Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 26

AWIT BLG. 8 Si Jehova ang Ating Kanlungan

Si Jehova ang Bato ng Buhay Natin

Si Jehova ang Bato ng Buhay Natin

“Walang bato na gaya ng aming Diyos.”​—1 SAM. 2:2.

MATUTUTUHAN

Kung bakit tinawag si Jehova na “Bato” at kung paano natin siya matutularan.

1. Gaya ng mababasa sa Awit 18:​46, saan ikinumpara ni David si Jehova?

 SA MUNDONG ito, may mga problemang puwedeng makaapekto o bumago sa buhay natin. Buti na lang, nandiyan ang Diyos na Jehova para tulungan tayo! Sa naunang artikulo, naipaalala sa atin na si Jehova ang buháy na Diyos at na lagi siyang handang tulungan tayo. Kapag nararanasan natin ang tulong niya, patunay iyon sa atin na talagang “buháy si Jehova!” (Basahin ang Awit 18:46.) Pero pagkatapos sabihin ni David na buháy ang Diyos, ikinumpara niya ang Diyos sa isang bagay na walang buhay. Tinawag niya si Jehova na “aking Bato.” Ano ang ibig niyang sabihin?

2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung bakit tinawag si Jehova na “Bato” at kung ano ang itinuturo nito sa atin. Titingnan din natin kung paano natin siya gagawing Bato ng buhay natin. Pagkatapos, tatalakayin natin kung paano natin siya matutularan.

KUNG BAKIT GAYA NG BATO SI JEHOVA

3. Ano ang madalas na gamit ng salitang “bato” sa Bibliya? (Tingnan ang larawan.)

3 Ginagamit ng Bibliya ang salitang “bato” para tulungan tayong maintindihan ang mga katangian ni Jehova. Madalas, mababasa ito sa mga ulat na pinupuri si Jehova ng mga lingkod niya. Sa Deuteronomio 32:4 unang tinukoy si Jehova bilang “ang Bato.” Sinabi naman ni Hana sa panalangin niya: “Walang bato na gaya ng aming Diyos.” (1 Sam. 2:2) Tinawag ni Habakuk si Jehova na “aking Bato.” (Hab. 1:12) Itinuring naman ng manunulat ng Awit 73 ang Diyos na “bato ng puso” niya. (Awit 73:26) At kahit si Jehova mismo, tinukoy niya ang sarili niya na isang bato. (Isa. 44:8) Talakayin natin ngayon ang tatlong katangian ni Jehova kung kaya siya tinawag na “Bato.” Tingnan din natin kung paano natin ituturing si Jehova na “ating Bato.”​—Deut. 32:31.

Para sa mga lingkod ni Jehova, gaya siya ng isang matatag na bato (Tingnan ang parapo 3)


4. Bakit masasabing isang kanlungan si Jehova? (Awit 94:22)

4 Isang kanlungan si Jehova. Gaya ng isang malaking bato o kuweba na puwedeng takbuhan kapag may malakas na bagyo, puwede rin nating takbuhan si Jehova kapag may mga problema tayo. (Basahin ang Awit 94:22.) Tinutulungan niya tayong maingatan ang kaugnayan natin sa kaniya, at sisiguraduhin niya na hindi magkakaroon ng permanenteng epekto sa atin ang mga problema natin sa ngayon. Hindi lang iyan. Nangangako rin siya na aalisin niya ang lahat ng dahilan ng pag-aalala at pagdurusa natin.​—Ezek. 34:​25, 26.

5. Paano natin magagawang Kanlungan si Jehova?

5 Paano natin magagawang Kanlungan si Jehova? Ang isang paraan ay ang pananalangin sa kaniya. Kapag ginagawa natin ito, binibigyan tayo ni Jehova ng “kapayapaan ng Diyos” na pumoprotekta sa puso at isip natin. (Fil. 4:​6, 7) Tingnan ang karanasan ng brother na si Artem, na ikinulong dahil sa pananampalataya niya. Noong nasa bilangguan siya, paulit-ulit siyang pinagtatatanong, minamaltrato, at ipinapahiya ng isang imbestigador. Sinabi ni Artem: “Nai-stress ako kapag ipinapatawag ako ng imbestigador. . . . Lagi akong nananalangin kay Jehova. Humingi ako ng karunungan at payapang puso. . . . Nanatili akong tapat kay Jehova anuman ang gawin ng imbestigador. . . . Dahil sa tulong ni Jehova, para akong nakasandal sa batong pader.”

6. Bakit lagi tayong makakaasa kay Jehova? (Isaias 26:​3, 4)

6 Maaasahan si Jehova. Gaya ng isang malaking bato na laging nasa puwesto nito, maaasahan natin na lagi ring nandiyan si Jehova para sa atin. Makakapagtiwala tayo sa kaniya dahil siya ang “walang-hanggang Bato.” (Basahin ang Isaias 26:​3, 4.) Hinding-hindi mawawala si Jehova, kaya lagi siyang nandiyan para tuparin ang mga pangako niya, pakinggan ang mga panalangin natin, at tulungan tayo kapag kailangan natin. Isa pa, tapat siya sa mga naglilingkod sa kaniya. (2 Sam. 22:26) Hinding-hindi niya kakalimutan ang mga ginagawa natin, at nangangako siyang gagantimpalaan niya tayo.​—Heb. 6:10; 11:6.

7. Ano ang mararanasan natin kung aasa tayo kay Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

7 Ginagawa nating Bato ng buhay natin si Jehova kapag buong puso tayong umaasa sa kaniya. Nagtitiwala tayo na kung susundin natin siya kahit sa mahihirap na kalagayan, mapapabuti tayo. (Isa. 48:​17, 18) At sa tuwing nararanasan natin ang tulong niya, mas tumitibay ang tiwala natin sa kaniya. Dahil dito, nagiging kumbinsido tayo na anumang hamon ang mapaharap sa atin, makakayanan natin iyon sa tulong ni Jehova. Kadalasan na, sa mga sitwasyong wala na tayong matatakbuhan kundi si Jehova, doon natin nakikita na talagang maaasahan siya. Ganito ang sinabi ni Vladimir: “Lalo akong napalapít sa Diyos nang makulong ako. Natutuhan kong mas lalong magtiwala kay Jehova kasi mag-isa lang ako at wala akong magawa para baguhin ang kalagayan ko.”

Ginagawa nating Bato ng buhay natin si Jehova kapag buong puso tayong umaasa sa kaniya (Tingnan ang parapo 7)


8. (a) Bakit natin masasabi na matatag si Jehova? (b) Ano ang maitutulong sa atin kung gagawin nating Bato ng buhay natin si Jehova? (Awit 62:​6, 7)

8 Matatag si Jehova. Gaya ng isang malaking bato o bundok, matatag si Jehova at hindi natitinag. Hindi nagbabago ang mga katangian niya at layunin. (Mal. 3:6) Nang magrebelde sina Adan at Eva, hindi niya binago ang layunin niya. Gaya ng isinulat ni apostol Pablo, ‘hindi kaya ni Jehova na kumilos nang taliwas sa pamantayan niya.’ (2 Tim. 2:​13, tlb.) Kaya anuman ang mangyari o gawin ng iba, hinding-hindi magbabago si Jehova. Dahil diyan, makakapagtiwala tayong tutulungan niya tayo sa mahihirap na kalagayan at talagang tutuparin niya ang mga pangako niya sa hinaharap.​—Basahin ang Awit 62:​6, 7.

9. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Tatyana?

9 Magagawa nating Bato ng buhay natin si Jehova kung lagi nating pag-iisipan ang mga katangian niya at layunin. Makakatulong iyan sa atin na manatiling kalmado at tapat sa kaniya kahit may mga pagsubok. (Awit 16:8) Naging totoo iyan sa sister na si Tatyana. Sinabi niya: “Nang ma-house arrest ako, nag-iisa na lang ako. . . . Mahirap iyon noong una. Madalas akong panghinaan ng loob.” Pero nang mapag-isip-isip ni Tatyana ang epekto kay Jehova at sa layunin Niya ng pananatili niyang tapat, naging kalmado siya at nakayanan niya ang sitwasyon. Sinabi niya: “Nakatulong sa akin na maunawaang nasa ganito akong sitwasyon kasi mahal ko si Jehova at gusto ko siyang mapasaya. Iyan ang nakatulong sa akin na huwag magpokus sa sarili ko.”

10. Paano natin magagawa ngayon na maging Bato ng buhay natin si Jehova?

10 Inaasahan natin na malapit na nating maranasan ang mas mahihirap pang sitwasyon. Mas kailangan nating umasa kay Jehova sa mga panahong iyon. Kaya ngayon pa lang, patibayin na natin ang pagtitiwala natin kay Jehova at maging determinadong manatiling tapat sa kaniya anuman ang sitwasyon. Paano natin magagawa iyan? Basahin ang mga ulat sa Bibliya at ang mga karanasan ng mga kapatid natin. Tingnan at pag-isipang mabuti kung paano naging gaya ng bato si Jehova para sa mga lingkod niya. Tutulong iyan sa iyo na makita kung paano mo ring gagawing Bato ng buhay mo si Jehova.

TULARAN SI JEHOVA

11. Bakit gusto nating tularan ang mga katangian ni Jehova? (Tingnan din ang kahong  “Goal Para sa mga Kabataang Brother.”)

11 Natalakay na natin ang mga katangian ni Jehova kung kaya siya tinatawag na “Bato.” Ngayon, pag-usapan natin kung paano natin matutularan ang mga katangiang iyon. Kung sisikapin nating tularan ang pagiging Bato ni Jehova, mapapatatag natin ang kongregasyon. Pansinin na binigyan ni Jesus si Simon ng pangalang Cefas (na isinasaling “Pedro”), ibig sabihin, “Isang Bato.” (Juan 1:42) Ipinapakita nito na mapapalakas at mapapatatag ni Pedro ang kongregasyon. Itinulad ang mga elder sa “lilim ng malaking bato.” Ipinapakita naman niyan kung paano nila pinoprotektahan ang kongregasyon. (Isa. 32:2) Kaya isipin na lang kung lahat ng kapatid, magpapakita ng tulad-batong mga katangian ni Jehova. (Efe. 5:1) Siguradong makikinabang ang kongregasyon!

12. Magbigay ng halimbawa kung paano tayo magiging kanlungan para sa iba.

12 Maging isang kanlungan. Puwede tayong makapagbigay ng literal na kanlungan, o matutuluyan, sa mga kapatid kapag may mga likas na sakuna, kaguluhan, o digmaan. Habang mas humihirap ang kalagayan sa “mga huling araw” na ito, mas dumadami ang pagkakataon natin na tumulong sa mga kapatid. (2 Tim. 3:1) Puwede rin tayong maging kanlungan sa kanila kung ipaparamdam natin sa kanila na mahal natin sila. Halimbawa, kapag nasa Kingdom Hall, puwede tayong makipagkuwentuhan sa kanila at patibayin sila. Nabubuhay tayo sa mundong ito na puno ng stress at walang pakialam ang mga tao sa isa’t isa. Kaya kapag dumadalo ang mga kapatid natin sa pulong, gusto nating gawin ang buong makakaya natin para mapatibay sila, maging panatag, at maiparamdam na may nagmamahal sa kanila.

13. Paano puwedeng maging kanlungan ang mga elder? (Tingnan din ang larawan.)

13 Puwedeng maging kanlungan ang mga elder sa mahihirap na sitwasyon. Kapag may mga sakuna at medical emergency, kumikilos agad sila para tulungan ang mga kapatid. Nandiyan din sila para magpatibay. Mas madaling lapitan ang mga elder na kilalang mahinahon, mapagmalasakit, at laging handang makinig. Dahil sa mga katangiang iyan, nararamdaman ng mga kapatid na talagang mahal sila ng mga elder. Kaya kapag nagbigay sila ng payo na galing sa Bibliya, mas madali itong tanggapin ng mga kapatid.​—1 Tes. 2:​7, 8, 11.

Puwedeng maging kanlungan ang mga elder sa mahihirap na sitwasyon (Tingnan ang parapo 13) a


14. Paano natin maipapakita na maaasahan tayo?

14 Maging maaasahan. Gusto natin na maging isa na maaasahan, lalo na sa mahihirap na sitwasyon. (Kaw. 17:17) Paano natin maipapakita na maaasahan tayo? Gawin natin ang buong makakaya natin na matularan si Jehova. Halimbawa, tuparin natin ang mga pangako natin at sikapin nating maging nasa oras. (Mat. 5:37) Lagi ring maging handang tumulong sa iba. Isa pa, tiyakin na matatapos natin ang mga atas na ibinigay sa atin at gawin natin ito nang ayon sa mga tagubiling tinanggap natin.

15. Paano nakikinabang ang kongregasyon kapag maaasahan ang mga elder?

15 Paano nakikinabang ang kongregasyon kapag maaasahan ang mga elder? Kapag alam ng mga kapatid na puwede silang humingi ng tulong anumang oras sa mga elder, gaya ng group overseer nila, napapanatag sila. At kapag nakikita nila na bukal sa puso ang pagtulong sa kanila, nararamdaman nila na mahal sila ng mga elder. Kapag nakikita naman ng mga kapatid na nagpapayo ang mga elder base sa Bibliya at publikasyon natin imbes na sa sariling opinyon, mas nagtitiwala sila. Nakukuha rin ng mga elder ang tiwala ng mga kapatid kapag hindi sila nagsasabi sa iba ng kompidensiyal na mga bagay at kapag talagang ginagawa nila ang sinabi nilang gagawin nila.

16. Paano tayo makikinabang at ang iba kapag matatag tayo?

16 Maging matatag. Magiging magandang halimbawa tayo sa iba kung determinado tayong gawin kung ano ang tama at kung ibabase natin sa mga prinsipyo sa Bibliya ang mga desisyon natin. Habang tumitibay ang pananampalataya natin at lumalalim ang kaalaman natin, nagiging mas kumbinsido tayo sa katotohanan. Dahil diyan, nagiging matatag tayo sa desisyon natin at hindi tayo basta-basta napapaniwala ng mga maling turo at kaisipan ng mundo. (Efe. 4:14; Sant. 1:​6-8) Kapag nakakatanggap naman tayo ng masasamang balita, tumutulong sa atin ang pananampalataya natin kay Jehova at sa mga pangako niya para manatiling kalmado at matatag. (Awit 112:​7, 8) At kahit may mga problema tayo, kaya pa rin nating tumulong sa iba na may pinagdadaanan din.​—1 Tes. 3:​2, 3.

17. Ano ang magagawa ng mga elder para mapatatag ang kongregasyon?

17 Ang mga elder ay dapat na may kontrol sa paggawi nila, matino ang isip, maayos, at makatuwiran. “Mahigpit [din silang] nanghahawakan sa mapananaligang mensahe.” (Tito 1:9; 1 Tim. 3:​1-3) Dahil dito, napapatatag nila ang kongregasyon. Nakakatulong din ang magandang halimbawa nila at pagse-shepherding para maging regular ang mga kapatid sa pulong, ministeryo, at personal study. Kapag sobrang nag-aalala ang mga kapatid dahil sa mga problema, mapapatibay sila ng mga elder na umasa kay Jehova at magtiwala sa mga pangako niya.

18. Bakit natin gustong purihin si Jehova at lalo pang mapalapit sa kaniya? (Tingnan din ang kahong “ Isang Paraan Para Mas Mapalapit kay Jehova.”)

18 Pagkatapos nating pag-usapan ang magagandang katangian ni Jehova, masasabi rin natin ang sinabi ni Haring David: “Purihin nawa si Jehova na aking Bato.” (Awit 144:1) Lagi tayong makakaasa kay Jehova. Tumanda man tayo, makakapagtiwala pa rin tayong patuloy tayong tutulungan ni Jehova na manatiling malapít sa kaniya. At masasabi natin: “Siya ang aking Bato.”​—Awit 92:​14, 15.

AWIT BLG. 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas

a LARAWAN: Sa Kingdom Hall, hindi nag-alangan ang isang sister na lapitan ang dalawang elder.