Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 2, 2019
RWANDA

Idinaos ng mga Saksi ni Jehova ang Unang Panrehiyong Kombensiyon sa Rwandan Sign Language

Idinaos ng mga Saksi ni Jehova ang Unang Panrehiyong Kombensiyon sa Rwandan Sign Language

Mula Agosto 16 hanggang 18, 2019, idinaos ng mga kapatid natin sa Kigali, Rwanda ang unang panrehiyong kombensiyon sa Rwandan Sign Language (RWS). Ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 620, at 8 pipi ang nabautismuhan.

Mga dumalo sa kombensiyon habang isinesenyas ang isa sa mga Kingdom song

Dalawang opisyal ang dumalo sa kombensiyon noong Linggo: Si Mr. Jean Damascène Bizimana, miyembro ng board of directors ng Rwanda National Union of the Deaf, at si Mr. Emmanuel Ndayisaba, executive secretary ng National Council of Persons with Disabilities. Nag-ulat din ang diyaryong Ukwezi tungkol sa programa noong Linggo, at maganda ang report nila online tungkol sa atin.

Sa pamamagitan ng tactile signing, iniinterpret ng isang sister ang programa para sa isang taong pipi at bulag

Ikinomento ni Mr. Bizimana: “Napakaganda ng kombensiyon! Nakakatuwang makita na magkakasama ang mga pipi mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa—salamat. Pinapasalamatan namin ang mga Saksi ni Jehova sa pagsuporta nila sa mga pipi. Dapat makita ng mga opisyal ng gobyerno ang ganitong event at tularan ito.”

Sa nakalipas na dalawang taon, may dalawa pang mahahalagang pangyayari sa RWS. Noong Setyembre 2017, idinaos ng sangay sa Rwanda ang unang Pioneer Service School sa RWS. Pagkalipas ng isang taon, noong Setyembre 2018, opisyal nang sinimulan ng sangay ang pagsasalin ng mga publikasyon sa RWS.

Sinabi ni Brother Jean d’Amour Habiyaremye, na naglingkod bilang kinatawan ng sangay sa sign-language convention: “Masaya kaming makita ang pagsulong sa RWS, kasama na ang katatapos na panrehiyong kombensiyon. Ang tema ng programa na ‘Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo’! ay makikita sa pakikitungo ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng tao, pati na sa mga pipi.”

Ang pagsulong na ito sa sign language ay malinaw na patotoo na patuloy itong pinagpapala ni Jehova!—Awit 67:1.