Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 13, 2022
TAJIKISTAN

Idineklara ng United Nations Human Rights Committee na Ilegal ang Pagbabawal ng Tajikistan sa mga Saksi ni Jehova

Idineklara ng United Nations Human Rights Committee na Ilegal ang Pagbabawal ng Tajikistan sa mga Saksi ni Jehova

Noong Setyembre 7, 2022, naglathala ang United Nations Human Rights Committee (CCPR) ng mahalagang desisyon laban sa gobyerno ng Tajikistan dahil sa di-makatarungang pagtrato nito sa mga Saksi ni Jehova. Noong Hulyo 7, 2022, nagdesisyon ang CCPR pabor sa mga Saksi ni Jehova sa kasong Adyrkhayev v. Tajikistan. Tungkol ito sa hindi pagbibigay ng legal na pagkilala ng Tajikistan sa mga Saksi ni Jehova at sa resulta nitong pagbabawal sa mga gawain nila.

Mahigit 50 taon nang malayang sumasamba ang mga Saksi ni Jehova sa Tajikistan. Legal na nairehistro ang Religious Association of Jehovah’s Witnesses (RAJW) noong 1994. Pero noong Oktubre 11, 2007, kinansela ng Ministry of Culture ang rehistro at ipinagbawal ang pagsamba ng mga Saksi ni Jehova. Sinasabi ng gobyerno na ang pangangaral ng mga Saksi ni Jehova, ang pagtanggi nilang magsundalo dahil sa budhing sinanay sa Bibliya, at ang paniniwala nilang sila ang tunay na relihiyon ay mga gawaing ekstremista. Paulit-ulit na tinanggihan ang pagsisikap na muling irehistro ang RAJW.

Sa kanilang desisyon kamakailan, idineklara ng CCPR na ilegal ang pagbabawal ng Tajikistan sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi nito na “walang isa man sa mga dahilan” na ibinigay ng Tajikistan para ipagbawal ang RAJW at hindi ito muling irehistro ang makatuwiran.

Binanggit din ng CCPR na ang pagtanggi ng gobyerno ng Tajikistan na muling irehistro ang RAJW ay humantong sa “mga pag-aresto, pagkakulong, interogasyon, paghalughog, pambubugbog, pagkumpiska ng mga relihiyosong gamit, at deportasyon ng [isa sa] mga Saksi ni Jehova.” Nagdesisyon ang CCPR na di-makatarungang tinrato ng Tajikistan ang mga Saksi ni Jehova at nilabag ang karapatan nila sa ilalim ng United Nations International Covenant on Civil and Political Rights.

Ang 71-taóng gulang na si Brother Shamil Khakimov na nakakulong mula pa noong Pebrero 2019

Inutusan ng CCPR ang Tajikistan na muling pag-aralan ang aplikasyon ng mga Saksi ni Jehova para sa muling pagrerehistro at bayaran ang mga taong nalabag ang mga karapatan. Sinabihan din ang gobyerno ng Tajikistan na “obligado itong gawin ang lahat ng kailangang hakbang para hindi na maulit ang katulad na mga paglabag sa hinaharap.”

Maaaring maapektuhan ng desisyon ng CCPR ang kaso ng 71-taóng gulang na si Brother Shamil Khakimov, na nakakulong mula pa noong Pebrero 2019 dahil sa mapayapang pagsasagawa ng pananampalataya niya. Ang tanging legal na basehan ng pag-aresto at pagbilanggo sa kaniya ng mga awtoridad sa Tajikistan ay ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova.

Inaasahan na sa desisyong ito ng CCPR, malaya nang makakasamba ang mga Saksi ni Jehova sa Tajikistan. Idinadalangin natin ang pagpapala ni Jehova sa patuloy na pagsisikap na ‘ipagtanggol at legal na itatag ang mabuting balita.’—Filipos 1:7.