Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Seksuwal na Pagsalakay?—Bahagi 2: Pag-recover

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Seksuwal na Pagsalakay?—Bahagi 2: Pag-recover

 Pagharap sa panunumbat ng budhi

Ikinahihiya ng maraming biktima ng seksuwal na pang-aabuso ang nangyari sa kanila. Pakiramdam pa nga nila, kasalanan nila ito. Nariyan si Karen, 19 na ngayon, na dumanas ng seksuwal na pang-aabuso mula sa edad na 6 hanggang 13. “Pinakamahirap harapin ang panunumbat ng budhi,” ang sabi niya. “Naiisip ko, ‘Bakit ko hinayaang magpatuloy ang pang-aabuso nang gan’on katagal?’”

Kung ganiyan ang nadarama mo, pag-isipan ang mga sumusunod:

  • Ang katawan at emosyon ng mga bata ay hindi pa handa para sa sex. Hindi nila naiintindihan ang ibig sabihin ng gawaing iyon kaya wala sila sa kalagayang sumang-ayon o pumayag dito. Ibig sabihin, ang pang-aabuso sa bata ay hindi kasalanan ng bata.

  • Ang mga bata ay madaling magtiwala sa mga adulto at walang muwang sa taktika ng masasamang tao, kung kaya madali silang mabiktima. “Ang mga nangmomolestiya ay mahuhusay na ‘manloloko,’ at walang kalaban-laban sa kanilang mga tusong pakana ang mga bata,” ang sabi ng aklat na The Right to Innocence.

  • Ang bata ay maaaring mapukaw sa seksuwal na paraan habang inaabuso. Kung nangyari iyan sa iyo, tandaan na iyan ang natural na reaksiyon ng katawan kapag hinawakan ito sa seksuwal na paraan. Hindi ito nangangahulugan na pumayag ka sa pang-aabuso o na may kasalanan ka dito.

Mungkahi: Mag-isip ng isang batang kakilala mo at kaedad mo noong inabuso ka. Tanungin ang sarili, ‘Tama bang sisihin ang batang iyon kung inabuso siya?’

Pinag-isipan ni Karen ang huling puntong nabanggit nang mag-alaga siya ng tatlong bata, ang isa ay halos anim na taóng gulang—ang edad ni Karen nang magsimula ang pang-aabuso sa kaniya. Sinabi ni Karen, “Na-realize ko na talagang walang kalaban-laban ang bata sa gan’ong edad—na wala akong kalaban-laban noong gan’on ang edad ko.”

Ang totoo: Ang pang-aabuso ay kasalanan ng nang-aabuso. Sinasabi ng Bibliya: “Ang kabalakyutan ng balakyot ay sasakaniya [lamang] mismo.”Ezekiel 18:20.

 Mahalaga ang pagsasabi ng niloloob

Gagaan ang loob mo kung ipakikipag-usap mo sa isang adultong pinagkakatiwalaan mo ang tungkol sa pang-aabuso. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—Kawikaan 17:17.

Siyempre pa, baka isipin mong mas mabuting huwag na lang magsalita tungkol sa nangyari. Dahil sa pananahimik mo, para kang nagtayo ng pader na pinakaproteksiyon mo. Pero ang pader ng pananahimik na proteksiyon mo para hindi ka masaktan ay baka maging sagabal din sa paghingi mo ng tulong.

Ang pader ng pananahimik na proteksiyon mo para hindi ka masaktan ay baka maging sagabal din sa paghingi mo ng tulong

Gumaan ang loob ng kabataang si Janet nang ipakipag-usap niya ang tungkol sa pang-aabuso. “Minolestiya ako sa murang edad ng taong kakilala at pinagkakatiwalaan ko, at maraming taon ko itong kinimkim,” ang sabi niya. “Pero nang ipagtapat ko ito sa nanay ko, parang isang napakabigat na pasan ang nawala sa akin.”

Naiintindihan na ni Janet kung bakit atubiling magsalita ang ilan. “Nakakaasiwa talagang pag-usapan ang tungkol sa pang-aabuso,” ang sabi niya. “Pero gaya ng naranasan ko, hindi mabuting mabuhay na kinikimkim ang sakit ng kaloobang dulot nito. Mas mabuti nang harapin ko ito agad kaysa sa patagalin pa.”

 “Panahon ng pagpapagaling”

Dahil sa pang-aabuso, baka nagkaroon ka ng negatibong kaisipan tungkol sa iyong sarili—halimbawa, na sirang-sira ka na at wala nang silbi o na para ka lang sa seksuwal na kasiyahan ng iba. Pagkakataon mo nang maka-recover mula sa mga kasinungalingang iyan at makinabang sa “panahon ng pagpapagaling.” (Eclesiastes 3:3) Ano ang makatutulong sa iyo na gawin ito?

Pag-aaral ng Bibliya. Mababasa sa Bibliya ang mga kaisipan ng Diyos, na “makapangyarihan . . . para sa pagtitiwarik ng mga bagay na matibay ang pagkakatatag”—kasali na ang mga maling pangangatuwiran tungkol sa iyong sarili. (2 Corinto 10:4, 5) Halimbawa, basahin at pag-isipan ang sumusunod na mga teksto: Isaias 41:10; Jeremias 31:3; Malakias 3:16, 17; Lucas 12:6, 7; 1 Juan 3:19, 20.

Panalangin. Kapag nadaraig ka ng panunumbat ng budhi o nadarama mong wala ka nang silbi, “ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova” sa pamamagitan ng panalangin. (Awit 55:22) Hindi ka nag-iisa!

Mga elder sa kongregasyon. Ang mga lalaking Kristiyano na ito ay sinanay para maging “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan.” (Isaias 32:2) Matutulungan ka nilang magkaroon ng balanseng tingin sa iyong sarili at makapag-move on.

Mabubuting kasama. Obserbahan ang mga lalaki’t babaeng huwaran sa Kristiyanong pamumuhay. Pagmasdan kung paano nila tinatrato ang isa’t isa. Makikita mo na hindi lahat ng tao ay gumagamit ng kanilang impluwensiya para abusuhin ang mga diumano’y minamahal nila.

Natutuhan ng kabataang si Tanya ang mahalagang aral na iyan. Mula sa pagkabata, tinrato siyang parang sex object ng ilang kalalakihan. “Kung sino pa ang mga lalaking malapít sa akin, sila pa ang nanakit sa akin,” ang sabi niya. Pero sa paglipas ng panahon, nakita ni Tanya na may mga lalaking nagpapakita ng tunay na pag-ibig. Paano?

Nang makasama niya ang isang mag-asawang huwaran sa Kristiyanong pamumuhay, nagbago ang saloobin ni Tanya. “Dahil sa mga ikinikilos ng asawang lalaki, nakita ko na hindi lahat ng lalaki ay mapang-abuso,” ang sabi niya. “Pinoprotektahan ng lalaki ang kaniyang asawa, at gan’on talaga ang gustong mangyari ng Diyos.” aEfeso 5:28, 29.

a Kung may pinaglalabanan kang problema gaya ng malubhang depresyon, eating disorder, pananakit sa sarili, pag-abuso sa droga, sleep disorder, o naiisip mong magpakamatay, makabubuting kumonsulta sa isang doktor.