Pumunta sa nilalaman

Sino Talaga ang Nagpupuno sa Sanlibutan?

Sino Talaga ang Nagpupuno sa Sanlibutan?

Sino Talaga ang Nagpupuno sa Sanlibutan?

Maraming tao ang sasagot sa katanungan sa itaas ng isang salita lamang​—ang Diyos. Subalit kapansin-pansin, wala saanman sa Bibliya ang nagsasabi na si Jesu-Kristo o ang kaniyang Ama ang tunay na mga pinuno ng sanlibutang ito. Sa kabaligtaran, sinabi ni Jesus: “Ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin.” At kaniyang isinusog: “Ang pinuno ng sanlibutang ito ay dumarating. At siya’y walang anuman sa akin.”​—Juan 12:​31; 14:​30; 16:11.

Kaya ang pinuno ng sanlibutang ito ay laban kay Jesus. Sino kaya ito?

Isang Pahiwatig Buhat sa mga Kalagayan ng Sanlibutan

Sa kabila ng pagsisikap ng mga taong may mabuting intensiyon, ang sanlibutan ay nagdusa nang labis sa buong kasaysayan. Ito’y nagpapangyari sa mga taong palaisip na magtaka, gaya ng sinabi ng yumaong manunulat sa editoryal na si David Lawrence: “ ‘Kapayapaan sa lupa’​—halos lahat ay nais iyan. ‘Kagandahang-loob sa lahat ng tao’​—halos lahat ng mga tao sa mundo ay nakadarama nito sa isa’t isa. Kung gayon ano ang nangyari? Bakit ang digmaan ay nagbabanta sa kabila ng likas na mga hangarin ng mga tao?”

Ito’y waring isang balintuna, hindi ba? Pagka ang likas na naisin ng mga tao ay mamuhay sa kapayapaan, karaniwan nang sila’y nagkakapootan at nagpapatayan sa isa’t isa​—at gayon na lamang ang kasamaan. Isaalang-alang ang walang-habag na pagmamalabis sa makahayop na kalupitan. Ginamit ng mga tao ang mga gas chamber, mga kampong piitan, mga flamethrower, mga napalm bomb, at iba pang kasuklam-suklam na mga pamamaraan upang walang-awang labis na pahirapan at paslangin ang isa’t isa.

Ikaw ba’y naniniwala na ang mga tao, na umaasam sa kapayapaan at kaligayahan, ay may kakayahan, sa ganang sarili nila, sa gayong labis na kabalakyutan laban sa iba? Anong mga puwersa ang nag-uudyok sa mga tao sa gayong karima-rimarim na mga gawa o nagmamaneobra sa kanila sa mga kalagayan kung saan kanilang nadarama ang sapilitang paggawa ng mga kalupitan? Napag-isip mo na ba kung baga may isang balakyot, di-nakikitang puwersa na umiimpluwensiya sa mga tao upang gumawa ng gayong mga gawa ng karahasan?

Ipinakilala ang mga Pinuno ng Sanlibutan

Hindi na dapat manghula pa, sapagkat maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na isang matalino, di-nakikitang persona ay sumusupil kapuwa sa mga tao at mga bansa. Ito’y nagsasabi: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot na isa.” At ipinakikilala siya ng Bibliya, na nagsasabi: “Ang tinatawag na Diyablo at Satanas . . . na dumaraya sa buong tinatahanang lupa.”​—1 Juan 5:​19; Apocalipsis 12:9.

Sa isang pagkakataon nang si Jesus ay “tinukso ng Diyablo,” hindi nag-alinlangan si Jesus sa bahaging ginagampanan ni Satanas bilang pinuno ng sanlibutang ito. Sinasabi ng Bibliya kung ano ang naganap: “Muling dinala siya ng Diyablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kaluwalhatian nila, at sinabi sa kaniya: ‘Lahat ng ito ay ibibigay ko sa iyo kung magpapatirapa ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.’ Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Lumayo ka, Satanas!’ ”​—Mateo 4:​1, 8-10.

Isip-isipin ito. Tinukso ni Satanas si Jesus sa pamamagitan ng pag-aalok sa kaniya ng “lahat ng kaharian ng sanlibutan.” Subalit, magiging tunay bang isang tukso ang alok ni Satanas kung hindi talagang si Satanas ang pinuno ng mga kahariang ito? Hindi, hindi nga. At pansinin, hindi ikinaila ni Jesus na ang lahat ng makasanlibutang mga pamahalaang ito ay kay Satanas, na sana’y kaniyang ginawa kung si Satanas ay walang kapangyarihan sa mga ito. Kaya nga, si Satanas na Diyablo ang talagang di-nakikitang pinuno ng sanlibutan! Sa katunayan, tinatawag siya ng Bibliya na “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) Subalit, papaano ang gayong balakyot na persona ay umabot sa makapangyarihang kalagayang ito?

Ang isa na naging Satanas ay dating isang anghel na nilikha ng Diyos, subalit siya ay nainggit sa katayuan ng Diyos. Kaniyang hinamon ang matuwid na pamamahala ng Diyos. Sa layuning ito kaniyang ginamit ang isang ahas bilang tagapagsalita upang dayain ang unang babae, si Eva, at sa gayo’y nakuha niya ang babae at ang kaniyang asawa, si Adan, upang gawin ang kaniyang utos sa halip na sumunod sa Diyos. (Genesis 3:​1-6; 2 Corinto 11:3) Kaniya ring inangkin na maaari niyang italikod ang lahat ng di pa naisisilang na mga supling nina Adan at Eva mula sa Diyos. Kaya nagpahintulot ang Diyos ng panahon upang pagsikapang patunayan ni Satanas ang kaniyang pag-aangkin, subalit hindi nagtagumpay si Satanas.​—Job 1:​6-12; 2:​1-10.

Kapansin-pansin, si Satanas ay hindi nag-iisa sa kaniyang pamamahala sa sanlibutan. Siya’y naging matagumpay sa panghihikayat sa ibang mga anghel upang sumama sa kaniyang paghihimagsik laban sa Diyos. Ang mga ito’y naging mga demonyo, ang kaniyang espiritung mga kasabwat. Binabanggit ng Bibliya ang mga ito nang himukin nito ang mga Kristiyano: “Tumayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo; sapagkat ang ating pakikipagbaka ay hindi laban sa dugo at laman, kundi . . . laban sa pansanlibutang mga tagapamahala ng kadilimang ito, laban sa mga hukbo ng balakyot na mga espiritu sa mga dakong kalangitan.”​—Efeso 6:​11, 12.

Labanan ang Masasamang Espiritu

Ang di-nakikita, balakyot na mga pinuno ng sanlibutang ito ay determinadong iligaw ang buong sangkatauhan, itinatalikod sila buhat sa pagsamba sa Diyos. Ang isang paraan na ginawa ito ng balakyot na mga espiritu ay sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa idea ng pananatiling buháy pagkamatay, bagaman maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang mga patay ay wala nang malay. (Genesis 2:​17; 3:​19; Ezekiel 18:​4; Awit 146:​3, 4; Eclesiastes 9:​5, 10) Sa gayon, ang isang balakyot na espiritu, tinutularan ang tinig ng taong namatay na, ay maaaring makipag-usap sa nabubuhay na mga kamag-anak o mga kaibigan niyaong namatay, alinman sa pamamagitan ng isang espiritistang midyum o ng isang “tinig” buhat sa di-nakikitang dako. Ang “tinig” ay nagkukunwaring ang namatay na tao, subalit iyon ay talagang isang demonyo!

Kaya kung sakaling makarinig ka ng isang “tinig,” huwag padaya. Tanggihan ang anumang sinasabi nito, at ulitin ang mga salita ni Jesus: “Lumayo ka, Satanas!” (Mateo 4:10; Santiago 4:7) Huwag hayaan na ang pagkamausisa tungkol sa espiritung dako ay magpangyari sa iyo na masangkot sa masasamang espiritu. Ang gayong pagkasangkot ay tinatawag na espiritismo, at ang Diyos ay nagbababala sa kaniyang mga mananamba laban sa lahat ng anyo nito. Hinahatulan ng Bibliya “ang sinuman na gumagamit ng huwad na panghuhula . . . o sinuman na sumasangguni sa isang espiritistang midyum o isang propesyonal na manghuhula ng mga mangyayari o sinuman na sumasangguni sa mga patay.”​—Deuteronomio 18:​10-12; Galacia 5:​19-21; Apocalipsis 21:8.

Yamang ang espiritismo ay nagdadala sa isang tao sa ilalim ng impluwensiya ng mga demonyo, iwasan ang lahat ng mga gawain nito gaano man kasaya, o nakatutuwa, sa wari ang mga ito. Ang mga gawaing ito ay naglalakip ng pagtitig sa bolang-kristal, paggamit ng mga Ouija board, ESP, pagsusuri sa mga guhit ng palad (palmistry), at astrolohiya. Ang mga demonyo ay lumilikha rin ng mga ingay at iba pang pisikal na mga pangyayari sa mga bahay na ginagawa nila na kanilang teritoryo.

Karagdagan pa, ang masasamang espiritu ay nagsasamantala sa makasalanang hilig ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng literatura, mga pelikula, at mga programa sa telebisyon na nagtatampok ng imoral at di-likas na seksuwal na paggawi. Batid ng mga demonyo na ang maling mga kaisipan ay lilikha ng di-napapawing impresyon kung hindi aalisin sa isipan at aakay sa mga tao na gumawi na may kahalayan​—tulad ng mga demonyo mismo.​—Genesis 6:​1, 2; 1 Tesalonica 4:​3-8; Judas 6.

Totoo, marami ang mangungutya sa idea na ang sanlibutang ito ay pinamamahalaan ng masasamang espiritu. Subalit ang kanilang di-paniniwala ay hindi kataka-taka, yamang sinasabi ng Bibliya: “Si Satanas ay nagkukunwaring anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14) Ang kaniyang pinakatusong pandaraya ay ang pagbulag sa marami sa katotohanan na siya at ang kaniyang mga demonyo ay totoong umiiral. Subalit huwag padaya! Ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay totoo, at kailangan mo silang patuluyang labanan.​—1 Pedro 5:​8, 9.

Nakatutuwa, ang panahon ay malapit na ngayon pagka si Satanas at ang kaniyang mga kampon ay mawawala na! “Ang sanlibutan [kasama na ang mga pinunong demonyo nito] ay lumilipas,” tinitiyak ng Bibliya, “datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Anong laking ginhawa na ang balakyot na impluwensiya ay mawawala na! Sa gayon, harinawang tayo ay makabilang sa mga gumagawa ng kalooban ng Diyos at magtamasa ng buhay na walang-hanggan sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos.​—Awit 37:​9-11, 29; 2 Pedro 3:​13; Apocalipsis 21:​3, 4.

Malibang ipahiwatig, lahat ng pagsipi sa Bibliya ay mula sa New World Translation of the Holy Scriptures.

[Larawan sa pahina 4]

Maiaalok kaya ni Satanas kay Jesus ang lahat ng mga pamahalaan sa sanlibutang ito kung hindi sa kaniya ang mga ito?