Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 24

AWIT BLG. 24 Halikayo sa Bundok ni Jehova!

Maging Panauhin ni Jehova Magpakailanman!

Maging Panauhin ni Jehova Magpakailanman!

“O Jehova, sino ang puwedeng maging panauhin sa iyong tolda?”AWIT 15:1.

MATUTUTUHAN

Kung ano ang dapat nating gawin para manatili tayong kaibigan ni Jehova at kung paano natin dapat pakitunguhan ang mga kaibigan niya.

1. Paano makakatulong sa atin ang Awit 15:​1-5?

 SA NAUNANG artikulo, natutuhan natin na ang mga lingkod ni Jehova ay puwedeng maging mga panauhin sa makasagisag na tolda niya kung sisikapin nilang maging malapít na kaibigan niya. Pero paano natin magagawa iyan? Matutulungan tayo ng Awit 15. (Basahin ang Awit 15:​1-5.) Matututuhan natin dito kung ano ang mga dapat nating gawin para maging malapít sa Diyos.

2. Ano ang posibleng nasa isip ni David nang banggitin niya ang tungkol sa tolda ni Jehova?

2 Ganito nagsimula ang Awit 15: “O Jehova, sino ang puwedeng maging panauhin sa iyong tolda? Sino ang puwedeng tumira sa iyong banal na bundok?” (Awit 15:1) Nang banggitin ng salmistang si David ang “tolda” ni Jehova, posibleng naisip niya ang tabernakulo, na nasa Gibeon nang ilang panahon. O kaya naman, dahil binanggit ni David ang “banal na bundok” ng Diyos, posible ring naisip niya ang tolda na nasa Bundok Sion sa Jerusalem. Nasa timog ito ng Gibeon, at halos 10 kilometro ang layo nito mula sa tabernakulo. Nagtayo dito si David ng tolda at inilagay doon ang kaban ng tipan hanggang sa maitayo ang templo.​—2 Sam. 6:17.

3. Bakit gusto nating maintindihan ang Awit 15? (Tingnan din ang larawan.)

3 Karamihan ng mga Israelita, hindi puwedeng maglingkod sa tabernakulo, at kakaunti lang talaga ang nakapasok sa tolda kung saan nakalagay ang kaban ng tipan. Pero lahat ng tapat na lingkod ni Jehova, puwedeng maging panauhin sa makasagisag na tolda niya kung magiging malapít sila sa kaniya at papanatilihin ang pakikipagkaibigan sa kaniya. Siguradong gusto nating lahat iyan. Sinabi sa Awit 15 ang mga kailangan nating gawin para manatili tayong kaibigan ni Jehova.

Noong panahon ni David, pamilyar ang mga Israelita sa pagiging panauhin sa mga tolda, kaya mai-imagine nila kung paano maging panauhin sa tolda ni Jehova (Tingnan ang parapo 3)


MAGKAROON NG MALINIS NA PAMUMUHAY AT GAWIN ANG TAMA

4. Bakit masasabing hindi lang bautismo ang kailangan para maging kaibigan tayo ni Jehova? (Isaias 48:1)

4 Makikita sa Awit 15:2 na dapat sikapin ng isang kaibigan ng Diyos na ‘magkaroon ng malinis na pamumuhay at gawin ang tama.’ Para manatili tayong kaibigan ng Diyos, dapat na patuloy nating gawin iyan. Pero posible ba talaga tayong magkaroon ng “malinis na pamumuhay” kahit hindi tayo perpekto? Oo. Kung gagawin natin ang buong makakaya natin para sundin si Jehova, para sa kaniya, ‘malinis ang pamumuhay’ natin. Nang mag-alay tayo ng sarili sa Diyos at magpabautismo, simula pa lang iyon ng pakikipagkaibigan natin sa kaniya. Noong panahon ng Bibliya, hindi dahil Israelita ang isa, awtomatiko na siyang panauhin ni Jehova. May mga tumatawag noon sa Diyos pero hindi “ayon sa katotohanan at katuwiran.” (Basahin ang Isaias 48:1.) Para maipakita ng mga Israelita na talagang gusto nilang maging panauhin ni Jehova, kailangan nilang malaman ang mga utos niya at sundin ang mga iyon. Ganiyan din sa ngayon. Para maging malapít na kaibigan tayo ni Jehova, hindi sapat na magpabautismo lang tayo at sumama sa kongregasyon. Dapat na patuloy nating ‘gawin ang tama.’ Paano natin iyan magagawa?

5. Ano ang ibig sabihin ng pagsunod kay Jehova sa lahat ng bagay?

5 Para kay Jehova, hindi sapat ang regular na pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall para masabing “may malinis na pamumuhay” tayo at ‘ginagawa natin ang tama.’ (1 Sam. 15:22) Dapat nating gawin ang buong makakaya natin na sundin ang Diyos sa lahat ng ginagawa natin, kahit mag-isa lang tayo. (Kaw. 3:6; Ecles. 12:​13, 14) Mahalaga ring sundin natin si Jehova kahit sa maliliit na bagay. Kung gagawin natin iyan, maipapakita nating talagang mahal natin siya at lalo rin niya tayong mamahalin.​—Juan 14:23; 1 Juan 5:3.

6. Ayon sa Hebreo 6:​10-12, bakit hindi sapat ang mabubuting bagay na ginawa natin noon para manatili tayong kaibigan ni Jehova?

6 Napakahalaga kay Jehova ng mabubuting bagay na ginawa natin para sa kaniya noon. Pero hindi iyon sapat para manatili tayong panauhin sa tolda niya. Malinaw nating makikita iyan sa Hebreo 6:​10-12. (Basahin.) Totoo, hindi kinakalimutan ni Jehova ang magagandang bagay na nagawa natin. Pero gusto rin niya na patuloy tayong maglingkod sa kaniya nang buong puso “hanggang sa wakas.” Magiging kaibigan natin siya magpakailanman “kung hindi tayo titigil” sa paggawa ng mabuti.​—Gal. 6:9.

MAGSABI NG TOTOO SA PUSO

7. Ano ang ibig sabihin ng pagsasabi ng totoo sa puso?

7 Kung gusto nating maging panauhin sa tolda ni Jehova, dapat na ‘nagsasabi tayo ng totoo sa puso natin.’ (Awit 15:2) Hindi lang ito basta hindi pagsisinungaling. Gusto ni Jehova na maging tapat tayo sa lahat ng sinasabi at ginagawa natin. (Heb. 13:18) Napakahalagang gawin natin iyan, “dahil nasusuklam si Jehova sa mga mapanlinlang, pero ang matuwid ay matalik niyang kaibigan.”​—Kaw. 3:32.

8. Ano ang hindi natin dapat gawin?

8 Ang isang taong “nagsasabi ng totoo sa puso niya” ay hindi nagkukunwaring masunurin kapag nakikita siya ng iba pero sumusuway naman sa mga utos ng Diyos kapag walang nakakakita sa kaniya. (Isa. 29:13) Hindi siya nanlilinlang. Paano ba nagiging mapanlinlang, o mapagkunwari, ang isang tao? Sa umpisa, baka pagdudahan niya kung tama bang sundin ang ilan sa mga utos ni Jehova. (Sant. 1:​5-8) Baka suwayin niya ang ilang utos na sa tingin niya, hindi naman ganoon kahalaga. Pagkatapos, kapag nakikita niya na parang wala namang masamang epekto ang mga ginagawa niya, baka lumakas ang loob niya na suwayin ang iba pang utos ng Diyos. Bandang huli, magiging mapagkunwari na ang pagsamba niya. (Ecles. 8:11) Pero tayo, gusto nating magsabi ng totoo sa puso natin. Kaya magiging tapat tayo sa lahat ng bagay.

9. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol kay Natanael nang una silang magkita, at ano ang matututuhan natin dito? (Tingnan din ang larawan.)

9 Napakahalaga na magsalita tayo ng totoo sa puso natin. Pansinin ang sinabi ni Jesus nang ipakilala ni Felipe ang kaibigan niyang si Natanael. Kahit unang beses pa lang nakita ni Jesus si Natanael, sinabi na ni Jesus: “Tingnan ninyo, isang tunay na Israelita na walang anumang pagkukunwari.” (Juan 1:47) Alam ni Jesus na tapat din ang iba niyang mga alagad, pero may kakaiba siyang katapatan na nakita kay Natanael. Gaya natin, hindi rin perpekto si Natanael, pero nakita ni Jesus na totoo siya at tapat sa lahat ng bagay at kinomendahan siya dahil doon. Hindi ba ang sarap pakinggan kung ganiyan din ang sasabihin ni Jesus tungkol sa atin?

Ipinakilala ni Felipe kay Jesus ang kaibigan niyang si Natanael, isang lalaking walang pagkukunwari. Masasabi rin kaya iyan sa atin? (Tingnan ang parapo 9)


10. Bakit dapat nating gamitin sa tama ang kakayahan nating magsalita? (Santiago 1:26)

10 Karamihan sa mga dapat nating gawin na makikita sa Awit 15 ay may kinalaman sa pakikitungo natin sa iba. Sinabi sa Awit 15:3 na ang isang panauhin sa tolda ni Jehova ay “hindi . . . naninirang-puri, hindi siya gumagawa ng masama sa kapuwa niya, at hindi niya sinisiraan ang mga kaibigan niya.” Kung gagamitin natin sa maling paraan ang kakayahan nating magsalita, puwede tayong makasakit sa iba at maiwawala natin ang pribilehiyo nating maging panauhin sa tolda ni Jehova.​—Basahin ang Santiago 1:26.

11. Ano ang paninirang-puri, at ano ang puwedeng mangyari sa mga maninirang-puri na hindi nagsisisi?

11 Espesipikong binanggit ng salmista ang tungkol sa paninirang-puri. Ano nga ba ito? Karaniwan na, ito ang pagsasabi ng maling impormasyon tungkol sa isang tao na makakasira sa reputasyon niya. Ang mga maninirang-puri na hindi nagsisisi ay aalisin sa kongregasyon at hindi na puwedeng manatiling Saksi ni Jehova.​—Jer. 17:10.

12-13. Ano ang ilang sitwasyon na posible nating masiraan nang hindi sinasadya ang mga kaibigan natin? (Tingnan din ang larawan.)

12 Sinasabi rin sa Awit 15:3 na ang mga panauhin ni Jehova ay hindi gumagawa ng masama sa kapuwa nila at hindi nila sinisiraan ang mga kaibigan nila. Paano natin iyan posibleng magawa?

13 Puwede nating masiraan nang hindi sinasadya ang iba kung magkakalat tayo ng maling impormasyon tungkol sa kanila. Halimbawa, (1) baka nabalitaan mong tumigil sa pagpapayunir ang isang sister, (2) lumabas ng Bethel ang isang mag-asawa, o (3) hindi na elder o ministeryal na lingkod ang isang brother. Sa ganitong mga sitwasyon, tama bang sabihin natin sa iba na baka may nagawa silang mali kaya nangyari iyon? Hindi natin dapat gawin iyan kasi maraming posibleng dahilan na hindi natin alam. At gaya ng binanggit kanina, ang isang panauhin sa tolda ni Jehova ay “hindi . . . gumagawa ng masama sa kapuwa niya, at hindi niya sinisiraan ang mga kaibigan niya.”

Madaling kumalat ang negatibong impormasyon tungkol sa iba, at puwede itong mauwi sa paninirang-puri (Tingnan ang parapo 12-13)


PARANGALAN ANG MGA NATATAKOT KAY JEHOVA

14. Ipaliwanag kung sino ang mga “kasuklam-suklam” na dapat itakwil ng mga panauhin ni Jehova.

14 Sinabi sa Awit 15:4 na “itinatakwil [ng kaibigan ni Jehova] ang sinumang kasuklam-suklam.” Paano natin malalaman kung sino ang mga “kasuklam-suklam”? Hindi natin puwedeng sabihing kasuklam-suklam ang isa base lang sa opinyon natin sa kaniya. Bakit? Hindi tayo perpekto, kaya posibleng magustuhan natin ang mga taong madaling pakisamahan at kainisan naman ang mga hindi natin kasundo. Kaya ang mga dapat lang nating itakwil ay ang mga “kasuklam-suklam” para kay Jehova. (1 Cor. 5:11) Kasama dito ang mga gumagawa ng masama na hindi nagsisisi, hindi rumerespeto sa mga paniniwala natin, o ang mga sumisira sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova.​—Kaw. 13:20.

15. Ano ang isang paraan para maparangalan natin ang “mga natatakot kay Jehova”?

15 Sinabi rin sa Awit 15:4 na dapat nating parangalan ang “mga natatakot kay Jehova.” Kaya naghahanap tayo ng mga pagkakataon para makapagpakita ng kabaitan at paggalang sa mga kaibigan niya. (Roma 12:10) Makikita sa Awit 15:4 ang isang paraan kung paano natin magagawa iyan. Sinabi doon na ang isang panauhin sa tolda ni Jehova ay “hindi . . . sumisira sa pangako, kahit pa makasamâ ito sa kaniya.” Masasaktan natin ang iba kung hindi natin tutuparin ang mga pangako natin. (Mat. 5:37) Halimbawa, inaasahan ni Jehova na tutuparin ng mga panauhin niya ang panata nila sa pag-aasawa. Natutuwa rin siya kapag talagang sinisikap ng mga magulang na tuparin ang mga ipinangako nila sa mga anak nila. Mahal natin ang Diyos at ang kapuwa natin, kaya gagawin natin ang buong makakaya natin para tuparin ang mga ipinangako natin.

16. Ano pa ang isang paraan para maparangalan ang mga kaibigan ni Jehova?

16 Mapaparangalan din natin ang mga kaibigan ni Jehova kung magiging mapagbigay tayo at mapagpatuloy sa kanila. (Roma 12:13) Kung sisikapin nating makasama ang mga kapatid bukod sa mga pulong at ministeryo, mas titibay ang pakikipagkaibigan natin sa kanila at kay Jehova. Isa pa, natutularan natin si Jehova kapag mapagpatuloy tayo.

HUWAG IBIGIN ANG PERA

17. Bakit binanggit sa Awit 15 ang tungkol sa pera?

17 Sinabi sa Awit 15:5 na ang isang panauhin ni Jehova ay “hindi . . . nagpapautang nang may patubo, at hindi siya tumatanggap ng suhol laban sa walang kasalanan.” Bakit binanggit sa maikling awit na ito ang tungkol sa pera? Kasi kung sobra-sobra na ang pagpapahalaga natin sa pera, baka masaktan natin ang iba at masira ang pakikipagkaibigan natin sa Diyos. (1 Tim. 6:10) Noong panahon ng Bibliya, sinasamantala ng ilan ang pangungutang sa kanila ng mga kapatid nilang mahihirap; nagpapatong sila ng tubo. May mga hukom din na tumatanggap ng suhol at hinahatulan ang mga walang kasalanan. Kasuklam-suklam kay Jehova ang ganiyang mga gawain.​—Ezek. 22:12.

18. Anong mga tanong ang tutulong sa atin na malaman ang tingin natin sa pera? (Hebreo 13:5)

18 Makakabuting pag-isipan kung ano ang tingin natin sa pera. Tanungin ang sarili: ‘Lagi ko bang iniisip ang pera at ang mga puwede kong mabili dito? Kapag nangutang ako, matagal ba akong magbayad kasi iniisip ko na hindi naman iyon kailangan ng inutangan ko? Pakiramdam ko ba, importante ako kasi may pera ako? Nahihirapan ba akong maging mapagbigay? Materyalistiko na ba agad ang tingin ko sa mga kapatid dahil lang mayaman sila? Sa mayayaman lang ba ako nakikipagkaibigan?’ Napakalaki ng pribilehiyo nating maging panauhin ni Jehova. Maiingatan natin ang pribilehiyong iyan kung hindi natin iibigin ang pera. Kung gagawin natin iyan, hinding-hindi tayo iiwan ni Jehova!—Basahin ang Hebreo 13:5.

MAHAL NI JEHOVA ANG MGA KAIBIGAN NIYA

19. Bakit gusto ni Jehova na gawin natin ang lahat ng sinasabi sa Awit 15?

19 Natapos ang Awit 15 sa isang pangako: “Ang gayong tao ay hindi matitinag.” (Awit 15:5) Ipinapakita dito ng salmista kung bakit ipinapagawa sa atin ni Jehova ang lahat ng binabanggit sa awit na ito. Gusto ni Jehova na maging masaya tayo. Kaya kung gagawin natin ang mga sinabi niya, pagpapalain niya tayo at poprotektahan.​—Isa. 48:17.

20. Anong magandang kinabukasan ang naghihintay sa mga panauhin ni Jehova?

20 Makakaasa ang mga panauhin ni Jehova na magkakaroon sila ng magandang kinabukasan. Titira ang tapat na mga pinahiran sa ‘lugar na inihanda’ ni Jesus para sa kanila sa langit. (Juan 14:2) Hinihintay naman ng mga may pag-asa sa lupa ang mga pangako na nasa Apocalipsis 21:3. Nagpapasalamat tayo na gusto tayong maging panauhin ni Jehova sa tolda niya. Talagang napakalaking karangalan na maging kaibigan niya magpakailanman!

AWIT BLG. 39 Gumawa ng Mabuting Pangalan sa Diyos