Jesu-Kristo—Sino Siya?
Jesu-Kristo—Sino Siya?
“MAGING ang maraming tao na hindi mga Kristiyano ay naniniwala na Siya ay isang dakila at matalinong guro. Tiyak na siya ay isa sa pinakamaimpluwensiyang tao na nabuhay kailanman.” (The World Book Encyclopedia) Sino “Siya”? Si Jesu-Kristo, ang tagapagtatag ng Kristiyanismo. Alam mo ba kung sino siya? Siya ba sa paano man ay nakaaapekto sa iyong buhay?
Ang mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus ay nakaulat sa Bibliya sa apat na makasaysayang akda na tinatawag na Mga Ebanghelyo. Gaano katotoo ang mga salaysay na ito? Matapos suriin ang mga ito, ang kilalang istoryador na si Will Durant ay sumulat: “Na ang ilang simpleng tao sa loob ng isang salinlahi ay makaimbento ng isang totoong mapuwersa at kaakit-akit na personalidad, ng gayong kataas na tuntuning moral at ng lubhang nakapupukaw-damdaming pangitain tungkol sa pagkakapatiran ng tao, ay isang himala na higit na di-kapani-paniwala kaysa sa anumang naiulat sa Mga Ebanghelyo.”
Subalit para sa milyun-milyong tao sa Silangan at sa iba pang dako, si Jesu-Kristo ay isang estranghero. Maaaring maniwala sila na umiiral siya, subalit hindi nila iniisip na makaaapekto siya sa kanilang buhay. Para sa iba ay hindi nararapat pag-ukulan ng pansin si Jesus dahil sa ginawa ng kaniyang nag-aangking mga tagasunod. ‘Naghulog sila ng bomba atomika sa Nagasaki,’ ang sabi ng ilan sa Hapon, ‘isang lunsod na doo’y nakararami ang mga Kristiyano kung ihahambing sa karamihan ng mga lunsod sa Hapon.’
Gayunman, sisisihin mo ba ang isang doktor sa pagkakasakit ng isang pasyente kung hindi naman sinunod ng pasyente ang reseta ng doktor? Maliwanag na hindi. Matagal nang ipinagwawalang-bahala ng mga tao ng Sangkakristiyanuhan ang tagubilin ni Jesus sa paglutas sa kanilang mga suliranin sa
araw-araw. Kaya sa halip na itakwil si Jesus dahil sa tinaguriang mga Kristiyano, na hindi sumusunod sa kaniyang mga tagubilin, bakit hindi mo alamin sa ganang sarili ang tungkol sa kaniya? Suriin ang Bibliya, at tingnan kung sino talaga si Jesus at kung paano niya maaaring mabago pa nga ang iyong buhay.Pag-ibig—Ang Kaniyang Reseta
Si Jesu-Kristo ay isang dakilang guro na nabuhay sa Palestina halos 2,000 taon na ang nakararaan. Kaunti lamang ang nalalaman tungkol sa kaniyang kabataan. (Mateo, kabanata 1 at 2; Lucas, kabanata 1 at 2) Nang siya’y sumapit sa 30 taóng gulang, sinimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo upang “magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37; Lucas 3:21-23) Ang apat na tagapag-ulat ng kasaysayan ng buhay ni Jesus ay tumalakay sa kaniyang pangmadlang ministeryo, ang huling tatlo at kalahating taon ng kaniyang pag-iral sa lupa.
Sa panahon ng kaniyang ministeryo, ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang susi sa pagharap sa iba’t ibang suliranin sa kanilang buhay. Ano ang susing iyon? Iyon ay ang pag-ibig. Sa isa sa pinakatanyag na sermon sa kasaysayan, na tinatawag na Sermon sa Bundok, itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung paano magpapamalas ng pag-ibig sa mga kapuwa-tao. Sinabi niya: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Ang simulaing ito ay tinatawag na Gintong Tuntunin. Maging ang mga kaaway ng isa ay kasali sa “mga tao” na tinukoy rito ni Jesus. Sa sermon ding iyon ay sinabi niya: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mateo 5:44) Hindi ba’t malulutas ng gayong pag-ibig ang marami sa mga problema na nakakaharap natin ngayon? Gayon ang palagay ng lider na Hindu na si Mohandas Gandhi. Sinipi ang kaniyang sinabi: “Kung nagkaisa [tayo] sa mga turong inilahad ni Kristo sa Sermong ito sa Bundok, nalutas na sana natin ang mga suliranin . . . ng buong daigdig.” Ang mga turo ni Jesus hinggil sa pag-ibig, kung ikakapit, ay makagagamot sa sakit ng sangkatauhan.
Ang Kaniyang Pag-ibig na May Gawa
Ginawa ni Jesus ang kaniyang itinuro. Iniuna niya ang kapakanan ng iba kaysa sa kaniyang sarili at ipinamalas ang pag-ibig na may gawa. Isang araw, pinaglingkuran ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang maraming tao, anupat hindi man lamang sila nagkapanahong kumain. Nakita ni Jesus ang pangangailangang “magpahinga nang kaunti” ang kaniyang mga alagad, kaya nagtungo sila sa isang liblib na dako. Subalit naunang dumating doon ang isang pulutong at naghintay sa kanilang pagdating. Ano ang gagawin mo kung ikaw ang nasa kalagayan ni Jesus? Buweno, si Jesus ay ‘naantig sa pagkahabag sa kanila’ at ‘nagpasimulang magturo sa kanila ng maraming bagay.’ (Marcos 6:30-34) Ang masidhing damdaming ito ng pagkahabag ang nag-udyok sa kaniya upang tumulong sa iba.
Ang ginawa ni Jesus para sa kapakinabangan ng iba ay hindi limitado sa espirituwal na pagtuturo. Nagbigay rin siya ng praktikal na tulong. Halimbawa, isang araw ay pinakain niya ang 5,000 lalaki (bukod pa sa mga babae at mga bata) na nakinig sa kaniya hanggang hapon. Pinakain din niya ang 4,000 pa nang sumunod na pagkakataon. Sa naunang pagkakataon, gumamit siya ng limang tinapay at dalawang isda at, sa huling pagkakataon, pito namang tinapay at ilang maliit na isda. (Mateo 14:14-21; 15:32-38; Marcos 6:35-44; 8:1-9) Mga himala? Oo, siya ay manggagawa ng himala.
Lucas 7:22; Juan 11:30-45) Minsan, namanhik sa kaniya ang isang ketongin: “Kung ibig mo lamang, ay mapalilinis mo ako.” Paano tumugon si Jesus? “Iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo siya, at sinabi sa kaniya: ‘Ibig ko. Luminis ka.’ ” (Marcos 1:40, 41) Si Jesus ay inudyukan ng masidhing hangaring tulungan sila. Sa pamamagitan ng gayong mga himala, ipinakita niya ang kaniyang pag-ibig sa mga napipighati.
Ginamot din ni Jesus ang maraming maysakit. Pinagaling niya ang mga bulag, pilay, ketongin, at mga bingi. Aba, bumuhay pa nga siya ng patay! (Mahirap bang paniwalaan? Subalit karamihan ng mga himala ni Jesus ay ginawa sa madla. Maging ang mga sumalansang sa kaniya, na humahanap ng maipupuna sa kaniya sa bawat pagkakataon, ay hindi makatatanggi sa katotohanan na gumawa siya ng mga himala. (Juan 9:1-34) Bukod dito, may layunin ang kaniyang mga himala. Tumulong ang mga ito sa mga tao na makilala si Jesus bilang ang isa na isinugo ng Diyos.—Juan 6:14.
Kahit na sandali lamang isasaalang-alang ang mga turo at buhay ni Jesus ay mapapamahal na siya sa atin at mauudyukan tayong naisin na tularan ang kaniyang pag-ibig. Gayunman, hindi lamang iyan ang tanging paraan na maaapektuhan ni Jesus ang iyong buhay. Hindi lamang siya isang dakilang guro na nagturo ng pag-ibig. Ipinahiwatig niya na umiiral na siya bago pa naging tao bilang ang bugtong na Anak ng Diyos. (Juan 1:14; 3:16; 8:58; 17:5; 1 Juan 4:9) Umiiral pa rin siya pagkatapos maging tao, na nagpapangyaring maging lalong mahalaga siya sa iyo. Ipinahihiwatig ng Bibliya na ibinangon si Jesus at ngayon ay nakaupo na siya bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 11:15) Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3; 20:31) Tunay, ang pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jesu-Kristo ay maaaring mangahulugan ng walang-hanggang buhay sa Paraiso! Paano mangyayari iyon? Bakit hindi alamin nang higit pa ang tungkol kay Jesus at tingnan kung paanong ‘ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nagtutulak sa atin’ na tularan siya? (2 Corinto 5:14) Ang mga Saksi ni Jehova ay malulugod na tumulong sa iyo.—Juan 13:34, 35.
Malibang ipahiwatig, ang lahat ng pagsipi sa Bibliya ay mula sa New World Translation of the Holy Scriptures.