Gusto Mo Bang Makaalam Nang Higit Pa Tungkol sa Bibliya?
Gusto Mo Bang Makaalam Nang Higit Pa Tungkol sa Bibliya?
Bakit Dapat Basahin ang Bibliya?
ANG Bibliya ay di-tulad ng iba pang aklat—naglalaman ito ng maibiging tagubilin mula sa Diyos. (1 Tesalonica 2:13) Kung ikakapit mo ang itinuturo ng Bibliya, makikinabang ka nang husto. Mapasisidhi mo ang iyong pag-ibig sa Diyos at mapapalapít ka sa kaniya, ang Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at ng bawat sakdal na regalo.’ (Santiago 1:17) Malalaman mo kung paano lalapit sa kaniya sa panalangin. Sa panahon ng kabagabagan, mararanasan mo ang tulong ng Diyos. Kung iaayon mo ang iyong buhay sa mga pamantayang nakasaad sa Bibliya, bibigyan ka ng Diyos ng buhay na walang hanggan.—Roma 6:23.
Ang Bibliya ay naglalaman ng katotohanan na nagbibigay ng kaliwanagan. Yaong mga nagtatamo ng kaalaman sa Bibliya ay napalalaya mula sa mga maling ideya na nangingibabaw sa buhay ng milyun-milyon. Halimbawa, ang pagkaalam ng katotohanan tungkol sa kung ano ang nangyayari pagkamatay natin ay nagpapalaya sa atin mula sa takot na maaari tayong saktan ng mga patay o na ang ating mga patay nang kamag-anak at kaibigan ay nagdurusa. (Ezekiel 18:4) Ang turo ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli ay nagbibigay ng kaaliwan sa mga namatayan ng mga mahal sa buhay. (Juan 11:25) Ang pagkaalam sa katotohanan tungkol sa balakyot na mga anghel ay nagbababala sa atin laban sa mga panganib ng espiritismo at tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit napakaraming kaguluhan sa lupa.
Ipinakikita sa atin ng makadiyos na mga simulain sa Bibliya kung paano mamumuhay sa paraang magdudulot ng pisikal na mga kapakinabangan. Halimbawa, malaki ang nagagawa ng pagiging “katamtaman ang mga pag-uugali” sa pagkakaroon ng mabuting kalusugan. (1 Timoteo 3:2) Sa pamamagitan ng ‘paglilinis natin ng ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu,’ naiiwasan nating maisapanganib ang ating kalusugan. (2 Corinto 7:1) Ang pagkakapit ng payo ng Diyos na masusumpungan sa Bibliya ay nagtataguyod din ng kaligayahan sa pag-aasawa at paggalang-sa-sarili.—1 Corinto 6:18.
Kung ikakapit mo ang Salita ng Diyos, ikaw ay magiging mas maligayang tao. Nakatutulong sa atin ang kaalaman sa Bibliya na makasumpong ng panloob na kapayapaan at pagkakontento at nagbibigay sa atin ng pag-asa. Tumutulong ito sa atin na malinang ang kaakit-akit na mga katangiang gaya ng pagkamahabagin, pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, kabaitan, at pananampalataya. (Galacia 5:22, 23; Efeso 4:24, 32) Ginagawa tayo ng mga katangiang ito na maging mas mabuting asawang lalaki o babae, ama o ina, anak na lalaki o babae.
Napag-isipan mo na ba ang tungkol sa hinaharap? Ipinakikita sa atin ng mga hula sa Bibliya kung nasaan na tayo sa agos ng panahon. Hindi lamang inilalarawan ng mga hulang ito ang kalagayan ng daigdig sa ngayon kundi ipinakikita rin nito na malapit nang baguhin ng Diyos ang lupa tungo sa isang paraiso.—Apocalipsis 21:3, 4.
Tulong sa Pag-unawa sa Bibliya
Marahil ay nasubukan mo nang basahin ang Bibliya subalit nahirapan kang unawain ito. Marahil ay hindi mo alam kung saan hahanapin sa Bibliya ang mga sagot sa iyong mga katanungan. Kung gayon, hindi ka nag-iisa. Lahat tayo ay nangangailangan ng tulong sa pag-unawa sa Salita ng Diyos. Ang mga Saksi ni Jehova, sa mga 235 lupain, ay naglalaan ng libreng pagtuturo sa Bibliya sa milyun-milyong tao. Matutuwa silang tumulong din sa iyo.
Karaniwan nang pinakamainam na pag-aralan ang Bibliya nang pasulong, na nagpapasimula sa pangunahing mga turo. (Hebreo 6:1) Habang nagpapatuloy ka, higit mong mapahahalagahan ang “matigas na pagkain”—yaon ay, ang malalalim na katotohanan. (Hebreo 5:14) Ang Bibliya ang siyang awtoridad. Matutulungan ka ng mga publikasyong salig sa Bibliya, gaya ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, na unawain ang mga reperensiya sa Kasulatan tungkol sa iba’t ibang paksa.
Handa Ka Bang Gumugol ng Panahon Linggu-Linggo Upang Maunawaan ang Bibliya?
Ang isang pag-aaral sa Bibliya ay karaniwang isinasaayos sa panahon at lugar na kombinyente sa iyo. Marami ang nag-aaral sa kanilang sariling tahanan. Ang iba naman ay nag-aaral pa nga sa telepono. Ang programa sa pag-aaral ay hindi isang klase na kasama ng maraming tao, kundi isang pribadong kaayusan na ibinabagay sa iyong personal na kalagayan, pati na sa iyong antas ng kaalaman at edukasyon. Walang mga eksamen, at hindi ka naman ipapahiya. Ang iyong mga katanungan tungkol sa Bibliya ay sasagutin, at matututuhan mong maging malapít sa Diyos.
Hindi mo kailangang magbayad para sa gayong pag-aaral sa Bibliya. (Mateo 10:8) Ito ay iniaalok nang libre sa mga taong nagmula sa lahat ng relihiyon at sa mga walang relihiyon subalit taimtim na interesado na mapasulong ang kanilang kaalaman sa Salita ng Diyos.
Sino ang maaaring sumama sa talakayan? Ang iyong buong pamilya. Ang sinumang kaibigan na gusto mong anyayahan ay maaari ring sumama. O kung gusto mo, ang talakayan ay maaaring idaos sa iyo lamang.
Marami ang naglalaan ng isang oras linggu-linggo upang mag-aral ng Bibliya. Kung makagugugol ka ng higit na panahon o limitado lamang sa mas kaunting panahon linggu-linggo, ang mga Saksi ay handang tumulong sa iyo.
Isang Paanyaya Upang Matuto
Inaanyayahan ka naming makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Ang isang paraan upang magawa mo ito ay sa pamamagitan ng pagsulat sa direksiyon na nasa ibaba. Pagkatapos ay gagawa ng kaayusan upang may magdaos sa iyo ng walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
□ Interesado akong tumanggap ng isang kopya ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Ilagay kung anong wika.
□ Pakisuyong makipag-ugnayan sa akin tungkol sa isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
Malibang iba ang ipinakikita, lahat ng pagsipi sa Bibliya ay mula sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.