Pumunta sa nilalaman

Nire-raid ng mga pulis ang isang relihiyosong pagpupulong sa isang pribadong tahanan sa Tomsk

HUNYO 20, 2018
RUSSIA

Mas Maraming Saksi, Ibinilanggo sa Russia Pagkatapos ng Agresibong Raid sa mga Bahay

Mas Maraming Saksi, Ibinilanggo sa Russia Pagkatapos ng Agresibong Raid sa mga Bahay

Noong nakaraang buwan, pinatindi ng mga awtoridad sa Russia ang kanilang kampanya ng pananakot kung kaya nadagdagan ang mga Saksi ni Jehova na inaresto at ibinilanggo bilang paglaban diumano sa ekstremismo. Ni-raid ng mga pulis ang mga pribadong tahanan sa Birobidzhan, Khabarovsk, Magadan, Orenburg, Naberezhnye Chelny, Perm, Pskov, Saratov, at Tomsk. Inaresto nila ang 15 pang lalaking Saksi, kung kaya 20 Saksi na ang nakakulong nang hindi pa nililitis. Dalawa pa ang nasa ilalim ng house arrest. Di-bababa sa 15 Saksi, ang ilan ay 70 at 80 anyos na, ang pinapirma ng kasunduan na hindi sila aalis sa lugar kung saan sila nakatira. Nitong Hunyo 14, 2018, mahigit 40 Saksi na ang sinampahan ng mga awtoridad sa Russia ng kasong kriminal. Kapag nahatulan, maaari silang masentensiyahan nang hanggang 10-taóng pagkakabilanggo.

Mga lokasyong ni-raid sa Russia

Tahasang nilabag ng gobyerno ng Russia ang garantiyang ibinigay nito sa korte na ang pagbabawal sa legal na mga korporasyon ng mga Saksi ni Jehova ay hindi makakaapekto sa karapatan ng indibidwal na mga Saksi na isagawa ang kanilang pananampalataya. Lubusang binale-wala ng Russia ang garantiyang ito at ginamit sa maling paraan ang Article 282 ng Criminal Code para paratangan ang mga Saksi ng pakikibahagi sa, pag-oorganisa ng, o pagtustos sa isang “ekstremistang” organisasyon. Ang totoo, sa halip na labanan ang ekstremismo, pinag-uusig ng Russia ang sarili nitong mga mamamayan dahil sa kanilang mapayapang pagsamba.

Mga Ni-raid, Inaresto, at Ikinulong Kamakailan

Hunyo 12, 2018, Saratov. Ni-raid at hinalughog ng mga pulis ang ilang bahay ng mga Saksi at dinala sa presinto ang di-bababa sa 10 Saksi para isailalim sa interogasyon. Habang hinahalughog ang isang bahay, ang mga awtoridad ay nagtanim ng relihiyosong babasahin na ipinagbawal ng mga korte sa Russia. Limang lalaking Saksi ang dinakip. Pinalaya rin ang dalawa sa mga ito pero idinitine ng pulis ang tatlo sa kanila at kinasuhan sila Konstantin Bazhenov at Feliks Makhammadiyev ng ‘pag-oorganisa ng gawain ng isang ekstremistang organisasyon.’ Hindi pa kumpirmado ang kasong kriminal laban sa ikatlong Saksi na si Aleksey Budenchuk. Noong Hunyo 14, 2018, nagpasiya ang Frunzenskiy District Court ng Saratov na panatilihing nakaditine sina Mr. Bazhenov at Mr. Makhammadiyev hanggang Agosto 12, 2018. Ipinasiya rin ng korteng iyon na panatilihing nakaditine si Mr. Budenchuk, pero hindi pa kumpirmado kung kailan siya palalayain. Samantala, inutusan ng pulisya ang isa pang Saksi na pumirma ng kasunduan na hindi siya aalis sa lugar na iyon.

Hunyo 3, 2018, Tomsk. Noong alas-10 ng umaga, ni-raid ng mga pulis at miyembro ng Special Military Force (Spetsnaz) ng Russia ang dalawang bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Tomsk, Siberia. Idinitine nila ang mga 30 Saksi, kasama ang isang 83-anyos na babae. Kinumpiska ng mga pulis ang personal na mga gamit mula sa mga bahay at sasakyan, isinakay ang mga Saksi sa mga bus, at dinala sila sa Center for Counteracting Extremism.

Sa Center, mariing pinagtatanong ng mga imbestigador na sina Ivan Vedrentsev, Aleksandr Ivanov, at Vyacheslav Lebedev ang ilang Saksi hanggang alas-dos ng umaga kinabukasan. Nagbanta rin ang mga imbestigador na ipatatanggal nila sa trabaho ang isang nakaditine. Habang nagaganap ang imbestigasyon, ilang ulit na nagpadala ng mga ambulansiya sa Center, at di-bababa sa isang Saksi ang naospital.

Isa sa mga nakaditine, si Sergey Klimov, ay ikinulong. Noong Hunyo 5, 2018, iniutos ng Oktyabrskiy District Court ng Tomsk na ikulong siya hanggang Agosto 4, 2018, dahil sa kaso na ‘pag-oorganisa ng gawain ng isang ekstremistang organisasyon.’ Ibinasura ng judge ang mga mosyon na isailalim siya sa house arrest o pagbayarin ng piyansa at palayain.

Hunyo 3, 2018, Pskov. Ni-raid ng mga pulis ang mga bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Pskov. Sa isang bahay, lahat ng naroroon ay idinitine at pinagtatanong, pati na ang dalawang bisitang hindi naman Saksi. Ilang Saksi ni Jehova, kasama si Gennadiy Shpakovsky, ang dinala sa Pskov Regional Headquarters of the Federal Security Services (FSB) para sa interogasyon. Ang ilang dinala sa istasyon ng pulis ay ginipit na tumestigo laban kay Mr. Shpakovsky. Nagsampa ang mga awtoridad ng kasong kriminal laban sa kaniya sa pagsasabing siya ay ‘nag-oorganisa ng gawain ng isang ekstremistang organisasyon.’ Pinalaya rin siya pero puwede pang magsampa ng karagdagang kaso laban sa kaniya ang mga opisyal.

Mayo 30, 2018, Khabarovsk. Inaresto ng mga pulis si Ivan Puyda matapos nilang pasukin at halughugin ang kaniyang bahay. Dinala nila siya sa Magadan, kung saan siya ikinulong. Noong Hunyo 1, 2018, iniutos ng Zheleznodorozhniy District Court na panatilihin siyang nakakulong hanggang Hulyo 30, 2018, dahil sa kaso na ‘pag-oorganisa ng gawain ng isang ekstremistang organisasyon.’

Mayo 30, 2018, Magadan. Ni-raid ng armado at nakamaskarang mga pulis ang pribadong mga tahanan sa Magadan at inaresto sina Konstantin Petrov, Yevgeniy Zyablov, at Sergey Yerkin. Noong Hunyo 1, 2018, iniutos ng Magadanskiy City Court na ikulong sila hanggang Hulyo 29, 2018, dahil sa kaso na ‘pag-oorganisa ng gawain ng isang ekstremistang organisasyon.’

Dmitriy Mikhailov

Mayo 29, 2018, Shuya, Ivanovo Region. Dinala ng mga awtoridad si Dmitriy Mikhailov at ikinulong sa ikalawang pagkakataon. Pagkatapos ng isang raid noong Abril 20, kinasuhan siya ng mga pulis dahil sa ‘pakikibahagi sa gawain ng isang ekstremistang organisasyon.’ Noong Mayo 29, kinasuhan din siya ng mga awtoridad ng ‘pagtustos sa ekstremistang gawain.’ Noong Hunyo 3, 2018, iniutos ng Shuya City Court na ikulong siya hanggang Hulyo 19, 2018.

Mayo 27, 2018, Naberezhnye Chelny, Republic of Tatarstan. Magdamag na hinalughog ng mga FSB agent ang 10 pribadong tahanan at kinumpiska ang mga gadyet, cellphone, at mga passport. Inaresto sina Ilkham Karimov, Konstantin Matrashov, at Vladimir Myakushin at ikinulong. Noong Mayo 29, 2018, iniutos ng Naberezhnochelninskiy District Court na panatilihin silang nakakulong hanggang Hulyo 25, 2018, dahil sa kaso ng pag-oorganisa at pagre-recruit para sa isang “ekstremistang” organisasyon at pakikibahagi sa gawain nito. Nang maglaon, inaresto rin si Aydar Yulmetyev, at noong Mayo 31, 2018, nagdesisyon ang korte na panatilihin din siyang nakakulong.

Mayo 22, 2018, Perm. Pagbalik nina Aleksandr at Anna Solovyev sa Perm mula sa Moldova, sinalubong sila ng mga pulis sa istasyon ng tren, pinosasan si Mr. Solovyev, kinumpiska ang personal na mga gamit niya, at dinala ang mag-asawa sa istasyon ng pulis sa magkaibang sasakyan. Habang nakakulong si Mr. Solovyev, hinalughog ng mga pulis ang kanilang bahay at pinagtatanong ang kaniyang asawa. Noong Mayo 24, 2018, isinailalim siya ng Sverdlovskiy District Court sa house arrest, dahil sa kaso na ‘pakikibahagi sa gawain ng isang ekstremistang organisasyon.’

Mayo 17, 2018, Birobidzhan. Sa isang operasyong tinawag na Judgment Day, ni-raid ng 150 pulis at miyembro ng FSB ang 22 bahay ng mga Saksi ni Jehova. Kinumpiska ng mga pulis ang mga tablet, cellphone, at pera. Inaresto at ibinilanggo ng mga pulis si Alam Aliev, isa sa 34 na Saksing hinalughog noong panahon ng raid. Noong Mayo 18, iniutos ng Birobidzhanskiy District Court na panatilihin siyang nakakulong hanggang Hulyo 13, 2018, dahil sa kaso na ‘pag-oorganisa ng gawain ng isang ekstremistang organisasyon.’ Noong Mayo 25, 2018, pinagbigyan ni Judge A. V. Sizova ng Appellate Court of the Jewish Autonomous Region ang apela ni Mr. Aliev at binaligtad ang utos para sa kaniyang pagkakakulong.

Mayo 16, 2018, Orenburg. Ni-raid at hinalughog ng mga pulis ang pribadong mga tahanan. Tatlong Saksi ang inaresto nila: sina Aleksandr Suvorov, Vladimir Kochnev, at Vladislav Kolbanov. Noong Mayo 18, ipinasiya ng Promyshlenniy District Court na isailalim si Mr. Kolbanov sa house arrest dahil sa kaso na ‘pagtustos sa ekstremistang gawain.’ Kinabukasan, iniutos ng korte ring iyon na panatilihing nakakulong sina Aleksandr Suvorov at Vladimir Kochnev hanggang Hulyo 14, 2018, dahil sa kaso na ‘pag-oorganisa ng gawain ng isang ekstremistang organisasyon.’ Inutusan din ng imbestigador ang pitong iba pang Saksi na pumirma ng kasunduan na hindi sila aalis sa lunsod habang nagaganap ang imbestigasyon.

Kaliwa: Aleksandr Suvorov; Kanan: Vladimir Kochnev

Magkakaroon Ba ng Epekto ang International Censure?

Parehong naglabas ang European Union (EU) at ang United States ng opisyal na pahayag na kumokondena sa pagbabale-wala ng Russia sa mahahalagang kalayaan. Nanawagan ang EU sa Russia na “igalang ang internasyonal na mga pananagutan nito may kinalaman sa kalayaan sa relihiyon o paniniwala, kalayaan sa pagpapahayag at kalayaang magtipon.” Hinimok din ng United States ang Russia na “agad na palayain ang mga nakabilanggo dahil lang sa pagsasagawa ng kanilang kalayaan sa relihiyon o paniniwala.”

Sinabi ni Philip Brumley, General Counsel para sa mga Saksi ni Jehova: “Ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay lubhang nababahala dahil sa marahas na pag-uusig sa kanilang mga kapananampalataya sa Russia. Nararanasan ng mga Saksi ni Jehova ngayon ang gayunding paniniil na naranasan nila sa ilalim ng rehimeng Komunista. Dahil sa ikinikilos at patuluyang paniniil nito, lantarang binabale-wala ng Russia ang sarili nitong mga garantiya na magtaguyod ng mahahalagang karapatang pantao.”

Mga Saksi na dati nang nakakulong *

  • Dennis Christensen

    Edad 45, Oryol, nakaditine mula noong Mayo 25, 2017, at inutusang manatiling nakakulong hanggang Agosto 1, 2018.

  • Valentin Osadchuk

    Edad 42, Vladivostok, nakaditine mula noong Abril 19, 2018, at inutusang manatiling nakakulong hanggang Hunyo 20, 2018.

  • Viktor Trofimov

    Edad 61, Polyarny, nakaditine mula noong Abril 18, 2018, at inutusang manatiling nakakulong hanggang Oktubre 11, 2018.

  • Roman Markin

    Edad 44, Polyarny, nakaditine mula noong Abril 18, 2018, at inutusang manatiling nakakulong hanggang Oktubre 11, 2018.

  • Anatoliy Vilitkevich

    Edad 31, Ufa, nakaditine mula noong Abril 10, 2018, at inutusang manatiling nakakulong hanggang Hulyo 2, 2018.

^ par. 21 Para sa higit pang detalye, tingnan ang artikulo sa Newsroom ng jw.org na “Campaign of Terror Begins for Jehovah’s Witnesses in Russia.”