Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SIERRA LEONE AT GUINEA

1945-1990 “Nagdadala ng Marami Tungo sa Katuwiran.”—Dan. 12:3. (Bahagi 2)

1945-1990 “Nagdadala ng Marami Tungo sa Katuwiran.”—Dan. 12:3. (Bahagi 2)

Pagpaparangal sa Kaloob ng Diyos na Pag-aasawa

Pagkalipas ng ilang panahon, napansin ni William Nushy na hindi sinusunod ng ilang mamamahayag ang pamantayan ni Jehova sa pag-aasawa. May ilan na nagsasama nang di-kasal. Ang iba naman ay sumusunod sa lokal na kostumbreng ipagpaliban ang kasal hangga’t hindi pa nagdadalang-tao ang kanilang kinakasama para matiyak na magiging mabunga ang kanilang pagsasama.

Kaya naman noong Mayo 1953, sumulat ang tanggapang pansangay sa bawat kongregasyon at malinaw na ipinaliwanag ang pamantayan ng Bibliya hinggil sa pag-aasawa. (Gen. 2:24; Roma 13:1; Heb. 13:4) Ang mga mamamahayag ay binigyan ng panahon para magparehistro ng kasal. Kung hindi sila magpaparehistro, aalisin sila sa kongregasyon.1 Cor. 5:11, 13.

Natuwa ang karamihan ng mga kapatid sa pagtutuwid na ito. Pero para sa ilan, hindi na ito kailangan. Sa dalawang kongregasyon, mahigit sa kalahati ng bilang ng mamamahayag nila ang huminto sa pakikisama sa organisasyon ni Jehova. Pero ang mga nanatiling tapat ay naging mas masigasig, malinaw na katibayang pinagpapala sila ni Jehova.

Dahil sa pagsisikap ng mga kapatid, nakilala ang Kingdom Hall ng Freetown bilang isang angkop na lugar para magdaos ng kasal. Noong Setyembre 3, 1954, idinaos ng mga kapatid ang unang opisyal na seremonya ng kasal. Nang maglaon, binigyan ng gobyerno ng awtorisasyong magkasal ang kuwalipikadong mga brother sa pitong distrito ng Sierra Leone. Dahil dito, mas maraming interesado ang legal na nakapagpakasal at naging kuwalipikado bilang mamamahayag ng mabuting balita.

Isang kasalan sa Kingdom Hall

Maraming interesado ang hindi lang isa ang asawa kaya gumawa sila ng mga hakbang para iayon ang kanilang buhay sa mga pamantayan ng Diyos. Inilahad ni Samuel Cooper na nakatira na ngayon sa Bonthe: “Noong 1957, nagsimula akong dumalo sa mga pulong kasama ang dalawa kong asawa at di-nagtagal ay nagpatala ako sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Minsan, binigyan ako ng bahagi tungkol sa Kristiyanong pag-aasawa. Habang nagsasaliksik, natanto kong kailangan kong hiwalayan ang pangalawa kong asawa. Nang sabihin ko sa mga kamag-anak ko, hindi sila sumang-ayon. May anak ako sa pangalawa kong asawa, samantalang baog ang una kong asawa. Pero buo na ang isip kong sundin ang mga simulain sa Kasulatan. Tuwang-tuwa ako, dahil nang bumalik sa kaniyang pamilya ang pangalawa kong asawa, nagkaroon kami ng mga anak ng una kong asawa. Ngayon, lima na ang anak ko sa dati kong baog na asawa.”

Si Honoré Kamano, isang interesado na nakatira sa Guinea, ay may tatlong asawa. Nang hiwalayan niya ang dalawa pa niyang asawa, natuwa ang kaniyang unang asawa at mas napahalagahan nito ang katotohanan. Ang isa sa hiniwalayan niyang asawa, bagaman nalungkot sa nangyari, ay humanga rin sa kaniyang mataas na pagpapahalaga sa mga simulain ng Bibliya. Humiling ito ng pag-aaral sa Bibliya at nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova nang maglaon.

Ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala bilang mga taong nagpaparangal sa pag-aasawa

Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova sa Sierra Leone at Guinea ay kilalang-kilala bilang mga taong nagpaparangal sa pag-aasawa. Ang kanilang katapatan sa asawa ay gumagayak sa mga turo ng Diyos at pumupuri sa kaniya bilang ang Tagapagpasimula ng kaayusan sa pag-aasawa.Mat. 19:4-6; Tito 2:10.

Pagrerebelde sa Freetown

Noong 1956, dalawa pang nagtapos sa Gilead ang dumating sa Freetown, sina Charles at Reva Chappell. Habang papunta sa missionary home, nagulat sila sa malaking karatula tungkol sa gaganaping lektyur sa Bibliya sa Wilberforce Memorial Hall. “Ang tagapagsalita raw ay si C.N.D. Jones,” ang sabi ni Charles, “isang kinatawan ng ‘Iglesia ng mga Saksi ni Jehova.’ ”

Si Jones na nag-aangking pinahiran ay lider ng isang grupo na humiwalay sa kongregasyon sa Freetown mga ilang taon na ang nakakaraan. Sinasabi ng kaniyang grupo na sila ang “tunay” na mga saksi ni Jehova at tinatawag nilang “impostor” at “cowboy ng Gilead” ang mga misyonero at ang mga nananatiling tapat sa mga kinatawan ng organisasyon.

Mas lumala ang sitwasyon nang itiwalag si Jones at ang ilan sa kaniyang mga tagasuporta. “Ang patalastas na ito ay ikinagulat ng ilang kapatid na pabor sa mga rebelde,” ang sabi ni Charles. “Inihayag ng ilan ang kanilang pagkadismaya. Patuloy sila at ang iba pa sa pakikisama sa mga rebelde at ginugulo nila ang mga pulong at kaayusan sa paglilingkod sa larangan. Kapag pulong, sama-sama silang nauupo sa isang lugar na tinawag na hilera ng mga rebelde. Nang bandang huli, iniwan ng karamihan sa kanila ang katotohanan. Pero naibalik ng ilan ang kanilang espirituwal na pagkatimbang at naging masisigasig na mamamahayag.”

Dahil sa pananatiling tapat ng karamihan, patuloy na dumaloy ang espiritu ng Diyos. Nang dalawin ni Harry Arnott, tagapangasiwa ng sona, ang Freetown nang sumunod na taon, inireport niya: “Ito ang unang malaking pagsulong ng Sierra Leone sa nakalipas na mga taon. Tiyak na masusundan pa ito.”

Pagtuturo sa mga Kisi

Di-nagtagal pagkadalaw ni Brother Arnott, may natanggap na liham si Charles Chappell mula sa isang brother sa kalapít na Liberia. Gusto ng brother na mapangaralan ang kaniyang mga kamag-anak sa Sierra Leone. Kabilang siya sa tribong Kisi na nakatira sa magugubat na burol at libis sa junction ng magkakalapit na bansang Sierra Leone, Liberia, at Guinea. Tila maraming Kisi ang gustong matuto sa Bibliya.

Dahil karamihan ng Kisi ay hindi marunong bumasa’t sumulat, may isinaayos na mga klase sa Koindu para turuan sila ng mga pangunahing katotohanan sa Bibliya. Daan-daan ang dumalo sa mga klaseng ito. “Di-nagtagal, ang grupo ay mayroon nang 5 bagong mamamahayag, tapos naging 10, 15, at naging 20,” ang sabi ni Charles. “Mabilis na napapasakatotohanan ang mga tao kaya nagduda ako kung totoo ba silang mamamahayag. Pero mali ako. Karamihan sa kanila ay hindi lang mga tapat, masisigasig pa!”

Di-nagtagal, ipinalaganap ng mga bagong mamamahayag ang mabuting balita hanggang sa kabilang ibayo ng Koindu at nang maglaon ay sa kalapít na Guinea. Pinangangaralan nila ang lahat ng taong makita nila habang naglalakad nang maraming oras sa mga nayon at kabukiran. “Sa loob ng maraming linggo, minsan mga buwan pa nga, hindi man lang kami nakakarinig ng tunog ng sasakyan,” ang sabi ni Eleazar Onwudiwe, isang tagapangasiwa ng sirkito noon.

Habang pinalalaganap at dinidiligan ng mga kapatid na Kisi ang binhi ng Kaharian, pinalalago naman ito ng Diyos. (1 Cor. 3:7) Nang isang bulag ang makaalam ng katotohanan, kinabisa niya ang 32-pahinang buklet na “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian.” Nang maglaon, kaya niyang maalala ang anumang parapo kapag nangangaral at nagba-Bible study siya sa iba. Hangang-hanga ang mga nakakakita. Isa namang binging babae na tumanggap sa katotohanan ang gumawa ng malalaking pagbabago sa buhay kaya ang hipag niya ay dumalo na rin sa mga pulong kahit maglakad pa nang mahigit sampung kilometro.

Napakabilis ng pagsulong ng gawain sa mga Kisi. Pagkatatag ng isa pang kongregasyon, may isa na namang sumunod. Mga 30 mamamahayag ang nagpayunir. Naging interesado rin sa katotohanan ang pinuno ng bayan ng Koindu at ipinagkaloob niya ang isang lote para tayuan ng Kingdom Hall. Nang mahigit 500 ang dumalo sa pansirkitong asamblea sa Kailahun, nagtatag din ng isang kongregasyon doon. Di-nagtagal, kalahati sa mga Saksi sa Sierra Leone ay Kisi, kahit na wala pa silang 2 porsiyento ng buong populasyon ng bansa.

Pero hindi lahat ay natuwa sa pagsulong na ito, lalo na ang mga lider ng relihiyon ng Kisi. Dahil sa inggit, determinado silang alisin ang “bantang” ito sa kanilang awtoridad. Ang tanong, Paano at kailan kaya sila aatake?