Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

Introduksiyon sa 1 Tesalonica

  • Manunulat: Pablo

  • Saan Isinulat: Corinto

  • Natapos Isulat: mga 50 C.E.

Mahahalagang Impormasyon:

  • Malamang na sa lahat ng liham na isinulat ni apostol Pablo, ang 1 Tesalonica ang unang naging bahagi ng kanon ng Bibliya, at posibleng ito o ang Ebanghelyo ni Mateo ang unang naisulat na aklat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.

  • Itinatag ni Pablo ang kongregasyong Kristiyano sa Tesalonica noong mga 50 C.E. sa ikalawang paglalakbay niya bilang misyonero. (Gaw 17:1-4) Sa simula pa lang, dumanas na ng pag-uusig ang bagong-tatag na kongregasyon. (1Te 1:6; 2:14; 3:3-5) Dahil sa gulo na pinasimulan ng mga mang-uumog, ipinadala kinagabihan ng mga kapatid si Pablo at ang kasama niyang si Silas sa Berea, maliwanag na para protektahan ang kongregasyon at ang dalawang lalaking ito. (Gaw 17:5-10) Pagkatapos, dalawang beses sinubukan ni Pablo na dumalaw sa mga taga-Tesalonica, pero sinabi niya: “Hinarangan kami ni Satanas.” (1Te 2:18) Kaya ipinadala niya si Timoteo para patibayin at palakasin ang mga Kristiyano sa Tesalonica. Dahil sa magandang ulat na dala ni Timoteo, napakilos si Pablo na sumulat sa mga taga-Tesalonica para komendahan sila at patibayin at bigyan din ng payo sa ilang bagay.—Gaw 18:1, 5; 1Te 3:1-3, 6; 4:1, 2.

  • Lumilitaw na gustong-gusto ng pinag-uusig na mga taga-Tesalonica ang mga paksa tungkol sa pagbabalik ni Kristo, panahon ng presensiya niya, at araw ni Jehova. Maraming beses binanggit ni Pablo ang mga ito sa dalawang liham niya sa kanila. Anim na beses niyang binanggit ang tungkol sa presensiya ni Kristo (1Te 2:19; 3:13; 4:15; 5:23; 2Te 2:1, 8), samantalang sa lahat ng iba pa niyang liham, isang beses niya lang ito binanggit (1Co 15:23). At sa mga liham sa mga taga-Tesalonica niya lang binanggit ang tungkol sa “araw ni Jehova.”—1Te 5:2; 2Te 2:2.

  • Idiniriin ni Pablo kung gaano kahalaga ang pananalangin. Lagi niyang isinasama, at ng mga kasamahan niya, ang mga taga-Tesalonica sa mga panalangin nila. (1Te 1:2; 2:13) Sinabi niya rin sa kanila: “Lagi kayong manalangin. Magpasalamat kayo para sa lahat ng bagay” (1Te 5:17, 18), at “Mga kapatid, patuloy ninyo kaming ipanalangin” (1Te 5:25).

  • Kinomendahan din ni Pablo ang mga taga-Tesalonica dahil sa kanilang pananampalataya, pag-ibig, at pag-asa. Pinayuhan niya sila na patuloy na pasulungin ang mga katangiang ito.—1Te 1:3, 8; 3:10, 12; 5:8.

  • Mababasa ang pamagat ng liham na ito sa maraming sinaunang koleksiyon ng Kasulatan, kasama na ang Muratorian Fragment. Sinipi ng ilang sinaunang manunulat ang 1 Tesalonica o ginamit ito bilang reperensiya, gaya ni Irenaeus (ikalawang siglo C.E.), na bumanggit sa pamagat ng liham na ito. Ang papirong codex na kilalá sa tawag na P46, na pinaniniwalaang mula pa noong 200 C.E., ay naglalaman ng ilang bahagi ng 1 Tesalonica. Isa pang papiro noong ikatlong siglo C.E. (P30) ang naglalaman din ng bahagi ng liham na ito.