Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Susi sa Maligayang Pamilya

Kung Paano Haharapin ang Pagkakautang

Kung Paano Haharapin ang Pagkakautang

Giannis: a “Bumagsak ang negosyo ko noong magkakrisis sa pananalapi sa Gresya, kaya hindi na namin mabayaran ang hulog sa bahay at utang sa credit card. Hindi ako makatulog sa kaiisip.”

Katerina: “Pag-ibig ang pinakapundasyon ng aming bahay, kaya hindi ko matanggap na mawawala ito sa amin. Madalas naming pag-awayan ni Giannis kung paano namin haharapin ang aming pagkakautang.”

ANG utang ay nagdudulot ng tensiyon sa pamilya o sumisira pa nga rito. Halimbawa, napansin ng mananaliksik na si Jeffrey Dew na ang mga mag-asawang may utang ay halos wala nang panahon sa isa’t isa, madalas mag-away, at di-gaanong maligaya. Kapag pera at utang na ang pinag-uusapan, karaniwan nang nauuwi ito sa mas mahabang pagtatalo, sigawan at sakitan, at pag-ungkat sa iba pang mga isyu. Hindi nga kataka-taka na ang pangunahing dahilan ng diborsiyo sa Estados Unidos ay ang pag-aaway tungkol sa pera.

Ang pagkalubog sa utang ay nagiging dahilan din ng insomniya, sakit ng ulo, sakit ng tiyan, atake sa puso, at depresyon. Sinabi ni Marta: “Sobrang nadepres ang asawa kong si Luís dahil sa aming mga utang kaya halos maghapon na lang siyang tulog nang tulog. Nawalan na ng pag-asa ang lalaking dati kong sandigan.” May ilan na hindi nakakayanan ang stress. Halimbawa, inireport ng BBC News na isang misis sa timog-silangang India ang nagpakamatay nang hindi na siya makahulog sa kaniyang utang na $840 (U.S.). Inutang niya ang perang iyon para ipagamot ang kaniyang mga anak.

Paano kung ang inyong pamilya ay nai-stress din dahil sa utang? Talakayin natin ang ilang karaniwang hamon na kinakaharap ng mga mag-asawang may utang at ang mga simulain sa Bibliya na makatutulong para maharap ang mga iyon.

HAMON 1: Nagsisisihan kami.

“Sinasabi ko sa aking asawa na gastadora siya,” ang sabi ni Lukasz, “pero sinasabi naman niya sa akin na hindi sana kami magigipit sa pera kung may permanente akong trabaho.” Paano kaya maiiwasan ng mag-asawa na mapalayo ang loob nila sa isa’t isa dahil sa utang?

Isang susi sa tagumpay: Magtulungan.

Walang maitutulong ang pagbubunton ng galit sa iyong asawa​—kahit wala kang kinalaman sa inyong pagkakautang. Ngayon ninyo mas kailangang ikapit ang Efeso 4:31: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.”

Magtulungan kayo at huwag mag-away. Sinabi ni Stephanos kung paano sila nagtulungang mag-asawa: “Itinuring namin na ang aming kaaway ay ang aming utang.” Ang pagtutulungang iyan ay kaayon ng Kawikaan 13:10: “Sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.” Sa halip na solohin ang paglutas ng problema sa utang, pag-usapan ito nang tapatan at saka magtulungan.

Puwede ring makipagtulungan ang inyong mga anak. Ikinuwento ni Edgardo na taga-Argentina: “Gusto ng anak namin ng bagong bisikleta, pero ipinaliwanag namin sa kaniya kung bakit hindi namin siya maibibili nito. Kaya ang bisikleta na lang ng lolo niya ang ibinigay namin, at tuwang-tuwa naman siya rito. Nakita ko ang kahalagahan ng pagtutulungan bilang isang pamilya.”

SUBUKAN ITO: Pag-usapan nang tapatan at mahinahon ang tungkol sa inyong utang. Aminin ang mga pagkakamali na maaaring nagawa ninyo. Gayunman, sa halip na balik-balikan ang nakaraan, pag-usapan na lang kung anong mga simulain ang inaakala ninyong makatutulong sa pagdedesisyon ninyo sa hinaharap.​—Awit 37:21; Lucas 12:15.

HAMON 2: Parang imposible nang makaahon sa utang.

“Nalubog ako sa utang dahil sa negosyo ko, na lalo pang pinalalâ ng krisis sa pananalapi sa Argentina,” ang sabi ni Enrique. “Nagkataon pang kailangang operahan ang asawa ko. Naisip kong hindi na talaga ako makakaahon sa utang.” Naubos naman ang lahat ng ipon ng taga-Brazil na si Roberto dahil sa pinasok niyang negosyo, at nagkautang siya sa 12 bangko. Sinabi niya: “Halos wala akong mukhang maiharap sa mga kaibigan ko. Para akong isang talunan.”

Ano ang puwede mong gawin kapag pinanghihinaan ka ng loob, binabagabag ng budhi, o nakadarama ng kahihiyan dahil sa utang?

Isang susi sa tagumpay: Kontrolin ang iyong pananalapi. b

 

1. Alamin ang iyong badyet. Ilista ang lahat ng pumapasok o lumalabas na pera sa loob ng dalawang linggo o isang buwan. Isama mo rin dito ang aberids sa bawat buwan ng iyong mga bayarin sa buwis, insurance, o gastos sa pananamit.

2. Dagdagan ang iyong kita. Puwede kang mag-sideline, mag-tutor, mag-recycle, o baka may hobby kang puwedeng pagkakitaan. Paalaala: Ang trabaho ay hindi dapat makahadlang sa mas mahahalagang gawain, gaya ng iyong espirituwal na rutin.

Harapin ang pagkakautang bilang isang pamilya

3. Bawasan ang iyong mga gastusin. Bumili lang ng isang bagay kung kailangan, hindi dahil sa ito’y naka-sale. (Kawikaan 21:5) “Huwag magmadali sa pagbili,” ang sabi pa ni Enrique, “para makapag-isip-isip ka muna kung talagang kailangan mo ang isang bagay o gusto mo lang iyon.” Narito pa ang ilang tip.

  • Bahay: Kung posible, lumipat sa isang bahay na mas maliit ang upa. Magtipid sa kuryente at tubig.

  • Pagkain: Magbaon ng pananghalian o meryenda sa halip na palaging kumain sa labas. Gumamit ng mga discount coupon at samantalahin ang mga special offer kapag nag-go-grocery. “Nakakatipid ako sa mga prutas at gulay kapag sa palengke ako namimili sa panahong malapit na itong magsara,” ang sabi ni Joelma na taga-Brazil.

  • Transportasyon: Ipagbili ang mga sasakyang hindi naman ginagamit, at mantinihin na lang ang natirang sasakyan sa halip na palitan agad ng mas bagong modelo. Mag-commute, o maglakad kung posible.

Kapag nabawasan mo na ang iyong gastusin, magagamit mo na ang iyong natitirang pera sa pinakamahusay na paraan.

4. Suriin ang iyong mga utang at kumilos. Una, alamin mo kung magkano ang interes ng bawat utang, mga dagdag na bayarin, penalty kapag atrasado sa pagbabayad o di-nakabayad, at ang posibilidad na overdue ka na sa pagbabayad. Suriing mabuti ang nakasaad sa kontrata o bill, dahil baka nanlilinlang ang nagpapautang. Halimbawa, isang lending company sa Estados Unidos ang nagsasabing ang interes nila ay 24 na porsiyento lang, pero mahigit 400 porsiyento pala.

Ikalawa, alamin kung alin ang dapat mong unang bayaran. Halimbawa, puwede mong unahin ang may pinakamalaking interes. Puwede mo ring unahin ang mga utang na maliliit na lang ang balanse. Nakapagpapalakas kasi ng loob kapag paunti nang paunti ang binabayaran mo buwan-buwan. Kung malaki ang interes ng mga utang mo, baka mas mabuting umutang ka nang panibago na may mas mababang interes para ibayad sa mga iyon.

Pinakahuli, kung hindi mo na kayang bayaran ang iyong mga obligasyon, subukang makipag-usap sa iyong mga pinagkakautangan. Puwede kang humiling ng palugit o ng mas mababang interes. May ilan pa nga sa kanila na baka pumayag na bawasan ang iyong pagkakautang kung babayaran mo ito nang buo, ora mismo. Maging tapat at magalang sa pagpapaliwanag ng iyong sitwasyon. (Colosas 4:6; Hebreo 13:18) Gawan ng kasulatan ang anumang napagkasunduan. Kung mabigo ka sa unang pagkakataon, paulit-ulit ka pa ring makiusap.​—Kawikaan 6:1-5.

Siyempre pa, dapat na maging makatotohanan ka. Gaanuman kahusay ang paghawak mo ng pera, posible pa ring mabigo ang mga plano mo dahil sa mga bagay na hindi mo kontrolado, yamang ang pera ay “gumagawa . . . ng mga pakpak para sa kaniyang sarili na tulad ng sa agila at lumilipad patungo sa langit.”​—Kawikaan 23:4, 5.

SUBUKAN ITO: Pagkagawa mo ng badyet ng pamilya, pag-usapan kung paano makatutulong ang bawat isa para mabawasan ang gastusin o madagdagan ang kita. Kapag nakikita ninyo ang sakripisyo ng bawat isa, magtutulungan kayo sa pagharap sa utang.

HAMON 3: Puro utang na lang ang nasa isip.

Kapag wala nang ibang nasa isip ang isa kundi utang, nalilimutan niya ang mas mahahalagang bagay sa buhay. Gaya nga ng sinabi ni Georgios, “ang naging pinakamalaking problema namin ay na umikot na lang sa mga utang ang aming buhay. Naisaisantabi tuloy ang mga bagay na dapat unahin.”

Isang susi sa tagumpay: Magkaroon ng tamang pangmalas sa pera.

Sa kabila ng iyong mga pagsisikap, baka maraming taon mo pa ring bubunuin ang pagbabayad ng iyong utang. Kaya nasa iyo kung ano ang magiging pangmalas mo sa iyong kalagayan. Sa halip na puro pera ang isipin, makabubuting sundin ang payo ng Bibliya: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.”​—1 Timoteo 6:8.

Ang pagkakontento ay nagdudulot ng kagalakang hindi maibibigay ng materyal na mga bagay

Kapag kontento ka, ‘matitiyak mo ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) Kasama sa “mga bagay na higit na mahalaga” ang pakikipagkaibigan sa Diyos at sa iyong pamilya. Sinabi ni Georgios: “Kahit hindi pa namin nababayarang lahat ang aming utang, hindi na rito nakasentro ang aming buhay. Mas masaya na kaming mag-asawa ngayon dahil mas marami na kaming panahon sa aming mga anak, sa isa’t isa, at sa espirituwal na mga gawain.”

SUBUKAN ITO: Ilista ang mga bagay na talagang mahalaga sa iyo at hindi kayang bilhin ng pera. Pagkatapos, alamin kung paano madaragdagan ang ginugugol mong panahon at lakas sa bawat bagay na nasa iyong listahan.

Ang mga problema sa utang ay nakaka-stress, at kailangan ang sakripisyo para maharap ang mga ito; pero sulit naman ang resulta. Inamin ni Andrzej na taga-Poland: “Nang malaman kong ginarantiyahan ng asawa ko ang malaking utang ng katrabaho niya at pagkatapos ay bigla na lang itong nawalang parang bula, nagkaroon ng tensiyon sa bahay namin.” Pero nang balikan niya kung paano nila hinarap ito, sinabi niya: “Lalong tumibay ang aming pagsasama​—hindi dahil sa problema, kundi dahil nagtulungan kaming lutasin iyon.”

a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

b Para sa higit pang mungkahi, tingnan ang seryeng itinatampok sa pabalat na “Matalinong Paghawak ng Pera​—Paano?” sa Setyembre 2011 ng Gumising! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

TANUNGIN ANG SARILI . . .

  • Paano ko kaya matutulungan ang aming pamilya na makaahon sa utang?

  • Ano kaya ang magagawa namin para hindi madominahan o masira pa nga ng utang ang aming pagsasama?