Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 3, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG

2020 Kombensiyon—Kauna-unahang Virtual na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova

2020 Kombensiyon—Kauna-unahang Virtual na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova

Noong Hulyo at Agosto 2020, milyon-milyong kapatid at interesado ang nakapanood ng programa ng 2020 kombensiyon.

Inaabangan ng mga Saksi ni Jehova ang “Laging Magsaya”! na Kombensiyon. Gaganapin sana ito sa mga Assembly Hall, arena, convention center, at istadyum sa 240 lupain. Pero para maingatan ang kalusugan ng mga dadalo, nagpasiya ang Lupong Tagapamahala na gawing virtual ang mga kombensiyon sa buong mundo. Mula noong 1897, ngayon lang hindi ginanap ang kombensiyon sa malalaking venue.

Sinabi ni Kenneth Cook, Jr., miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Nang kanselahin ang mga panrehiyong kombensiyon, gusto namin itong gawing international event na mapapanood nang sabay-sabay. Alam namin na ang programang ito ay dapat maihanda sa daan-daang wika nang wala pang apat na buwan. At madalas na umaabot nang isang taon o higit pa para maplano at makumpleto ang ganitong proyekto. Kaya masayang-masaya tayo nang maging available noong Hulyo 6, 2020 ang unang bahagi ng programa sa mga 400 wika. Inaasahan nating magiging available ito sa 511 wika!”

Maraming magagandang pakinabang ang virtual na programang ito. Sinabi ng nagsosolong ina na may tatlong anak: “’Di man namin nakasama ang mga kaibigan namin, nakinabang naman ang mga anak ko. Dahil maiikli lang ang mga programa, mas nakapagpokus sila. Kung gusto nilang ihinto sandali ang programa, nagagawa namin iyon. Kaya napakinggan namin ang buong programa. Sinabi sa programa ng Biyernes na ang mga anak ay parang palaso na dapat iasinta sa masayang buhay ng paglilingkod kay Jehova. Natulungan ako ng kombensiyong ito na gawin iyan.”​—Awit 127:4.

Nakuha ng espesyal na kombensiyong ito ang atensiyon ng media sa iba’t ibang bansa. Halimbawa, sinabi ni Robert Hendriks, nangangasiwa sa gawain ng Public Information Desk sa United States: “Maraming journalist ang nagsulat tungkol sa virtual na kombensiyong ito. Sinabi nila na ginamit ng ating organisasyon ang teknolohiya para mapanood ang programa ng kombensiyon kasi mahalaga sa atin ang kaligtasan.”

Ipinakita ng 2020 “Laging Magsaya”! na Kombensiyon sa naiibang paraan na si Jehova ang Dakilang Tagapagturo.​—Isaias 30:20.