Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Naranasan Namin ang Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos

Naranasan Namin ang Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos

NOONG kabataan pa ang tatay kong si Arthur, gusto niyang maging ministro ng Metodista. Pero nagbago iyan nang makapagbasa siya ng literatura ng mga Estudyante ng Bibliya at magsimulang makisama sa kanila. Nabautismuhan siya noong 1914 sa edad na 17. Kasagsagan noon ng Digmaang Pandaigdig I, at ipinatawag siya para maglingkod sa militar. Dahil ayaw niyang magsundalo, sinentensiyahan siyang mabilanggo nang 10 buwan sa Kingston Penitentiary sa Ontario, Canada. Paglaya niya, pumasok si Itay sa buong-panahong ministeryo bilang isang colporteur (payunir).

Noong 1926, napangasawa ni Itay ang nanay kong si Hazel Wilkinson, na ang nanay ay nakaalam ng katotohanan noong 1908. Isinilang ako noong Abril 24, 1931, pangalawa sa apat na magkakapatid. Napakahalaga sa pamilya namin ang pagsamba kay Jehova, at naipamana sa amin ni Itay ang pagmamahal niya sa Salita ng Diyos. Regular kaming nangangaral sa bahay-bahay bilang pamilya.—Gawa 20:20.

NANATILI AKONG NEUTRAL AT NAGPAYUNIR GAYA NI ITAY

Noong 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, at nang sumunod na taon, ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Canada. Ang mga bata sa mga pampublikong paaralan ay kailangang sumaludo sa bandila at umawit ng pambansang awit. Karaniwan na, ako at ang ate kong si Dorothy ay pinapayagang lumabas sa silid-aralan kapag panahon ng flag ceremony. Pero isang araw, ipinahiya ako ng aking guro at sinabing duwag ako. Noong uwian na, sinugod ako ng ilang kaklase ko at pinabagsak ako. Pero lalo lang akong naging determinado na “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29.

Noong Hulyo 1942, sa edad na 11, nabautismuhan ako sa isang tangke ng tubig sa isang bukid. Kapag panahon ng bakasyon sa paaralan, gustong-gusto kong mag-vacation pioneer (tinatawag ngayong auxiliary pioneer). May taon na sumama ako sa tatlong brother at nagpatotoo kami sa mga magtotrosong nakatira sa unassigned territory sa may hilagang Ontario.

Noong Mayo 1, 1949, nag-regular pioneer ako. May isinasagawang konstruksiyon sa sangay noon, at inanyayahan akong tumulong. Naging miyembro ako ng pamilyang Bethel sa Canada noong Disyembre 1. Naatasan akong magtrabaho sa printery at natuto akong mag-operate ng flatbed press. Ilang linggo rin akong nagtrabaho nang panggabi dahil iniimprenta noon ang isang tract tungkol sa pag-uusig na nararanasan ng mga lingkod ni Jehova sa Canada.

Nang maglaon, nalipat ako sa Service Department. Inatasan akong interbyuhin ang mga payunir na maglilingkod sa Quebec, na noon ay dumaranas ng matinding pag-uusig. Isa sa mga payunir ay si Mary Zazula na taga-Edmonton, Alberta. Ang mga magulang niya ay miyembro ng Simbahang Ortodokso. Nang siya at ang kuya niyang si Joe ay tumangging huminto sa pag-aaral ng Bibliya, pinalayas sila. Nabautismuhan silang dalawa noong Hunyo 1951, at pagkaraan ng anim na buwan, nagpayunir sila. Habang iniinterbyu ko si Mary, napahanga ako sa espirituwalidad niya. Sabi ko sa sarili ko, ‘Malibang may mangyaring di-maganda, mukhang ito na ang babaeng gusto kong mapangasawa.’ Ikinasal kami pagkaraan ng siyam na buwan—noong Enero 30, 1954. Isang linggo pa lang kaming kasal nang anyayahan kaming sanayin para sa gawaing pansirkito, at sa sumunod na dalawang taon, naglingkod kami sa isang sirkito sa hilagang Ontario.

Dahil sa pagsulong ng gawaing pangangaral sa buong daigdig, nagkaroon ng panawagan para sa higit pang misyonero. Akala namin, kung kaya naming tiisin ang matinding taglamig sa Canada at ang pesteng mga lamok kapag tag-araw, kakayanin din namin ang matitinding kalagayan kahit saan. Noong Hulyo 1956, nagtapos kami sa ika-27 klase ng Paaralang Gilead, at pagsapit ng Nobyembre, naroon na kami sa aming atas—ang Brazil.

PAGMIMISYONERO SA BRAZIL

Pagdating namin sa sangay sa Brazil, nag-aral kami ng wikang Portuges. Natuto kami ng mga simpleng paraan para makapagpasimula ng pag-uusap at kinabisado namin ang isang-minutong presentasyon ng magasin. Pagkatapos, sumama na kami sa paglilingkod sa larangan. Kung interesado ang may-bahay, magbabasa kami ng mga teksto tungkol sa buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Nang unang araw namin sa ministeryo, isang babae ang nakinig na mabuti, kaya binasa ko sa kaniya ang Apocalipsis 21:3, 4—pagkatapos, hinimatay ako! Hindi pa pala nakapag-adjust ang katawan ko sa mainit at maalinsangang klima, at patuloy itong naging pahirap sa akin.

Ang atas namin bilang misyonero ay ang lunsod ng Campos. Sa ngayon, 15 na ang kongregasyon dito, pero nang dumating kami, iisa lang ang isolated group at may missionary home na may apat na sister: sina Esther Tracy, Ramona Bauer, Luiza Schwarz, at Lorraine Brookes (ngayon ay Wallen). Sa missionary home, ang atas ko ay tumulong sa paglalaba at kumuha ng panggatong para sa pagluluto. Isang Lunes ng gabi pagkatapos ng aming Pag-aaral sa Bantayan, nagkaroon kami ng di-inaasahang bisita. Nakahiga si Mary noon sa sofa habang pinag-uusapan namin ang nangyari sa maghapon. Pag-angat niya ng ulo niya, may ahas na lumabas sa ilalim ng unan! Nagkagulo kami hanggang sa mapatay ko iyon!

Pagkatapos ng isang-taóng pag-aaral ng Portuges, inatasan akong maging tagapangasiwa ng sirkito. Simple lang ang buhay namin sa kanayunan—walang kuryente, natutulog sa banig, at naglalakbay sakay ng kabayo at karwahe. Minsan, nang mangaral kami sa isang unassigned territory, sumakay kami ng tren papunta sa isang bayan sa kabundukan at umupa ng kuwarto sa isang boarding house. Nagpadala ang tanggapang pansangay ng 800 magasin para sa ministeryo. Ilang beses kaming nagpabalik-balik sa post office para kunin ang mga kahon ng magasin at dalhin sa aming tuluyan.

Noong 1962, idinaos sa Brazil ang Kingdom Ministry School para sa mga brother, at sa mga sister na misyonera. Sa loob ng anim na buwan, mag-isa akong naglakbay para magturo sa iba’t ibang lugar, gaya ng Manaus, Belém, Fortaleza, Recife, at Salvador. Nag-organisa rin ako ng isang pandistritong kombensiyon sa sikát na opera house sa Manaus. Dahil sa malakas na pag-ulan, narumhan ang suplay namin ng tubig na maiinom, at wala kaming magamit na disenteng lugar para sa cafeteria ng kombensiyon. (Nang mga panahong iyon, may cafeteria pa na nagluluto ng pagkain para sa kombensiyon.) Kinontak ko ang militar, at isinaayos ng isang mabait na opisyal na magkaroon kami ng suplay ng tubig na maiinom para sa kombensiyon. Nagpadala rin siya ng mga sundalo, na nagtayo ng dalawang malalaking tent na magsisilbing kusina at cafeteria.

Noong wala ako, nagpatotoo si Mary sa lugar ng negosyo ng mga Portuges. Wala siyang nakausap dahil interesado lang sila sa mapagkakakitaan. Nasabi ni Mary sa ilang Bethelite, “Ayoko ngang tumira sa Portugal.” Pero laking gulat namin dahil di-nagtagal, nakatanggap kami ng liham na nag-aanyaya sa amin na maglingkod sa Portugal. Nang panahong iyon, ipinagbabawal ang gawaing pangangaral doon, pero tinanggap namin ang atas kahit nabigla si Mary noong una.

ANG AMING ATAS SA PORTUGAL

Dumating kami sa Lisbon, Portugal, noong Agosto 1964. Matindi ang pag-uusig ng Portuguese secret police (PIDE) sa mga kapatid. Kaya naman ipinasiya naming huwag nang magpasundo at huwag munang kontakin ang mga Saksi doon. Tumira kami sa isang boarding house habang hinihintay na maaprobahan ang papeles namin. Pagkatanggap ng aming visa, umupa kami ng isang apartment. Sa wakas, noong Enero 1965, kinontak na namin ang tanggapang pansangay. Napakasaya namin dahil nakadalo na kami ng pulong makalipas ang limang buwan!

Nalaman namin na araw-araw na nire-raid ng mga pulis ang bahay ng mga kapatid. Dahil ipinasasara ang mga Kingdom Hall, nagpupulong sila sa mga pribadong tahanan. Daan-daang Saksi ang dinadala sa istasyon ng pulis para pagtatanungin. Minamaltrato lalo na ang mga brother para isiwalat nila ang pangalan ng mga nangangasiwa sa mga pulong. Kaya naman, iniwasan na ng mga brother ang paggamit ng mga apelyido at nagtawagan na lang sila sa pangalan, gaya ng José o Paulo. Ganoon din ang ginawa namin.

Pero pinakamahalaga ang paglalaan ng espirituwal na pagkain sa mga kapatid. Itina-type ni Mary sa stencil ang mga araling artikulo ng Bantayan at iba pang literatura para makagawa ng mga kopya sa pamamagitan ng mimeograph.

PAGTATANGGOL NG MABUTING BALITA SA KORTE

Noong Hunyo 1966, dininig sa Lisbon ang isang mahalagang kaso sa korte. Inakusahan ang 49 na miyembro ng Feijó Congregation ng pagdalo sa isang ilegal na pagpupulong sa isang pribadong tahanan. Bilang paghahanda sa paglilitis, kunwari ako ang abogadong tagausig at pinagtatanong ko sila. Alam naming matatalo kami, pero alam din namin na makapagbibigay ito ng malaking patotoo. Sa katunayan, tinapos ng aming abogado ang kaniyang depensa sa pamamagitan ng buong-tapang na pagsipi sa sinabi ni Gamaliel noong unang siglo. (Gawa 5:33-39) Ibinalita ng media ang kasong ito, at ang 49 na kapatid ay tumanggap ng sentensiyang pagkabilanggo na mula 45 araw hanggang sa lima at kalahating buwan. Natuwa kami dahil ang abogado namin ay nakipag-aral ng Bibliya at dumadalo na sa pagpupulong bago siya namatay.

Noong Disyembre 1966, inatasan ako bilang tagapangasiwa ng sangay at naging abala ako sa legal na mga usapin. Ginawa namin ang lahat para maitatag ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na magkaroon ng kalayaan sa pagsamba. (Fil. 1:7) Sa wakas, natanggap namin ang legal na pagkilala ng pamahalaan noong Disyembre 18, 1974. Dumalaw sa Portugal sina Brother Nathan Knorr at Frederick Franz, mula sa pandaigdig na punong-tanggapan, para makigalak sa amin sa isang makasaysayang pagtitipon sa Oporto at Lisbon, na dinaluhan ng kabuoang bilang na 46,870.

Binuksan din ni Jehova ang gawain sa ilang isla na gumagamit ng Portuges, gaya ng Azores, Cape Verde, Madeira, at São Tomé and Príncipe. Noong 1988, natugunan ang pangangailangan namin para sa mas malalaking pasilidad ng sangay. Nang taóng iyon, Abril 23, pinangasiwaan ni Brother Milton Henschel ang pag-aalay ng bagong mga pasilidad. Dinaluhan ito ng 45,522, kasama na ang 20 brother at sister na nakapaglingkod bilang misyonero sa Portugal at bumalik para dumalo sa makasaysayang pangyayaring ito.

NATUTO KAMI SA TAPAT NA MGA HALIMBAWA

Napakarami naming natutuhan dahil sa pakikipagsamahan sa tapat na mga kapatid. May napulot akong mahalagang aral nang sumama ako kay Brother Theodore Jaracz sa isang zone visit. May mabigat na problema noon ang sangay na dinadalaw namin, at nagawa na ng mga miyembro ng Komite ng Sangay ang buong makakaya nila. Para mapanatag sila, sinabi ni Brother Jaracz: “Panahon na para ipaubaya natin ito sa banal na espiritu.” Hindi ko rin malilimutan ang sinabi ni Brother Franz nang bumisita kami ni Mary sa Brooklyn mga ilang dekada na ang nakararaan. Nang tanungin siya kung ano ang masasabi niya sa maraming-taóng paglilingkod niya kay Jehova, sinabi ni Brother Franz: “Ito ang rekomendasyon ko: Manatili sa nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova kahit anong mangyari. Ito lang ang gumagawa ng gawaing iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad—ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos!”

Naging maligaya kaming mag-asawa sa paggawa niyan. Hindi namin malilimutan ang mga alaala ng zone visit namin sa iba’t ibang sangay. Dahil sa mga pagdalaw na ito, napahalagahan namin ang tapat na paglilingkod ng mga kapatid, anuman ang kanilang edad. Pinasigla namin silang ipagpatuloy ang kanilang espesyal na pribilehiyong maglingkod kay Jehova.

Ang bilis ng panahon! Mahigit 80 anyos na kami ni Mary. Marami na siyang iniinda. (2 Cor. 12:9) Pero dinalisay ng mga pagsubok ang aming pananampalataya at pinatibay ng mga ito ang aming determinasyong manatiling tapat kay Jehova. Kapag nagbabalik-tanaw kami sa buhay namin, masasabi naming naranasan namin ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa napakaraming paraan. *

^ par. 29 Habang inihahanda ang artikulong ito para ilathala, si Douglas Guest ay namatay nang tapat kay Jehova noong Oktubre 25, 2015.