Ano ang Paniwala ng mga Saksi ni Jehova?
Ano ang Paniwala ng mga Saksi ni Jehova?
“Ibig namin marinig kung ano ang inyong paniwala, sapagkat ang tanging alam namin tungkol sa mga Kristiyanong ito ay na sila’y pinagwiwikaan saanman!” (Gawa 28:22, The Living Bible) Ang mga lider na ito sa pamayanan noong unang siglo sa Roma ay nagpakita ng mainam na halimbawa. Ibig nilang makaalam buhat sa kinauukulan, imbis na buhat sa mga kritiko lamang na tagalabas.
Ganiyan din, ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay malimit na pinagwiwikaan, at hindi maaasahan na buhat sa mga may maling akala manggagaling ang katotohanan tungkol sa kanila. Kaya kami ay nalulugod na ipaliwanag sa iyo ang ilan sa aming mga pangunahing paniwala.
Ang Bibliya, si Jesu-Kristo, at ang Diyos
Kami’y naniniwala na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan.” (2 Timoteo 3:16) Bagaman sinasabi ng iba na kami ay hindi mga tunay na Kristiyano, hindi totoo ito. Kami’y lubusang kaisa ng patotoo ni apostol Pedro tungkol kay Jesu-Kristo: “Walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas.”—Gawa 4:12.
Gayunman, yamang sinabi ni Jesus na siya’y “Anak ng Diyos” at na “sinugo ako ng Ama,” ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na ang Diyos ay lalong dakila kaysa kay Jesus. (Juan 10:36; 6:57) Inamin iyan mismo ni Jesus: “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” (Juan 14:28; 8:28) Kaya kami ay hindi naniniwala na si Jesus ay kapantay ng Ama, na sinasabi ng doktrina ng Trinidad. Bagkus, kami ay naniniwala na siya ay nilalang ng Diyos at na siya ay mababa kaysa Kaniya.—Colosas 1:15; 1 Corinto 11:3.
Sa wikang Tagalog, ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Sinasabi ng Bibliya: “Ikaw, na ang tanging pangalan ay JEHOVA, ang kataastaasan sa buong lupa.” (Awit 83:18, King James Version) Kasuwato nito, ipinakadiin ni Jesus ang pangalan ng Diyos, at tinuruan ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.” At siya mismo ay nanalangin sa Diyos: “Ipinakilala ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin.”—Mateo 6:9; Juan 17:6.
Ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na sila’y dapat na tumulad kay Jesus sa pagpapakilala ng pangalan at mga layunin ng Diyos. Kaya aming kinuha ang pangalang mga Saksi ni Jehova sapagkat aming tinutularan si Jesus, “ang Saksing Tapat.” (Apocalipsis 1:5; 3:14) Angkop naman, sinasabi ng Isaias 43:10 sa bayang kumakatawan sa Diyos: “‘Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘samakatuwid nga ay ang aking lingkod na aking pinili.’”
Ang Kaharian ng Diyos
Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin, “Dumating nawa ang kaharian mo,” at ang Kahariang iyon ang ginawa niya na pangunahing tema ng kaniyang turo. (Mateo 6:10; Lucas 4:43) Ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na ang Kaharian ay isang tunay na pamahalaan buhat sa langit, na paghaharian nito ang lupa, at na si Jesu-Kristo ang hinirang na di-nakikitang Hari nito. “Ang pamahalaan ay maaatang sa kaniyang balikat,” ang sabi ng Bibliya. “Ang paglago ng kaniyang pamahalaan at ng kapayapaan ay hindi magwawakas.”—Isaias 9:6, 7, KJ.
Gayunman, si Jesu-Kristo ay hindi mag-iisang hari ng pamahalaan ng Diyos. Siya’y magkakaroon ng maraming kasamang hari sa langit. “Kung tayo’y patuloy na magtitiis,” ang isinulat ng apostol Pablo, “maghahari rin tayong kasama niya.” (2 Timoteo 2:12) Ayon sa Bibliya ang mga taong binubuhay-muli upang magharing kasama ni Kristo sa langit ay limitado sa “isang daan at apatnapu’t-apat na libo, na mga binili sa lupa.”—Apocalipsis 14:1, 3.
Siyempre, anomang pamahalaan ay may mga sakop, at naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na bilyun-bilyon pa bukod sa makalangit na mga haring ito ang tatanggap ng buhay na walang-hanggan. Sa wakas ang lupa, na isa nang magandang paraiso, ay mapupuno ng karapat-dapat na mga sakop na ito ng Kaharian ng Diyos, pawang napasasakop sa paghahari ni Kristo at ng kaniyang mga kasama. Kaya ang mga Saksi ni Jehova ay matatag na naniniwala na hindi pupuksain kailanman ang lupa at na matutupad ang pangako ng Bibliya: “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37:29; 104:5.
Subalit paano darating ang Kaharian ng Diyos? Pagka lahat ba ng mga bayan ay kusang napaiilalim sa gobyerno ng Diyos? Hindi, ayon sa Bibliya sa pagdating ng Kaharian ng Diyos ay kakailanganin ang tuwirang pakikialam ng Diyos sa pamamalakad ng lupa: “Ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian mismo . . . ang dudurog at magwawasak sa lahat ng kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Kailan ba darating ang Kaharian ng Diyos? Salig sa mga hula ng Bibliya na natutupad ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na napakalapit nang dumating ito. Inaanyayahan ka namin na pag-aralan ang mga ilang hula tungkol sa mga tanda ng “mga huling araw” ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Ito’y nasusulat sa Mateo 24:3-14; Lucas 21:7-13, 25-31; at 2 Timoteo 3:1-5.
Palibhasa’y aming ‘iniibig si Jehova na aming Diyos ng Marcos 12:30, 31) Kami ay napapatanyag dahil sa pag-ibig na makikita sa gitna ng aming mga kapatid na Kristiyano na nasa lahat ng bansa. (Juan 13:35; 1 Juan 3:10-12) Kaya kami ay walang pinapanigan sa politikal na mga pamamalakad ng mga bansang iyon. Sinisikap naming tumulad sa mga sinaunang alagad ni Jesus, na gaya ng sinabi niya: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Kami’y naniniwala na ang paghiwalay sa sanlibutan ay pag-iwas din sa imoralidad na laganap sa ngayon, kasali na ang pagsisinungaling, pagnanakaw, pakikiapid, adulteriya, homoseksuwalidad, maling paggamit sa dugo, idolatriya, at iba pang mga bagay na minamasama ng Bibliya.—1 Corinto 6:9-11; Efeso 5:3-5; Gawa 15:28, 29.
aming buong puso, kaluluwa, isip, at lakas, at ang aming kapuwa kagaya ng aming sarili,’ kami ay hindi baha-bahagi ng dahil sa bansa, lahi, at lipunan. (Pag-asa Para sa Hinaharap
Ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na ang ating kasalukuyang buhay sa sanlibutang ito ay hindi siyang lahat. Kami’y naniniwala na sinugo ni Jehova si Kristo sa lupa upang magtigis ng kaniyang dugo bilang pantubos upang ang mga tao ay magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos at tumanggap ng buhay na walang-hanggan sa isang bagong sistema ng mga bagay. Gaya ng sinabi ng isang apostol ni Jesus: “Tayo’y inaring matuwid ngayon sa pamamagitan ng kaniyang dugo.” (Roma 5:9; Mateo 20:28) Ang mga Saksi ni Jehova ay lubhang nagpapasalamat sa Diyos at sa kaniyang Anak ukol sa paglalaang ito ng pantubos upang sa hinaharap ay maging posible ang buhay.
Ang mga Saksi ni Jehova ay lubusang naniniwala sa isang buhay sa hinaharap, salig sa pagkabuhay-muli buhat sa mga patay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Kami’y naniniwala, ayon sa itinuturo ng Bibliya, na pagka namatay ang isang tao talagang hindi na siya umiiral, na “sa araw ding yaon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:3, 4; Ezekiel 18:4; Eclesiastes 9:5) Oo, ang buhay sa hinaharap para sa mga patay ay nakasalig sa pag-aalaala sa kanila ng Diyos sa pagkabuhay-muli.—Juan 5:28, 29.
Gayunman, kumbinsido ang mga Saksi ni Jehova na maraming nabubuhay ngayon ang makaliligtas pagka nilipol na ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kasalukuyang mga pamahalaan at, gaya ni Noe at ng kaniyang pamilya na nakaligtas sa Baha, sila’y patuloy na mabubuhay upang tamasahin ang buhay na walang-hanggan sa nilinis na lupa. (Mateo 24:36-39; 2 Pedro 3:5-7, 13) Subalit kami’y naniniwala na ang kaligtasan ay depende sa pagsunod sa mga kahilingan ni Jehova, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas . . . , datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17; Awit 37:11; Apocalipsis 7:9, 13-15; 21:1-5.
Maliwanag, imposible na talakayin dito ang lahat ng paniwala ng mga Saksi ni Jehova, ngunit inaanyayahan ka namin na kumuha ng higit pang impormasyon.
Maliban sa kung iba ang ipinakikita, lahat ng mga sinipi sa Bibliya ay kuha sa New World Translation of the Holy Scriptures.
[Blurb sa pahina 4]
Aming kinuha ang pangalang mga Saksi ni Jehova sapagkat aming tinutularan si Jesus