Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 19

AWIT BLG. 22 Dumating Nawa ang Kaharian!

Ang mga Hatol ni Jehova sa Hinaharap

Ang mga Hatol ni Jehova sa Hinaharap

‘Hindi gusto ni Jehova na mapuksa ang sinuman.’2 PED. 3:9.

MATUTUTUHAN

Kung bakit tayo sigurado na tama at makatarungan ang magiging hatol ni Jehova sa hinaharap.

1. Bakit natin masasabing malapit na ang wakas?

 NAPAKALAPIT na ng wakas! Araw-araw nating nakikitang natutupad ang mga hula sa Bibliya. Halimbawa, nakikita nating nag-aagawan sa kapangyarihan ang “hari ng hilaga” at ang “hari ng timog.” (Dan. 11:​40, tlb.) Nakikita rin nating naipapangaral na ang mabuting balita ng Kaharian sa buong mundo at dumarami ang sumasama sa paglilingkod kay Jehova. (Isa. 60:22; Mat. 24:14) At tumatanggap tayo ng napakaraming espirituwal na pagkain “sa tamang panahon.”​—Mat. 24:​45-47.

2. Sa ano tayo nakakasigurado, pero ano ang dapat nating tanggapin?

2 Unti-unting nililinaw sa atin ni Jehova ang mga detalye ng mahahalagang pangyayari sa hinaharap. (Kaw. 4:18; Dan. 2:28) Sigurado tayo na kapag nagsimula na ang malaking kapighatian, alam na natin ang dapat nating gawin para makapanatili tayong tapat at nagkakaisa. Pero dapat nating tanggapin na may ilang bagay pa rin na hindi natin malalaman. Sa artikulong ito, tatalakayin kung bakit binago ang ilang paliwanag natin sa mga pangyayaring ito. Pagkatapos, tatalakayin natin ang ilang bagay na alam natin tungkol sa hinaharap at kung paano hahatol ang Ama natin sa langit sa panahong iyon.

KUNG ANO ANG HINDI NATIN ALAM

3. Ano ang iniisip nating mangyayari sa mga taong hindi naglilingkod kay Jehova na naabutan ng malaking kapighatian, at bakit natin nasabi iyan noon?

3 Noon, sinasabi natin na kapag nagsimula na ang malaking kapighatian, wala nang pagkakataon ang mga taong hindi sumasamba kay Jehova na makapaglingkod sa kaniya at makaligtas sa Armagedon. Nasabi natin iyan kasi iniisip natin na may mas malaking katuparan sa panahon natin ang mga nangyari noong panahon ng Baha. Halimbawa, sinasabi natin na kung paanong isinara ni Jehova ang pinto ng arka bago magsimula ang Baha, “sasaraduhan din niya ng pinto” ang sanlibutan ni Satanas bago magsimula ang malaking kapighatian. Kaya wala nang puwedeng humabol para maglingkod kay Jehova at maligtas.​—Mat. 24:​37-39.

4. Dapat ba nating isipin na may mas malaking katuparan sa hinaharap ang lahat ng nangyari noong panahon ng Baha? Ipaliwanag.

4 Dapat ba nating isipin na may mas malaking katuparan sa hinaharap ang lahat ng nangyari noong panahon ng Baha? Hindi, kasi walang sinasabi ang Bibliya. a Totoo, ikinumpara ni Jesus ang panahon ng presensiya niya sa “panahon ni Noe.” Pero hindi niya sinasabi na may mas malaking katuparan sa hinaharap ang lahat ng nangyari noong panahon ng Baha, gaya ng pagsasara ni Jehova ng pinto ng arka. Pero may matututuhan pa rin tayo kay Noe at sa mga nangyari noong panahon niya.

5. (a) Ano ang ginawa ni Noe bago ang Baha? (Hebreo 11:7; 1 Pedro 3:20) (b) Ano ang pagkakapareho ng panahon natin sa panahon ni Noe pagdating sa gawaing pangangaral?

5 Nang malaman ni Noe ang babala ni Jehova, ipinakita niyang nananampalataya siya noong nagtayo siya ng arka. (Basahin ang Hebreo 11:7; 1 Pedro 3:20.) Ganiyan din ang dapat gawin ng mga taong nakarinig ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos—kailangan nilang gawin ang mga natutuhan nila. (Gawa 3:​17-20) Bukod sa pagtatayo ng arka, nangaral din si Noe, kaya tinawag siya ni Pedro na “isang mángangarál ng katuwiran.” (2 Ped. 2:5) Pero gaya ng tinalakay natin sa nakaraang artikulo, hindi natin alam kung nakapag-organisa ba si Noe ng pangangaral para mababalaan ang lahat ng tao sa lupa bago dumating ang Baha. Sa ngayon, mayroon tayong gawaing pangangaral sa buong mundo, at talagang nagsisikap tayong makibahagi dito. Pero kahit gawin natin ang buong makakaya natin, alam nating imposibleng mapangaralan ang lahat ng tao sa lupa bago dumating ang wakas. Bakit natin nasabi iyan?

6-7. Bakit natin masasabi na hindi natin kayang mapangaralan ang lahat ng tao sa lupa bago dumating ang wakas?

6 Pag-isipan ang sinabi ni Jesus tungkol sa gawaing pangangaral natin. Inihula niya na ipapangaral ang mabuting balita “sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa.” (Mat. 24:14) Kitang-kita na natutupad na iyan sa ngayon. Available na sa mahigit 1,000 wika ang mensahe ng Kaharian. At dahil sa website natin na jw.org, posibleng malaman ng napakaraming tao sa mundo ang mabuting balita.

7 Pero sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na “hindi [nila] malilibot ang lahat ng lunsod.” Ibig sabihin, hindi nila mapapangaralan ang lahat ng tao bago ang pagdating niya. (Mat. 10:23; 25:​31-33) Marami sa ngayon ang nakatira sa mga lugar na ipinagbabawal ang gawain natin. At kada minuto, daan-daang sanggol ang ipinapanganak. Ginagawa natin ang buong makakaya natin para maipangaral ang mabuting balita “sa bawat bansa at tribo at wika.” (Apoc. 14:6) Pero kahit gawin natin iyan, hindi natin mapapangaralan ang lahat ng tao sa buong lupa bago dumating ang wakas.

8. Ano ang posibleng maitanong natin tungkol sa magiging hatol ni Jehova sa hinaharap? (Tingnan din ang mga larawan.)

8 Baka maitanong natin: ‘Paano naman ang mga taong hindi nagkaroon ng pagkakataong malaman ang mabuting balita bago ang malaking kapighatian? Ano ang magiging hatol sa kanila ni Jehova at ng Anak niya, na binigyan niya ng awtoridad na humatol?’ (Juan 5:​19, 22, 27; Gawa 17:31) Sinasabi sa temang teksto ng artikulong ito na ‘hindi gusto ni Jehova na mapuksa ang sinuman’ kundi gusto niya na “ang lahat ay magsisi.” (2 Ped. 3:9; 1 Tim. 2:4) Iyan pa lang ang ipinaalam sa atin ni Jehova. Hindi pa niya sinasabi kung ano ang magiging hatol niya sa mga taong hindi nagkaroon ng pagkakataong malaman ang mabuting balita. Pero tandaan, hindi obligado si Jehova na sabihin sa atin ang lahat ng gagawin niya.

Ano ang magiging hatol ni Jehova sa mga taong hindi nagkaroon ng pagkakataong malaman ang mabuting balita bago ang malaking kapighatian? (Tingnan ang parapo 8) c


9. Ano ang ipinaalam sa atin ni Jehova sa Bibliya?

9 Sa Bibliya, ipinaalam sa atin ni Jehova ang ilang bagay na gagawin niya. Halimbawa, sinabi niya na bubuhayin niyang muli ang mga “di-matuwid” na hindi nagkaroon ng pagkakataong malaman ang mabuting balita at magbago. (Gawa 24:15; Luc. 23:​42, 43) Dahil diyan, ano pa ang posible nating maitanong?

10. Ano pa ang posible nating maitanong?

10 Wala na bang pag-asang mabuhay-muli ang lahat ng mamamatay sa panahon ng malaking kapighatian? Ang mga pupuksain lang ni Jehova at ng mga hukbo niya sa Armagedon ang malinaw na sinasabi ng Bibliya na hindi na bubuhaying muli. Sila ang mga taong kumakalaban sa Diyos. (2 Tes. 1:​6-10) Pero paano naman ang iba? Halimbawa, sa panahon ng malaking kapighatian, posibleng may mamatay dahil sa sakit o katandaan. Baka may mamatay rin dahil sa aksidente o dahil sa kagagawan ng iba. (Ecles. 9:11; Zac. 14:13) Posible kaya na kasama sa mga “di-matuwid” na bubuhaying muli ang ilan sa kanila? Hindi natin alam.

KUNG ANO ANG ALAM NATIN

11. Ano ang magiging basehan ng paghatol sa mga tao sa Armagedon?

11 Alam na natin ang ilang detalye ng mga mangyayari sa hinaharap. Halimbawa, alam nating hahatulan ang mga tao sa Armagedon base sa naging pakikitungo nila sa mga kapatid ni Kristo. (Mat. 25:40) Ituturing na tupa ang mga sumuporta sa mga pinahiran at kay Kristo. Alam din natin na nasa lupa pa ang ilang kapatid ni Kristo kapag nagsimula na ang malaking kapighatian. Aakyat lang sila sa langit bago magsimula ang Armagedon. Hangga’t may kapatid pa si Kristo sa lupa, posibleng may pagkakataon pa ang mga tapat-puso na suportahan sila at ang ginagawa nila. (Mat. 25:​31, 32; Apoc. 12:17) Bakit mahalagang pag-isipan ang mga iyan?

12-13. Ano ang posibleng gawin ng ilan kapag nakita nilang nawasak na ang “Babilonyang Dakila”? (Tingnan din ang mga larawan.)

12 Kapag nagsimula na ang malaking kapighatian at nawasak na ang “Babilonyang Dakila,” baka maalala ng ilan na matagal na itong sinasabi ng mga Saksi ni Jehova. Posible kayang dahil dito, manampalataya na ang ilan kay Jehova?​—Apoc. 17:5; Ezek. 33:33.

13 Nangyari na iyan sa Ehipto noong panahon ni Moises. “Isang malaking grupo ng mga banyaga” ang sumama sa Israel noong umalis sila sa Ehipto. (Ex. 12:38) May ilan sa mga banyagang ito na nanampalataya lang noong makita nilang nagkatotoo ang mga sinabi ni Moises tungkol sa Sampung Salot. Kung may mga sumama rin sa atin pagkatapos mawasak ng Babilonyang Dakila at magawa nilang manampalataya bago ang Armagedon, madidismaya ba tayo? Siyempre, hindi! Gusto nating tularan ang Ama natin sa langit, na “isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan.” bEx. 34:6.

Maaalala ng ilang makakakita sa pagkawasak ng “Babilonyang Dakila” na matagal na itong sinasabi ng mga Saksi ni Jehova (Tingnan ang parapo 12-13) d


14-15. Nakadepende ba ang pag-asa ng isa na mabuhay nang walang hanggan sa panahon kung kailan siya namatay o kung saan siya nakatira? Ipaliwanag. (Awit 33:​4, 5)

14 Minsan, sinasabi ng ilan na namatayan ng kamag-anak na hindi Saksi, “Mas okey na rin na namatay siya bago ang malaking kapighatian para mayroon siyang pag-asang buhaying muli.” Siguradong maganda naman ang motibo nila kaya nila nasabi iyan. Pero hindi nakadepende ang pag-asa ng isa na mabuhay nang walang hanggan sa panahon kung kailan siya namatay. Perpektong Hukom si Jehova, kaya laging tama at makatarungan ang mga desisyon niya. (Basahin ang Awit 33:​4, 5.) Makakapagtiwala tayo na gagawin ng “Hukom ng buong lupa” kung ano ang tama.​—Gen. 18:25.

15 Makatuwiran ding isipin na hindi nakadepende ang pag-asa ng isa sa lugar kung saan siya nakatira. Hinding-hindi ituturing ni Jehova na “kambing” ang milyon-milyong tao dahil lang sa nakatira sila sa lugar na hindi napaabutan ng mabuting balita. (Mat. 25:46) Kung naaawa tayo sa mga taong ito, siguradong mas naaawa sa kanila ang matuwid na Hukom ng buong lupa. Hindi natin alam kung paano pagsusunod-sunurin ni Jehova ang lahat ng mangyayari sa malaking kapighatian. Kaya posibleng ang ilan sa mga taong ito ay magkaroon ng pagkakataong makilala si Jehova, manampalataya sa kaniya, at pumanig sa kaniya kapag ipinakilala na ni Jehova ang sarili niya sa lahat ng bansa.​—Ezek. 38:16.

Kapag nagsimula na ang malaking kapighatian, . . . posible kayang dahil dito, manampalataya na ang ilan kay Jehova?

16. Ano ang alam natin tungkol kay Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

16 Sa pag-aaral natin ng Bibliya, nalaman natin kung gaano kahalaga kay Jehova ang buhay ng isang tao. Ibinigay niya ang buhay ng Anak niya para magkaroon tayo ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (Juan 3:16) Ramdam na ramdam natin ang pagmamahal at pagmamalasakit niya sa atin. (Isa. 49:15) Alam din niya ang pangalan ng bawat isa sa atin. Ang totoo, kilalang-kilala niya tayo kaya kahit mamatay tayo, kaya niya tayong buhaying muli. Alam niya kasi ang bawat detalye tungkol sa atin at kaya niyang ibalik ang lahat ng alaala natin! (Mat. 10:​29-31) Talagang marami tayong dahilan para magtiwalang hinding-hindi magkakamali ng hatol ang mapagmahal nating Ama sa langit kasi marunong siya, matuwid, at napakamaawain.​—Sant. 2:13.

Makakapagtiwala tayong hinding-hindi magkakamali ng hatol si Jehova kasi marunong siya, matuwid, at napakamaawain (Tingnan ang parapo 16)


17. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

17 Dahil sa mga bagong paliwanag na tinalakay natin, bakit natin masasabing mas naging apurahan pa ang gawaing pangangaral? At ano ang magpapakilos sa atin na gawin ang buong makakaya natin sa gawaing ito? Sasagutin ang mga iyan sa susunod na artikulo.

AWIT BLG. 76 Ano’ng Nadarama Mo?

a Para sa paliwanag kung bakit ginawa ang pagbabagong ito, tingnan ang artikulong “Ito ang ‘Paraan na Sinang-ayunan Mo’” sa Bantayan, isyu ng Marso 15, 2015, p. 7-11.

b Pagkatapos mapuksa ng Babilonyang Dakila, may panahong aatake ang Gog ng Magog, kaya masusubok ang lahat ng lingkod ng Diyos. Masusubok din ang lahat ng sasama sa kanila.

c LARAWAN: Tatlong eksena na nagpapakitang hindi posibleng mapangaralan ang lahat ng tao: (1) Isang babaeng nakatira sa lugar na hindi ligtas mangaral dahil sa nangingibabaw na relihiyon, (2) isang mag-asawang nakatira sa lugar na hindi ligtas mangaral dahil napakahigpit ng gobyerno doon, at (3) isang lalaking nakatira sa lugar na napakalayo at hindi mapuntahan.

d LARAWAN: Naalala ng isang babaeng dating naglilingkod kay Jehova ang natutuhan niya tungkol sa pagkawasak ng “Babilonyang Dakila.” Dahil dito, bumalik siya kay Jehova at sa mga magulang niyang Saksi. Kung mangyari iyan sa hinaharap, gusto nating tularan ang maawain at mapagmalasakit nating Ama sa langit at maging masaya na bumalik ang isang makasalanan.