Pumunta sa nilalaman

Mga Tagubilin Para sa Pulong na Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano

Mga Tagubilin Para sa Pulong na Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano

Talaan ng mga Nilalaman

1. Ang mga tagubilin sa dokumentong ito ay makakatulong sa lahat ng may bahagi sa pulong na Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano. Dapat nilang repasuhin ang mga tagubilin para sa bahagi nila na nasa Workbook sa Buhay at Ministeryo at ang mga tagubilin dito bago ihanda ang bahagi nila. Dapat anyayahan ang lahat ng mamamahayag na gumanap ng bahagi na para sa mga estudyante. Ang iba na aktibong nakikisama sa kongregasyon ay puwedeng makibahagi kung sumasang-ayon sila sa mga turo ng Bibliya at namumuhay kasuwato ng mga Kristiyanong prinsipyo. Dapat ipakipag-usap ng tagapangasiwa ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo ang mga kahilingan para sa mga gusto nang magpa-enroll pero hindi pa mamamahayag. Pagkatapos, sabihin sa kaniya kung kuwalipikado na siya. Dapat itong gawin kasama ang nagba-Bible study sa kaniya (o ang magulang niyang Saksi). Pareho ang kahilingan para maging estudyante at para maging di-bautisadong mamamahayag.—od kab. 8 par. 8.

 PAMBUNGAD NA KOMENTO

2. Isang minuto. Bawat linggo, pagkatapos ng pambukas na awit at panalangin, pananabikin ng chairman ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo ang mga tagapakinig para sumubaybay sa programa. Magpopokus ang chairman sa mga punto na kailangang-kailangan ng kongregasyon.

  KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS

 3Pahayag: Sampung minuto. Ang tema at outline ng dalawa o tatlong pangunahing punto ay makikita sa Workbook sa Buhay at Ministeryo. Iaatas ang pahayag na ito sa isang elder o kuwalipikadong ministeryal na lingkod. Kapag isang bagong aklat sa Bibliya ang sisimulan sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya, isang video ang ipapapanood bilang introduksiyon. Puwedeng ipakita ng tagapagsalita ang kaugnayan ng video sa tema. Pero dapat niyang talakayin ang mga puntong nasa workbook. Kung may oras pa, dapat din niyang gamitin ang artwork, na dinisenyo para maitampok ang materyal na sasaklawin. Puwede siyang gumamit ng iba pang reperensiya kung mas maididiin nito ang mga punto sa outline.

 4Espirituwal na Hiyas: Sampung minuto. Ito ay tanong-sagot na bahagi na walang introduksiyon o konklusyon. Gagampanan ito ng isang elder o kuwalipikadong ministeryal na lingkod. Dapat niyang itanong sa mga tagapakinig ang dalawang tanong. Puwede rin niyang pagpasiyahan kung babasahin o hindi ang mga binanggit na teksto. Ang mga matatawag ay dapat magkomento sa loob ng 30 segundo o mas maikli pa.

 5Pagbabasa ng Bibliya: Apat na minuto. Ang atas na ito ay dapat gampanan ng isang lalaking estudyante. Dapat basahin ng estudyante ang nakaatas na materyal nang walang introduksiyon o konklusyon. Interesado ang chairman ng pulong na tulungan ang mga estudyante na magbasa nang tumpak, natural, matatas, madaling maintindihan, may wastong pagdiriin ng mga salita, pagbabago-bago ng boses, at angkop na sandaling paghinto. Dahil iba-iba ang haba ng babasahing teksto, dapat isaalang-alang ng tagapangasiwa ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo ang kakayahan ng estudyanteng bibigyan niya ng bahagi.

 MAGING MAHUSAY SA MINISTERYO

6. Labinlimang minuto. Ang seksiyong ito ng pulong ay dinisenyo para ang lahat ay mabigyan ng pagkakataong magsanay para sa ministeryo at mapasulong ang kanilang kakayahang makipag-usap, mangaral, at magturo. Depende sa pangangailangan, ang mga elder ay puwedeng bigyan ng mga atas na para sa estudyante. Makikita sa bawat atas na nasa Workbook sa Buhay at Ministeryo ang aralin na nasa mga parenthesis. Dapat maipakita ng bawat estudyante ang punto sa araling ito na kinuha sa brosyur na Pagtuturo o Mahalin ang mga Tao. Kung minsan, may nakaiskedyul na pagtalakay. Iaatas ito sa isang elder o kuwalipikadong ministeryal na lingkod.—Tingnan ang  parapo 15 para sa tagubilin sa pagtalakay sa bahaging ito.

 7Pagpapasimula ng Pakikipag-usap: Ang atas na ito ay puwedeng gampanan ng isang estudyanteng lalaki o babae. Ang assistant ay dapat na kapareho niya ng kasarian o kapamilya niya. Ang estudyante at assistant ay puwedeng nakaupo o nakatayo.—Para sa higit pang impormasyon tungkol sa detalye at setting ng atas na ito, tingnan ang  parapo 12 at  13.

 8Pagdalaw-Muli: Ang atas na ito ay puwedeng gampanan ng isang estudyanteng lalaki o babae. Ang assistant ay dapat na kapareho niya ng kasarian. (km 5/97 p. 2) Ang estudyante at assistant ay puwedeng nakaupo o nakatayo. Ipapakita ng estudyante kung ano ang sasabihin kapag dumadalaw-muli sa taong nagpakita ng interes sa unang pag-uusap.—Para sa higit pang impormasyon tungkol sa detalye at setting ng atas na ito, tingnan ang  parapo 12 at  13.

 9Paggawa ng mga Alagad: Ang atas na ito ay puwedeng gampanan ng isang estudyanteng lalaki o babae. Ang assistant ay dapat na kapareho niya ng kasarian. (km 5/97 p. 2) Ang estudyante at assistant ay puwedeng nakaupo o nakatayo. Ipapakita sa atas na ito ang isang bahagi ng pag-aaral sa Bibliya na kasalukuyan nang idinaraos. Hindi kailangan ng introduksiyon o konklusyon maliban kung ito ang araling kailangang pasulungin ng estudyante. Hindi kailangang basahin nang malakas ang lahat ng nakaatas na materyal, bagaman puwede itong gawin.

 10Ipaliwanag ang Paniniwala Mo: Kapag ang bahaging ito ay isang pahayag, dapat itong iatas sa isang estudyanteng lalaki. Kapag pagtatanghal naman, puwede itong iatas sa isang estudyanteng lalaki o babae. Ang assistant ay dapat na kapareho niya ng kasarian o kapamilya niya. Dapat malinaw at mataktikang maipaliwanag ng estudyante ang sagot sa temang tanong gamit ang reperensiyang inilaan. Nasa estudyante na kung babanggitin niya o hindi sa bahagi niya ang reperensiya.

 11Pahayag: Ang atas na ito ay gagampanan ng isang estudyanteng lalaki at ibibigay bilang isang pahayag sa kongregasyon. Kapag ang pahayag ay base sa apendise A ng brosyur na Mahalin ang mga Tao, dapat ipakita ng estudyante kung paano magagamit sa ministeryo ang (mga) teksto. Halimbawa, puwede niyang ipaliwanag kung kailan puwedeng gamitin ang teksto, kung ano ang ibig sabihin nito, at kung paano ito ipapaliwanag sa kausap niya. Kapag ang pahayag ay base sa isang punto sa isang aralin sa brosyur na Mahalin ang mga Tao, dapat ipakita ng estudyante kung paano ikakapit iyon sa ministeryo. Puwede niyang talakayin ang halimbawa sa number 1 ng aralin o ang mga karagdagang teksto, kung kailangan.

   12Detalye: Ang impormasyon sa parapong ito at sa kasunod na parapo ay para sa mga atas sa “Pagpapasimula ng Pakikipag-usap” at “Pagdalaw-Muli.” Malibang may ibang tagubilin, ang estudyante ay dapat mag-share ng isang simpleng katotohanan sa Bibliya na babagay sa kausap niya, at maglalatag siya ng pundasyon para sa susunod na pag-uusap. Dapat pumili ang estudyante ng paksang napapanahon at epektibo sa teritoryo. Siya ang magpapasiya kung mag-aalok siya ng publikasyon at kung magpapapanood ng video mula sa Toolbox sa Pagtuturo, o kung hindi niya iyon gagawin. Imbes na magtanghal ng memoryadong presentasyon, dapat sikapin ng estudyante na mapasulong ang kakayahan niya sa pakikipag-usap, gaya ng pagpapakita ng personal na interes at pagiging natural.

   13Setting: Dapat ibagay ng estudyante ang setting niya sa kalagayan ng teritoryo nila. Halimbawa:

  1.  (1) Bahay-bahay: Kasama sa setting na ito ang pangangaral sa bawat tahanan—puwedeng aktuwal na pagdalaw, pagtawag sa telepono, o pagliham—at pagdalaw-muli sa taong natagpuan sa pagbabahay-bahay.

  2.  (2) Di-pormal na Pagpapatotoo: Sa setting na ito, sisikapin ng estudyante na makapagpatotoo sa isang ordinaryong pakikipag-usap. Puwede siyang mag-share ng isang punto sa Bibliya sa makakausap niya sa trabaho, sa eskuwelahan, sa kapitbahay, sa pampublikong transportasyon, o sa iba pang lugar habang ginagawa ang pang-araw-araw na gawain.

  3.  (3) Pampublikong Pagpapatotoo: Kasama sa setting na ito ang cart witnessing, street witnessing, pakikipag-usap sa mga tao sa lugar ng negosyo, sa park, sa paradahan ng sasakyan, o sa iba pang mataong lugar.

 14Paggamit ng Video at Literatura: Depende sa sitwasyon, puwedeng ipasiya ng estudyante na gumamit ng video o literatura. Kung may kasamang video ang atas ng estudyante o ipinasiya niyang gumamit nito, dapat niya itong ipakita at talakayin pero huwag i-play.

  PAMUMUHAY BILANG KRISTIYANO

15. Pagkatapos ng isang awit, ang susunod na 15 minuto ng seksiyong ito ay may isa o dalawang bahagi na dinisenyo para tulungan ang mga tagapakinig na isabuhay ang Salita ng Diyos. Malibang may ibang tagubilin, ang mga bahaging ito ay puwedeng iatas sa mga elder o kuwalipikadong ministeryal na lingkod, pero ang lokal na pangangailangan ay dapat gampanan ng isang elder. Kapag ang bahagi ay isang pagtalakay, puwedeng gumamit ang may bahagi ng ibang tanong bukod pa sa inilaang mga tanong. Dapat na maiksi lang ang introduksiyon niya para may sapat na oras para matalakay ang mga pangunahing punto at makabahagi ang mga tagapakinig. Kung may interbyu, mas maganda kung nasa stage ang iinterbyuhin imbes na nasa upuan niya, kung posible.

  16Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya: Tatlumpung minuto. Dapat itong iatas sa isang kuwalipikadong elder. (Kapag limitado ang bilang ng elder, puwede itong iatas sa kuwalipikadong mga ministeryal na lingkod.) Ang lupon ng matatanda ang pipili kung sino ang kuwalipikadong mangasiwa ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya. Ang mga naaprobahan ay dapat na may kakayahang mangasiwa sa pag-aaral para matapos ito sa tamang oras, maidiin ang mga pangunahing teksto, at matulungan ang lahat na makita kung paano magagamit sa buhay ang mga puntong tinalakay. Makakatulong sa kanila ang pagrerepaso sa mga inilathalang tagubilin sa mga bahaging may tanong at sagot. (w23.04 p. 24, kahon) Kapag natalakay nang mabuti ang materyal, hindi na kailangang pahabain pa ang pag-aaral. Kung posible, gumamit ng iba’t ibang konduktor at tagabasa bawat linggo. Kapag sinabihan ng chairman ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo ang konduktor na paikliin ang pag-aaral, kailangang magpasiya ang konduktor kung paano niya ito gagawin. Puwede na niyang hindi ipabasa ang ilang parapo.

  PANGWAKAS NA KOMENTO

17. Tatlong minuto. Rerepasuhin ng chairman ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo ang kapaki-pakinabang na mga punto mula sa pulong. Babanggitin din niya ang materyal na tatalakayin sa susunod na linggo. Kung may oras pa, maaari niyang banggitin kung sinong mga estudyante ang may bahagi sa susunod na linggo. Malibang may ibang tagubilin, dapat isama ng chairman sa kaniyang pangwakas na komento ang mga patalastas at liham na kailangang basahin sa kongregasyon. Ang mga patalastas, gaya ng mga kaayusan sa paglabas sa larangan at paglilinis, ay hindi dapat banggitin sa plataporma kundi dapat ipaskil sa information board. Kung hindi sapat ang panahon sa pangwakas na komento para magbasa ng mga patalastas o liham, dapat hilingan ng chairman ang mga brother na may bahagi sa seksiyong Pamumuhay Bilang Kristiyano na paikliin ang kanilang bahagi ayon sa pangangailangan. (Tingnan ang  parapo 16 at  19.) Magtatapos ang pulong sa awit at panalangin.

  KOMENDASYON AT PAGPAPAYO

18. Pagkatapos ng bawat atas ng estudyante, ang chairman ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo ay may humigit-kumulang isang minuto para magbigay ng komendasyon at payo batay sa iniatas na aralin. Kapag ipinapakilala ng chairman ang estudyanteng gaganap ng bahagi, hindi niya babanggitin ang aralin. Pero pagkatapos ng bahagi ng estudyante at mabigyan siya ng ilang angkop na komendasyon, puwedeng banggitin ng chairman ang aralin at sabihin kung bakit mahusay na nagawa iyon ng estudyante o may-kabaitang ipaliwanag kung bakit kailangan pa niyang pasulungin ang araling iyon at kung paano niya iyon gagawin. Puwede ring magkomento ang chairman sa iba pang aspekto ng pagtatanghal kung sa palagay niya ay makakatulong ito sa estudyante o sa mga tagapakinig. Puwede rin siyang magbigay ng karagdagang payo sa estudyante mula sa mga brosyur na Mahalin ang mga Tao at Pagtuturo, o sa aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo pagkatapos ng pulong o sa ibang pagkakataon, iyon man ay sa iniatas na aralin o sa iba pang aralin.​—Tingnan ang  parapo 19,  24, at  25 para sa karagdagang impormasyon tungkol sa papel ng chairman ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo at sa papel ng katulong na tagapayo.

     ORAS

19Hindi dapat lumampas sa oras ang alinmang bahagi, pati na ang mga komento ng chairman ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo. Kahit may nakatakdang oras sa bawat bahagi, hindi na kailangang ubusin ang oras kung natalakay nang mabuti ang materyal sa mas maikling panahon. Kung lumampas sa oras ang ilang may bahagi sa pulong, dapat silang payuhan nang pribado ng chairman ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo o ng katulong na tagapayo. (Tingnan ang  parapo 24 at  25.) Ang haba ng buong pulong, kasama ang mga awit at panalangin, ay 1 oras at 45 minuto.

 DALAW NG TAGAPANGASIWA NG SIRKITO

20. Kapag dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito sa kongregasyon, ang programa sa Workbook sa Buhay at Ministeryo ay dapat sundin maliban sa mga sumusunod: Ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya sa seksiyong Pamumuhay Bilang Kristiyano ay papalitan ng 30-minutong pahayag sa paglilingkod ng tagapangasiwa ng sirkito. Bago ang pahayag sa paglilingkod, rerepasuhin ng chairman ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo ang katatapos na programa, babanggitin ang mga aabangan sa susunod na linggo, sasabihin ang kinakailangang mga patalastas, babasahin ang anumang kinakailangang liham, at saka tatawagin ang tagapangasiwa ng sirkito. Pagkatapos ng pahayag sa paglilingkod, tatapusin ng tagapangasiwa ng sirkito ang pulong sa isang awit na pinili niya. Puwede niyang hilingan ang ibang brother na magbigay ng pansarang panalangin. Walang idaraos na karagdagang mga klase sa wika ng kongregasyon kapag dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito. Puwedeng magdaos ng sariling pulong ang isang grupo kahit dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito sa host congregation. Pero dapat na muling sumama ang grupo sa host congregation para sa pahayag sa paglilingkod ng tagapangasiwa ng sirkito.

 LINGGO NG ASAMBLEA O KOMBENSIYON

21. Walang pulong ang kongregasyon kapag linggo ng asamblea o kombensiyon. Dapat ipaalala sa kongregasyon na ang mga nakaiskedyul na materyal para sa pulong sa linggong iyon ay dapat pag-aralan nang personal o bilang pamilya.

 LINGGO NG MEMORYAL

22. Kapag ang Memoryal ay tumapat sa simpleng araw, Lunes hanggang Biyernes, walang Pulong Para sa Buhay at Ministeryo.

 TAGAPANGASIWA NG PULONG PARA SA BUHAY AT MINISTERYO

23. Pipili ang lupon ng matatanda ng isang elder na magsisilbing tagapangasiwa ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo. Pananagutan niyang tiyakin na ang pulong na ito ay organisado at naidaraos nang ayon sa mga tagubilin. Dapat na mahusay ang komunikasyon sa pagitan niya at ng katulong na tagapayo. Kapag available na ang Workbook sa Buhay at Ministeryo, iaatas ng tagapangasiwa ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo ang lahat ng bahagi para sa dalawang buwan. Kasama diyan ang mga bahaging hindi para sa estudyante at ang magiging chairman ng pulong sa bawat linggo na mula sa mga inaprobahan ng lupon ng matatanda, pati na ang mga bahagi ng mga estudyante. (Tingnan ang  parapo 3-16 at  24.) Kapag nagbibigay ng atas sa mga estudyante, dapat isaalang-alang ang kanilang edad, karanasan, at kalayaan sa pagsasalita sa paksang tatalakayin. Dapat na ganiyan din ang gawin niya sa pag-aatas ng iba pang bahagi ng pulong. Ang mga atas ay dapat ibigay tatlong linggo o higit pa bago ang petsa ng pagganap sa atas. Dapat bigyan ng Our Christian Life and Ministry Meeting Assignment (S-89) form ang mga estudyante na may bahagi. Dapat tiyakin ng tagapangasiwa ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo na nakapaskil ang kopya ng iskedyul para sa buong pulong sa information board. Puwedeng mag-atas ang lupon ng matatanda ng isa pang elder o ministeryal na lingkod na tutulong sa kaniya. Pero mga elder lang ang dapat mag-atas ng mga bahaging hindi para sa estudyante.

    CHAIRMAN NG PULONG PARA SA BUHAY AT MINISTERYO

24. Bawat linggo, isang elder ang magsisilbing chairman ng buong Pulong Para sa Buhay at Ministeryo. (Kapag limitado ang bilang ng elder, puwede itong iatas sa kuwalipikadong mga ministeryal na lingkod.) Pananagutan niyang ihanda ang pambungad at pangwakas na mga komento. Ipapakilala rin niya ang lahat ng may bahagi at, depende sa dami ng elder, puwede rin siyang gumanap ng iba pang bahagi sa pulong, lalo na kung magpapapanood lang ng video nang walang kasamang talakayan. Ang mga komento niya sa pagitan ng mga bahagi ay dapat na napakaikli. Ang lupon ng matatanda ang magpapasiya kung sino-sino sa mga elder ang kuwalipikadong gumanap sa papel na ito. Ang kuwalipikadong mga elder ay aatasang maging chairman sa pana-panahon. Depende sa lokal na kalagayan, ang tagapangasiwa ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo ay puwedeng maging chairman nang mas madalas kaysa sa ibang kuwalipikadong mga elder. Kung ang isang elder ay kuwalipikadong mangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya, malamang na kuwalipikado rin siyang maging chairman ng pulong. Pero pakisuyong tandaan na ang elder na gaganap bilang chairman ay kailangang magbigay ng maibigin at kapaki-pakinabang na komendasyon sa mga estudyante, at ng payo kung kailangan. Pananagutan din ng chairman na tiyaking matatapos ang pulong sa takdang oras. (Tingnan ang  parapo 17 at  19.) Kung gusto ng chairman at kasya naman sa stage, puwedeng maglagay ng isang nakatayong mikropono doon para maipakilala niya ang gaganap sa susunod na bahagi habang pumupuwesto ito sa lectern. Puwede ring maupo ang chairman sa harap ng isang mesa sa stage habang ginaganap ng mga estudyante ang bahagi nila sa Pagbabasa ng Bibliya at sa seksiyong Maging Mahusay sa Ministeryo. Makakatipid ito ng oras.

   KATULONG NA TAGAPAYO

25. Hangga’t maaari, isang elder na makaranasang tagapagsalita ang gaganap sa papel na ito. Pananagutan ng katulong na tagapayo na magbigay ng pribadong payo, kung kailangan, sa mga elder at ministeryal na lingkod na gumanap ng anumang bahagi, kasama na rito ang mga bahagi sa Pulong Para sa Buhay at Ministeryo, pahayag pangmadla, at pangangasiwa o pagbabasa sa Pag-aaral sa Bantayan o Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya. (Tingnan ang  parapo 19.) Kung maraming elder sa kongregasyon ang mahusay na tagapagsalita at guro, puwede silang magsalitan bawat taon sa pagiging katulong na tagapayo. Hindi kailangang magbigay ng payo ang katulong na tagapayo pagkatapos ng bawat bahagi.

 KARAGDAGANG MGA KLASE

26. Depende sa dami ng estudyante, puwedeng magkaroon ng karagdagang mga klase para sa mga bahagi ng estudyante. Dapat na may kuwalipikadong tagapayo na mangangasiwa sa bawat karagdagang klase, hangga’t maaari ay elder. Kung kailangan, puwedeng iatas ito sa isang mahusay at kuwalipikadong ministeryal na lingkod. Ang lupon ng matatanda ang magpapasiya kung sino ang gaganap sa tungkuling ito at kung magpapalitan ang mga kuwalipikadong tagapayo sa pagganap sa atas na ito. Dapat sundin ng tagapayo ang mga tagubilin sa  parapo 18. Kung may karagdagang klase, hihilingan ang mga estudyante na pumunta sa hiwalay na silid-aralan pagkatapos ng bahaging Espirituwal na Hiyas sa seksiyong Kayamanan Mula sa Salita ng Diyos. Babalik sila pagkatapos ng bahagi ng huling estudyante.

 MGA VIDEO

27. Piling mga video ang gagamitin sa pulong na ito. Ang mga video para sa midweek meeting ay magiging available sa JW Library® app at puwedeng ma-access gamit ang iba’t ibang gadyet.

© 2023 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

S-38-TG 11/23