Pumunta sa nilalaman

Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal?

Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal?

Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal?

“Kung ang isang tao ay mamatay, siya ba ay mabubuhay uli?” ang tanong ng lalaking si Job noong sinauna. (Job 14:​14, King James Version) Marahil ikaw man ay naghahangad na makaalam nito. Ano kaya ang madarama mo kung alam mo na maaari mong muling makasalamuha ang iyong mga mahal sa buhay dito mismo sa lupa sa ilalim ng pinakamagagandang kalagayan?

Bueno, ang Bibliya ay nangangako: “Ang iyong mga patay ay mangabubuhay. . . . Sila’y magsisibangon.” At ang Bibliya ay nagsasabi rin: “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”​—Isaias 26:​19; Awit 37:29.

Upang magkaroon ng tunay na pagtitiwala sa ganiyang mga pangako, kailangang sagutin natin ang mga ilang mahalagang tanong: Bakit nga ba namamatay ang mga tao? Nasaan ang mga patay? Paano natin matitiyak na sila’y muling mabubuhay?

Ang Kamatayan, at ang Nangyayari Pagka Tayo’y Namatay

Nililinaw ng Bibliya na sa simula ay hindi layunin ng Diyos na ang mga tao’y mamatay. Kaniyang nilalang ang unang mag-asawang tao na sina Adan at Eba, iniligay sila sa isang makalupang paraiso na tinatawag na Eden, at iniutos sa kanila na sila’y mag-anak at palawakin sa buong lupa ang kanilang tahanang Paraiso. Sila’y mamamatay tangi lamang kung kanilang susuwayin ang kaniyang mga utos.​—Genesis 1:​28; 2:​15-17.

Palibhasa’y walang pagpapahalaga sa kabutihan ng Diyos, si Adan at si Eba ay sumuway at nagbayad ng itinakdang parusa. “Kayo [ay] babalik sa lupa,” ang sabi ng Diyos kay Adan, “sapagkat diyan kayo kinuha. Sapagkat kayo’y alabok at sa alabok kayo babalik.” (Genesis 3:19) Bago siya nilalang si Adan ay hindi umiiral; siya’y alabok. At dahil sa kaniyang pagsuway, o pagkakasala, si Adan ay hinatulan na magbalik sa alabok, sa isang kalagayan ng di-pag-iral.

Samakatuwid ang kamatayan ay ang kawalan ng buhay. Ipinakikita ng Bibliya ang pagkakaiba: “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, subalit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan.” (Roma 6:23) Upang ipakita na ang kamatayan ay isang kalagayan ng lubusang kawalang-malay, ang Bibliya ay nagsasabi: “Sapagkat alam ng mga buháy na sila’y mamamatay; subalit kung para sa mga patay, sila’y wala nang malay sa anupaman.” (Eclesiastes 9:5) Pagka namatay ang isang tao, ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Ang hininga niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.”​—Awit 146:​3, 4.

Subalit, yamang si Adan lamang at si Eba ang sumuway sa utos na iyan sa Eden, bakit lahat tayo’y namamatay? Sapagkat lahat tayo ay ipinanganak pagkatapos sumuway si Adan, kaya lahat tayo ay nagmamana sa kaniya ng kasalanan at kamatayan. Gaya ng paliwanag ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao.”​—Roma 5:​12; Job 14:4.

Gayunman ay baka may magtanong: ‘Hindi baga ang mga tao ay may kaluluwang walang kamatayan na umiiral pa rin pagkamatay nila?’ Marami ang may ganitong turo, at sinasabi pa nila na ang kamatayan ay isang daan na patungo sa isa pang buhay. Subalit ang kuru-kurong iyan ay hindi sa Bibliya nanggaling. Bagkus, itinuturo ng Salita ng Diyos na ikaw ay isang kaluluwa, na ang iyong kaluluwa ay talagang ikaw, taglay ang lahat ng iyong pisikal at mental na mga katangian. (Genesis 2:​7; Jeremias 2:​34; Kawikaan 2:10) At, sinasabi ng Bibliya: “Ang kaluluwa na nagkakasala​—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Saanman ay hindi itinuturo ng Bibliya na ang tao ay may kaluluwang walang kamatayan na patuloy na umiiral pagkamatay ng katawan.

Kung Paano Maaaring Mabuhay Uli ang mga Tao

Nang pumasok na sa sanlibutan ang kasalanan at kamatayan, isiniwalat ng Diyos na layunin niya na ang mga namatay ay manumbalik sa buhay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Kaya ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Si Abraham . . . ay nanalig na magagawa ng Diyos na ibangon [ang kaniyang anak na si Isaac] kahit buhat sa mga patay.” (Hebreo 11:​17-19) Si Abraham ay hindi nagkamali ng paglalagak ng kaniyang tiwala, sapagkat tungkol sa Makapangyarihan-sa-lahat ay sinasabi ng Bibliya: “Siya’y Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat silang lahat ay buháy sa harap niya.”​—Lucas 20:​37, 38.

Oo, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay may taglay na kapangyarihan at pagnanasa na buhaying-muli ang mga tao na kaniyang pinipili. Si Jesu-Kristo mismo ay nagsabi: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagkat ang oras ay dumarating na lahat ng mga nasa libingang alaala ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.”​—Juan 5:​28, 29; Gawa 24:15.

Hindi nagtagal pagkatapos sabihin ito, si Jesus ay nakasalubong ng isang libing na nanggagaling sa Israelitang lunsod ng Nain. Ang namatay na binata ay bugtong na anak ng isang biyuda. Nang makita ang labis na pamimighati ng biyuda, si Jesus ay nahabag. Kaya, kaniyang sinabi sa bangkay: “Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!” At ang lalaki ay bumangon at umupo, at siya’y ibinigay ni Jesus sa ina.​—Lucas 7:​11-17.

Gaya sa kaso ng biyudang iyan, nagkaroon din ng walang kahulilip na kaligayahan nang dalawin ni Jesus ang tahanan ni Jairo, isang pinuno sa sinagogang Judio. Ang kaniyang 12-anyos na dalagitang anak ay namatay. Subalit nang dumating si Jesus sa tahanan ni Jairo, siya’y lumapit sa namatay na dalagita at nagsabi: “Dalagita, bumangon ka!” At ito’y bumangon!​—Lucas 8:​40-56.

Nang magtagal, ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro ay namatay. Nang dumating si Jesus sa kaniyang tahanan, apat na araw nang patay si Lazaro. Bagaman matindi ang pamimighati, ang kaniyang kapatid na si Marta ay nagpahayag ng pag-asa, nang sabihin: “Batid ko na siya’y babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” Subalit si Jesus ay naparoon sa nitso, nag-utos na alisin ang nakatakip na bato, at tumawag: “Lazaro, lumabas ka!” At siya’y lumabas!​—Juan 11:​11-44.

Ngayon ay pag-isipan ito: Ano ba ang kalagayan ni Lazaro noong apat na araw na siya’y patay? Walang sinabi si Lazaro na anupaman tungkol sa pagiging nasa isang langit ng kaligayahan o isang impiyerno na pahirapan, na tiyak namang sasabihin niyang gayon kung siya’y doon naparoon. Hindi, kundi si Lazaro ay lubusang walang malay nang siya’y patay at disin sana’y nanatiling patay hanggang sa “pagkabuhay-muli sa huling araw” kung hindi siya ipinanumbalik noon ni Jesus sa buhay.

Totoo na ang mga himalang ito ni Jesus ay nagdulot ng pansamantala lamang na pakinabang, yamang yaong mga binuhay niya ay namatay uli. Gayunman, pinatunayan niya may 1,900 taon na ngayon ang nakalipas na, sa kapangyarihan ng Diyos, ang mga patay ay talagang maaaring mabuhay uli! Kaya sa pamamagitan ng kaniyang himala ay ipinakita ni Jesus sa maliit na paraan ang magaganap sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.

Pagka Namatay ang Isang Mahal sa Buhay

Pagka sumalakay na ang kaaway na kamatayan, marahil ay matindi ang iyong dalamhati, bagaman ikaw ay may pag-asa sa pagkabuhay-muli. Si Abraham ay may pananampalataya na muling mabubuhay ang kaniyang asawa, gayunman ay mababasa natin na “naparoon si Abraham upang tumangis kay Sara at managhoy sa kaniya.” (Genesis 23:2) At komusta naman si Jesus? Nang mamatay si Lazaro, siya’y “nalagim sa espiritu at nagulumihanan,” at ilang saglit pa’y “tumangis na.” (Juan 11:​33, 35) Samakatuwid, pagka namatay ang isang mahal mo sa buhay, hindi kahinaan ang ikaw ay umiyak.

Pagka namatay ang isang bata, ang ina ang lalong higit na naghihirap. Kaya naman kinikilala ng Bibliya ang mapait na dalamhati na maaaring madama ng isang ina. (2 Hari 4:27) Mangyari pa, mahirap din iyon para sa namimighating ama. “Oh ako na sana ang namatay, ako na, sa halip na ikaw,” ang panaghoy ni Haring David nang mamatay ang kaniyang anak na si Absalom.​—2 Samuel 18:33.

Gayunman, dahil sa nananalig ka sa pagkabuhay-muli, ang kalungkutan mo ay mapapawi rin. Sinasabi ng Bibliya, ikaw ay “hindi mamimighati na gaya ng pamimighati ng iba na walang pag-asa.” (1 Tesalonica 4:13) Bagkus, ikaw ay lalapit sa Diyos sa panalangin, at ipinangangako ng Bibliya na “siya mismo ang aalalay sa iyo.”​—Awit 55:22.

Maliban sa kung iba ang ipinakikita, lahat ng mga sinipi sa Bibliya ay kuha sa New World Translation of the Holy Scriptures.