Pumunta sa nilalaman

MAYO 30, 2019
UZBEKISTAN

Hayagang Ipinagdiwang ang Memoryal ng Kamatayan ni Kristo sa Buong Uzbekistan

Hayagang Ipinagdiwang ang Memoryal ng Kamatayan ni Kristo sa Buong Uzbekistan

Noong Abril 19, 2019, sa kauna-unahang pagkakataon nitong nakaraang mga taon, naipagdiwang nang hayagan ng mga kapatid sa buong Uzbekistan ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo.

Sa Chirchik lang opisyal na nakarehistro ang mga Saksi ni Jehova sa Uzbekistan. Isa itong lunsod na malapit sa Tashkent. Noong nakaraang mga taon, patagong ipinagdiwang ng mga kapatid na hindi nakatira sa Chirchik ang Memoryal para hindi ito mahadlangan ng mga pulis. Ngayong taon, ipinaalám ng mga kapatid sa mga pulis ang tungkol sa Memoryal at inimbitahan ang mga ito na dumalo. Nakipagtulungan ang mga pulis at tiniyak pa ang seguridad ng mga dumalo. Sa ilang lugar, dumalo ang mga pulis sa programa.

Si Brother Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng pahayag sa Memoryal sa isang Kingdom Hall sa Chirchik, gaya ng makikita sa larawan sa itaas. Isinalin ang programa sa wikang Russian. Ang bilang ng dumalo ay 781. Nang gabi ring iyon, dalawa pang Memoryal ang ginanap doon.

Nang bumisita si Brother Sanderson, sinamahan siya ni Paul Gillies mula sa punong-tanggapan at ng dalawa pang kapatid mula sa Central Asia para makipagpulong sa matataas na opisyal ng Ministry of Justice at National Centre for Human Rights. Sa kanilang pag-uusap, nakapagharap ang mga kapatid ng tumpak na impormasyon tungkol sa ating pananampalataya at organisasyon. Umaasa tayo na ang mga opisyal na nakaalam nito ay susuporta para mairehistro tayo sa iba pang lugar bukod sa Chirchik. Makakatulong ito sa mga kapatid para makakuha sila ng angkop na mga lugar ng pagsamba.

Si Brother Mark Sanderson, kasama ang mga miyembro ng delegasyon, sa labas ng Ministry of Justice ng Republika ng Uzbekistan

Ang hayagang pagdiriwang ng Memoryal at ang pakikipag-usap sa mga opisyal ang pinakabagong mga kaganapan sa Uzbekistan. Sa nakaraang anim na buwan, walang ni-raid, minultahan, o inarestong Saksi ni Jehova. At mga isang taon na ang nakakalipas, noong Mayo 14, 2018, inianunsiyo ni Mr. Javlon Vakhabov, embahador ng Uzbekistan sa United States, na babaguhin ng parlamento ang batas para mas madaling makapagparehistro ang mga Saksi ni Jehova.

Umaasa tayong pagpapalain ni Jehova ang pagsisikap ng mga kapatid natin sa Uzbekistan habang patuloy silang namumuhay “nang payapa, tahimik, seryoso, at may makadiyos na debosyon.”—1 Timoteo 2:2.