedeng uminom ng alak ang mga Israelita noon at kumain ng ubas at pasas. Hindi naman kasi iyon mali. Sinasabi pa nga ng Bibliya na ang “alak na nagpapasaya sa puso ng tao” ay regalo ng Diyos. (Awit 104:​14, 15) Pero handa ang mga Nazareo na isakripisyo ang mga bagay na ito. c

Handa ka bang magsakripisyo gaya ng mga Nazareo? (Tingnan ang parapo 4-6)


5. Ano ang mga sakripisyong ginawa nina Madián at Marcela, at bakit?

5 Gaya ng mga Nazareo, nagsasakripisyo rin tayo para mas mapaglingkuran si Jehova. Tingnan ang ginawa nina Madián at Marcela. d Maalwan ang buhay nilang mag-asawa. Dahil mataas ang suweldo ni Madián, nakatira sila sa isang magandang apartment. Pero gusto nilang mas mapaglingkuran si Jehova, kaya gumawa sila ng ilang pagbabago. Sinabi nila: “Hindi na kami masyadong magastos. Lumipat kami sa mas maliit na apartment, at ibinenta namin ang sasakyan namin.” Hindi obligado sina Madián at Marcela na gawin ang mga ito. Pero nagsakripisyo sila para mas mapaglingkuran si Jehova. Kontento sila at masaya sa naging desisyon nila.

6. Bakit nagsasakripisyo ang mga Kristiyano ngayon? (Tingnan din ang larawan.)

6 Masaya ang mga Kristiyano ngayon kapag nagsasakripisyo sila para mas makapaglingkod kay Jehova. (1 Cor. 9:​3-6) Hindi niya tayo inoobliga na isakripisyo ang mga bagay na hindi naman labag sa utos niya. Pero isinasakripisyo ng ilan ang gusto nilang trabaho, komportableng bahay, o kahit ang alaga nilang hayop. Marami rin ang hindi muna nag-asawa o nag-anak. Nagdesisyon naman ang ilan na maglingkod sa mas malaki ang pangangailangan kahit pa mapapalayo sila sa mga mahal nila sa buhay. Ginagawa ng marami sa atin ang ganiyang mga sakripisyo kasi gusto nating maibigay kay Jehova ang pinakamabuti natin. Makakapagtiwala ka na pinapahalagahan ni Jehova ang mga sakripisyo mo, maliit man o malaki, para mas mapaglingkuran mo siya.​—Heb. 6:10.

MAGING HANDANG MAPAIBA

7. Bakit hindi laging madali para sa isang Nazareo na tuparin ang panata niya? (Bilang 6:5) (Tingnan din ang larawan.)

7 Basahin ang Bilang 6:5. Kasama sa panata ng mga Nazareo na hindi magpagupit ng buhok. Tanda iyon na lubusan silang nagpapasakop kay Jehova. Kapag matagal nang Nazareo ang isang Israelita, mas mapapansin na ng iba ang haba ng buhok niya. Hindi mahihirapan ang isang Nazareo na mapaiba kung susuportahan ng mga kapuwa niya Israelita ang panata niya. Pero may panahon noon sa Israel na hindi pinapahalagahan o sinusuportahan ang mga Nazareo. Noong panahon ni propeta Amos, ‘patuloy na binibigyan ng apostatang mga Israelita ang mga Nazareo ng alak na maiinom.’ (Amos 2:12) Lumilitaw na gusto nilang hindi matupad ng mga Nazareo ang panata ng mga ito na umiwas sa alak. Hindi laging madaling mapaiba, kaya kailangan ng isang Nazareo ng lakas ng loob para matupad ang panata niya.

Handang mapaiba ang isang Nazareo dahil sa panata niya (Tingnan ang parapo 7)


8. Paano ka napatibay ng karanasan ng batang si Benjamin?

8 Sa tulong ni Jehova, kakayanin din nating mapaiba, kahit pa mahiyain tayo. Tingnan ang karanasan ni Benjamin, isang Saksi sa Norway na 10 taóng gulang. Dahil sa giyera sa Ukraine, nagkaroon ng program sa school nila para ipakita ang suporta sa bansang iyon. Kasama sa program ang pagkanta ng mga bata, at kailangan nilang magsuot ng damit na kakulay ng bandera ng Ukraine. Hindi lumapit si Benjamin para hindi siya makasama sa program dahil nasyonalistiko ito. Pero nakita siya ng teacher at sumigaw ito: “Halika na! Hinihintay ka namin.” Lakas-loob na pumunta si Benjamin sa teacher niya, at sinabi niya: “Ma’am, neutral po ako. Hindi po ako sumasali sa mga activity na tungkol sa politika. Marami nga pong Saksi ni Jehova ang nakakulong kasi ayaw nilang sumali sa giyera.” Dahil diyan, hindi na pinilit ng teacher si Benjamin na sumali sa program. Pero nagtanong din ang mga kaklase niya kung bakit hindi siya sumasali. Kabadong-kabado si Benjamin at halos maiyak siya, pero lakas-loob niyang inulit sa buong klase ang sinabi niya sa teacher niya. Pagkatapos, sinabi ni Benjamin sa mga magulang niya na naramdaman niyang tinulungan siya ni Jehova para maipagtanggol ang paniniwala niya.

9. Paano natin mapapasaya ang puso ni Jehova?

9 Dahil sa pagsunod natin kay Jehova, napapansin ng mga tao na naiiba tayo. Kailangan natin ng lakas ng loob kapag nagpapakilala tayo bilang Saksi ni Jehova sa trabaho o sa school. Dahil pasamâ nang pasamâ ang ugali ng mga tao at bumabagsak ang pamantayan nila, mas mahihirapan pa tayong sumunod sa Bibliya at ibahagi sa iba ang mabuting balita. (2 Tim. 1:8; 3:13) Pero lagi sana nating tandaan na ‘napapasaya natin ang puso ni Jehova’ kapag hindi tayo natatakot na mapaiba sa mga hindi naglilingkod sa kaniya.​—Kaw. 27:11; Mal. 3:18.

LAGING UNAHIN SI JEHOVA

10. Bakit mahirap para sa mga Nazareo na sundin ang utos sa Bilang 6:​6, 7?

10 Basahin ang Bilang 6:​6, 7. Hindi puwedeng lumapit ang mga Nazareo sa patay. Sa unang tingin, parang hindi naman iyan malaking sakripisyo. Pero noong panahon ng Bibliya, mahihirapan ang isang Nazareo na sundin ang utos na ito kapag kapamilya niya ang namatay. Dahil sa kaugalian noon sa paglilibing, hindi maiiwasan ng isa na lumapit sa namatay. (Juan 19:​39, 40; Gawa 9:​36-40) Pero dahil may panata ang isang Nazareo, hindi niya masusunod ang kaugaliang iyon. Kahit na nagdadalamhati ang isang Nazareo sa pagkamatay ng isang kapamilya, hindi pa rin niya lalabagin ang panata niya dahil matibay ang pananampalataya niya. At siguradong nakakayanan ng tapat na mga lingkod na ito ang mahihirap na sitwasyong iyon dahil pinapalakas sila ni Jehova.

11. Ano ang dapat na maging determinasyon ng isang Kristiyano pagdating sa mga usaping pampamilya? (Tingnan din ang larawan.)

11 Bilang nakaalay na mga Kristiyano, napakahalagang tuparin natin ang panata natin kay Jehova. At makakaapekto iyan sa desisyon natin sa mga usaping pampamilya at sa pakikitungo natin sa kanila. Hindi natin pinapabayaan ang mga responsibilidad natin sa pamilya, pero mas inuuna natin ang gusto ni Jehova imbes na ang sa pamilya natin. (Mat. 10:​35-37; 1 Tim. 5:8) At kung minsan, para mapasaya natin si Jehova, baka kailangan nating gumawa ng mga desisyon na ikakagalit ng pamilya natin.

Handa ka bang unahin si Jehova kahit sa pinakamahihirap na sitwasyon? (Tingnan ang parapo 11) e


12. Ano ang ginawa ni Alexandru nang pigilan siya ng asawa niya na mag-aral ng Bibliya, at ano ang hindi niya ginawa?

12 Tingnan ang karanasan ni Alexandru at ng asawa niyang si Dorina. Sabay silang nag-aral ng Bibliya sa loob ng isang taon, pero huminto si Dorina at gusto niyang huminto na rin si Alexandru. Pero mabait at mahinahong sinabi ni Alexandru kay Dorina na hindi siya hihinto. Nagalit si Dorina at gumawa siya ng paraan para mapilitang huminto si Alexandru. Sinabi ni Alexandru na sinubukan niyang intindihin ang asawa niya, pero aminado siyang hindi iyon madali. May mga panahong gusto na niyang huminto kapag pinagsasalitaan siya ng masakit ni Dorina. Tiniis iyon ni Alexandru dahil gusto niyang unahin si Jehova. Pero hindi nawala ang pagmamahal at paggalang niya sa asawa niya. Bandang huli, dahil sa magandang halimbawa ni Alexandru, nag-aral ulit ng Bibliya si Dorina at nagpabautismo.​—Panoorin ang video na Alexandru at Dorina Văcar: “Ang Pag-ibig ay Matiisin at Mabait” sa seryeng “Binago ng Katotohanan ang Buhay Nila” na nasa jw.org.

13. Paano natin maipapakita ang pag-ibig natin kay Jehova at sa pamilya natin?

13 Si Jehova ang nagpasimula ng pamilya, at gusto niyang maging masaya ang lahat ng pamilya. (Efe. 3:​14, 15) Kaya kung gusto talaga nating maging masaya, kailangan nating sundin si Jehova. Lagi sana nating tandaan na pinapahalagahan ni Jehova ang mga sakripisyo natin para mapaglingkuran siya habang inaalagaan natin ang ating pamilya at pinapakitunguhan sila nang may pag-ibig at paggalang.​—Roma 12:10.

PATIBAYIN ANG ISA’T ISA NA MAGING GAYA NG MGA NAZAREO

14. Sino-sino sa kongregasyon ang lalo nating dapat patibayin?

14 Kapag nagpasiya ang isa na paglingkuran si Jehova, dapat na handa siyang magsakripisyo dahil sa pagmamahal niya sa Diyos. Pero hindi iyan laging madali. Kaya paano natin matutulungan ang isa’t isa na maging mapagsakripisyo? Kung hahanap tayo ng mga salitang nakakapagpatibay. (Job 16:5) Mayroon ba sa kongregasyon ninyo na nagpapasimple ng buhay para mas makapaglingkod? May kilala ka bang mga kabataan na naninindigan sa paaralan kahit hindi madali sa kanila na mapaiba? Baka may kilala ka ring mga Bible study at mga kapatid na inuusig ng pamilya nila pero nananatiling tapat. Lagi sana tayong humanap ng pagkakataon na makausap sila para malaman nilang pinapahalagahan natin ang pagsasakripisyo nila at lakas ng loob.​—Flm. 4, 5, 7.

15. Paano sinusuportahan ng ilan ang mga naglilingkod nang buong panahon?

15 Baka may iba pa tayong puwedeng maitulong sa mga kapananampalataya nating naglilingkod nang buong panahon. (Kaw. 19:17; Heb. 13:16) Tingnan ang halimbawa ng isang tapat na may-edad na sister sa Sri Lanka. Dahil nadagdagan ang pensiyon niya, gusto niyang tulungan ang dalawang kabataang payunir na sister na kapos sa pinansiyal pero gusto pa ring patuloy na makapaglingkod. Kaya kada buwan, nagbibigay siya sa kanila ng allowance na nagagamit ng mga sister na pambayad sa bill ng telepono. Napakagandang halimbawa ng may-edad na sister na ito!

16. Ano ang matututuhan natin sa buhay ng mga Nazareo noon?

16 Marami tayong matututuhan sa magandang halimbawa ng mga nagboluntaryong maging Nazareo noon. Pero mas nakilala din natin ang Ama natin sa langit na si Jehova nang pag-aralan natin ang buhay ng mga Nazareo. Nakita nating nagtitiwala si Jehova na gusto talaga natin siyang mapasaya at na handa tayong magsakripisyo para matupad natin ang panata natin nang mag-alay tayo sa kaniya. Binibigyang-dangal tayo ni Jehova, dahil imbes na idikta ang lahat ng bagay, binigyan niya tayo ng pagkakataong magpasiya kung paano natin ipapakita ang pagmamahal natin sa kaniya. (Kaw. 23:​15, 16; Mar. 10:​28-30; 1 Juan 4:19) Natutuhan din natin sa buhay ng mga Nazareo na alam at pinapahalagahan ni Jehova ang mga sakripisyo natin para mapaglingkuran siya. Kaya maging determinado sana tayong patuloy na paglingkuran si Jehova at buong pusong ibigay sa kaniya ang pinakamabuti natin.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Paano nagpakita ng pagsasakripisyo at lakas ng loob ang mga nagboluntaryong maging Nazareo?

  • Paano natin mapapatibay ang isa’t isa na maging gaya ng mga Nazareo?

  • Ano ang natutuhan natin tungkol kay Jehova mula sa buhay ng mga Nazareo?

AWIT BLG. 124 Ipakita ang Katapatan

a May ilang Nazareo na ang Diyos mismo ang nag-atas, pero lumilitaw na ang karamihan sa kanila ay mga Israelitang nagboluntaryo lang.​—Tingnan ang kahong “ Ang mga Inatasan ni Jehova na Maging Nazareo.”

b Sa ilang publikasyon natin, ikinukumpara ang mga Nazareo sa mga naglilingkod nang buong panahon. Pero sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano matutularan ng lahat ng nakaalay na lingkod ni Jehova ang mga Nazareo.

c Karaniwan na, walang karagdagang pananagutan ang isang Nazareo, gaya ng isang atas sa paglilingkod, para matupad ang panata niya.

d Tingnan ang artikulong “Nagpasimple Kami ng Buhay” sa seryeng “Mga Karanasan ng mga Saksi ni Jehova” na nasa jw.org.

e LARAWAN: Mula sa bubungan, pinapanood ng isang Nazareo ang prusisyon sa libing ng minamahal niyang kapamilya. Hindi siya makasama dito dahil sa panata niya.