Pumunta sa nilalaman

Mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay?

Mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay?

Mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay?

“NAIS kong makamit ang pinakamainam sa buhay.” Ganiyan ang sabi ng isang babaing tin-edyer. Walang-alinlangang gayundin ang nais mo. Ngunit paano mo nga ba makakamit ang “pinakamainam” sa buhay? Ang media at ang iyong mga kasamahan, marahil maging ang iyong mga guro, ay maaaring magsabi na ito ay nagmumula sa pagkakamit ng maraming salapi at pagtatamasa ng isang prestihiyosong karera—pagiging matagumpay!

Gayunman, nagbababala ang Bibliya sa mga kabataan na ang pagsusumikap ukol sa materyal na tagumpay ay “paghahabol [lamang] sa hangin.” (Eclesiastes 4:4) Unang-una na, iilang kabataan lamang ang talagang nagiging mayaman at tanyag. At kadalasang nasusumpungan ng mga nagiging mayaman at tanyag na sila ay lubhang nasisiphayo. “Ito’y gaya ng isang kahon na walang laman,” ang sabi ng isang kabataang Britano na nagtaguyod ng isang prestihiyosong akademikong karera. “Kapag tiningnan mo ito sa loob, walang laman ito.” Totoo, ang isang trabaho kung minsan ay maaaring magdulot ng kayamanan at pagsang-ayon ng madla. Ngunit hindi nito kayang sapatan ang iyong “espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Bukod diyan, nagbababala ang 1 Juan 2:17 na “ang sanlibutan ay lumilipas.” Kahit na matamo mo ang tagumpay sa daigdig na ito, ito’y panandalian lamang.

Kaya pinasisigla ng Eclesiastes 12:1 ang mga kabataan: ‘Alalahanin ninyo ang inyong Maylalang habang kayo ay bata pa.’ (Today’s English Version) Oo, ang pinakamainam na posibleng paraan na magagamit mo ang iyong buhay ay sa paglilingkod sa Diyos na Jehova. Ngunit bago iyan, dapat ka munang maging kuwalipikado na maglingkod sa Diyos. Paano mo magagawa iyon? At ano ba ang nasasangkot sa paglilingkod sa Diyos?

Pagiging Kuwalipikado na Maging Isang Saksi ni Jehova

Bilang pasimula, dapat mong linangin ang pagnanais na paglingkuran ang Diyos—at ang pagnanais na iyan ay hindi basta na lamang dumarating, kahit na mga Kristiyano ang iyong mga magulang. Dapat kang magkaroon ng personal na kaugnayan kay Jehova. “Tinutulungan ka ng panalangin na magkaroon ng personal na kaugnayan kay Jehova,” ang sabi ng isang babaing tin-edyer.—Awit 62:8; Santiago 4:8.

Itinatampok ng Roma 12:2 ang isa pang hakbang na dapat mong gawin. Sinasabi nito: ‘Patunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.’ Kung minsan ba ay nag-aalinlangan ka sa ilan sa mga bagay na itinuro sa iyo? Kung gayon ay sundin ang payo ng Bibliya, at ‘patunayan sa iyong sarili’ na ang mga bagay na ito ay totoo! Personal kang magsaliksik. Basahin ang Bibliya at mga publikasyong salig sa Bibliya. Gayunman, ang pagkatuto tungkol sa Diyos ay hindi lamang basta paggamit ng isip. Maglaan ng panahon upang bulay-bulayin ang iyong binabasa upang ito ay tumagos sa iyong makasagisag na puso. Ito ang magpapasidhi sa pag-ibig mo sa Diyos.—Awit 1:2, 3.

Pagkatapos, subuking ibahagi ang iyong natutuhan sa impormal na paraan, marahil sa iyong mga kaeskuwela. Ang pangangaral sa bahay-bahay ang susunod na hakbang. Maaaring makatagpo ka paminsan-minsan ng isang kaeskuwela habang ikaw ay nangangaral, at maaaring mailang ka sa simula dahil dito. Ngunit hinihimok tayo ng Bibliya na huwag ‘ikahiya ang mabuting balita.’ (Roma 1:16) Naghahatid ka ng mensahe ng buhay at pag-asa! Bakit mo ito ikahihiya?

Ngayon, kung ang iyong mga magulang ay mga Kristiyano, maaaring sumasama ka na sa kanila sa gawaing ito. Ngunit nakagagawa ka na ba nang higit sa basta pagtayo nang walang imik sa harap ng may-bahay o basta pagpapasakamay ng mga magasin at mga tract? Kaya mo bang makipag-usap mismo sa may-bahay, na ginagamit ang Bibliya upang turuan siya? Kung hindi, magpatulong ka sa iyong mga magulang o sa isang may-gulang na miyembro ng kongregasyon. Gawin mong tunguhin na maging kuwalipikado bilang isang di-bautisadong mamamahayag ng mabuting balita!

Sa kalaunan, mapakikilos ka na gumawa ng pag-aalay—na nangangako sa Diyos na paglilingkuran mo siya magmula sa araw na iyon. (Roma 12:1) Gayunman, ang pag-aalay ay hindi lamang isang pribadong bagay. Hinihiling ng Diyos sa lahat na gumawa ng “pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10) Sa panahon ng bautismo, gumagawa ka muna ng bibigang kapahayagan ng iyong pananampalataya. Sinusundan ito ng bautismo sa tubig. (Mateo 28:19, 20) Walang alinlangan, ang bautismo ay isang seryosong hakbang. Ngunit huwag kang mag-atubili dahil sa nadarama mong baka mabigo ka sa paanuman. Kung ikaw ay aasa sa Diyos ukol sa lakas, pagkakalooban ka niya ng “lakas na higit sa karaniwan” upang tulungan kang tumayo nang matatag.—2 Corinto 4:7; 1 Pedro 5:10.

Sa panahon ng iyong bautismo, nagiging isa ka sa mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10) Dapat itong magkaroon ng malaking epekto sa paraan ng paggamit mo sa iyong buhay. Nasasangkot sa pag-aalay ang ‘pagtatatwa sa iyong sarili.’ (Mateo 16:24) Maaari mong talikuran ang ilang personal na tunguhin at ambisyon at ‘hanapin muna ang kaharian ng Diyos.’ (Mateo 6:33) Sa gayon, ang pag-aalay at bautismo ay nagbubukas ng maraming pagkakataon upang gawin iyon. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga ito.

Mga Pagkakataon Upang Maglingkod sa Diyos Nang Buong Panahon

Ang pagpapayunir ay isa sa gayong pagkakataon. Ang mamamahayag na payunir ay isang uliran at bautisadong Kristiyano na nagsaayos na gumugol ng di-bababa sa 70 oras bawat buwan sa pangangaral ng mabuting balita. Ang paggugol ng mas malaking panahon sa larangan ay tutulong sa iyo na malinang ang iyong mga kasanayan sa pangangaral at pagtuturo. Nagtamasa ang maraming payunir ng kagalakan sa pagtulong sa kanilang mga estudyante sa Bibliya na maging bautisadong mga Saksi. Mayroon pa bang sekular na trabaho na mas kapana-panabik at kasiya-siya kaysa rito?

Upang matustusan ang kanilang mga gastusin sa pamumuhay, karamihan sa mga payunir ay may sekular na part-time na mga trabaho. Marami ang patiunang nagpaplano para sa pananagutang ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng isang kasanayan mula sa paaralan o mula sa kanilang mga magulang. Kung nadarama mo at ng iyong mga magulang na mas makabubuti na kumuha ka pa ng ilang karagdagang pagsasanay pagkatapos ng haiskul, tiyakin na ang iyong motibo ay, hindi upang kumita ng maraming salapi, kundi upang masuportahan ang iyong ministeryo at marahil, makapaglingkod bilang isang buong-panahong ministro.

Gayunman, ang pinakasentro ng buhay ng isang payunir ay, hindi ang kaniyang sekular na trabaho, kundi ang kaniyang ministeryo—ang pagtulong sa iba upang magtamo ng buhay! Bakit hindi mo gawing isang personal na tunguhin ang pagpapayunir? Ang pagpapayunir ay kadalasang umaakay sa iba pang mga pribilehiyo. Halimbawa, ang ilang payunir ay lumilipat sa mga lugar kung saan may higit na pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Ang iba ay nag-aaral ng banyagang wika at naglilingkod sa isang lokal na kongregasyon na banyaga ang wika o maging sa isang banyagang lupain. Oo, ang pagpapayunir ay isang kasiya-siyang paraan ng pamumuhay!

Ang School for Kingdom Evangelizers ay isa pang bukás na pagkakataon. Ang dalawang-buwang kursong ito ay para sa pagsasanay ng makaranasang mga payunir na handang lumipat saanmang lugar sila kailangan. Parang sinasabi nila, “Narito ako! Isugo mo ako!” bilang pagtulad sa pinakadakilang Ebanghelisador na naglingkod sa lupa, si Jesu-Kristo. (Isaias 6:8; Juan 7:29) Baka kailangan nilang masanay sa mas simpleng buhay sa malayong lugar. Maaaring ibang-iba ang kultura, klima, at pagkain doon. Baka kailangan pa nga nilang mag-aral ng ibang wika. Tumutulong ang paaralang ito sa mga binata’t dalaga, pati sa mga mag-asawa, edad 23 hanggang 65, para malinang ang makadiyos na mga katangiang kailangan nila sa kanilang atas at magkaroon ng mga kasanayang tutulong para mas magamit sila ni Jehova at ng kaniyang organisasyon.

Ang paglilingkod sa Bethel ay nagsasangkot ng paglilingkod bilang isang boluntaryo sa isa sa mga pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova. Ang ilang miyembro ng pamilyang Bethel ay naglilingkod nang tuwiran sa paggawa ng mga literatura sa Bibliya. Ang iba naman ay inatasan sa mga trabaho na sumusuporta sa paggawa ng mga literatura, gaya ng pagmamantini ng mga gusali at mga kasangkapan o pangangalaga sa pisikal na pangangailangan ng pamilyang Bethel. Ang lahat ng atas ay sagradong mga pribilehiyo ng paglilingkod kay Jehova. Karagdagan pa, taglay ng mga nasa Bethel ang kagalakan sa pagkaalam na anuman ang kanilang gawain, ito ay nakatutulong sa marami sa kanilang mga kapatid sa buong daigdig.

Kung minsan ay inaanyayahan ang mga kapatid na may pantanging kasanayan upang maglingkod sa Bethel. Gayunman, karamihan ay tumatanggap ng kanilang pagsasanay pagdating na nila roon. Yaong mga nasa Bethel ay hindi naglilingkod dahil sa materyal na pakinabang, kundi nasisiyahan sila sa mga isinaayos na paglalaan para sa pagkain, tirahan, at maliit na reimbursement para sa personal na mga gastusin. Inilarawan ng isang kabataang miyembro ng pamilyang Bethel ang kaniyang paglilingkod sa ganitong paraan: “Ito ay kapana-panabik! Hindi madali ang rutin, ngunit tumanggap ako ng maraming pagpapala sa paglilingkod dito.”

● Ipinahihintulot ng construction service na makibahagi ang isa sa pagtatayo ng mga pasilidad ng sangay at mga Kingdom Hall. Ang mga construction servant, gaya ng tawag sa kanila, ay tumutulong sa gayong gawaing pagtatayo. Ito ay isang anyo ng sagradong paglilingkod, na katulad sa gawain ng mga nagtayo ng templo ni Solomon. (1 Hari 8:13-18) Ang mga kaayusan sa pangangalaga sa mga construction servant ay katulad ng sa pamilyang Bethel. Kay laking pribilehiyo nga ang taglay ng mga kapatid na ito sa paglilingkod sa larangang ito ng gawain ukol sa kapurihan ni Jehova!

Paglingkuran si Jehova Nang Buong Kaluluwa

Ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamainam na paraan ng paggamit sa iyong buhay. Bakit hindi isaalang-alang ang pagtatakda ng isang personal na tunguhin na paglingkuran ang Diyos nang buong panahon? Pag-usapan ang buong-panahong paglilingkod kasama ng iyong mga magulang, ng matatanda sa inyong kongregasyon, at ng inyong tagapangasiwa ng sirkito. Kung interesado kang maglingkod sa Bethel o mag-aral sa School for Kingdom Evangelizers, dumalo ka sa mga pulong para sa potensiyal na mga aplikante na idinaraos sa mga panrehiyong kombensiyon.

Sabihin pa, hindi lahat ay magiging kuwalipikado o makapaglilingkod nang buong panahon. Kung minsan ay nililimitahan ng mga problema sa kalusugan, mga kalagayan sa pinansiyal, at mga obligasyon sa pamilya ang magagawa ng isa. Gayunman, lahat ng nakaalay na mga Kristiyano ay dapat makinig sa utos ng Bibliya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Hinihiling ni Jehova na gawin mo ang pinakamabuting magagawa mo ayon sa ipinahihintulot ng iyong kalagayan. Kaya anuman ang iyong situwasyon, gawing pinakasentro ng iyong buhay ang paglilingkod kay Jehova. Magtakda ng makatotohanang mga teokratikong tunguhin. Oo, “alalahanin mo ang iyong Maylalang habang ikaw ay bata pa”—at pagpapalain ka nang walang hanggan sa paggawa nito!

Malibang iba ang ipinakikita, lahat ng pagsipi sa Bibliya ay mula sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.

4/14