ENERO 7, 2022
ALBANIA
Pangangaral ng Mabuting Balita sa Albania sa Loob ng 100 Taon sa Kabila ng Maraming Taon ng Pagbabawal
Ang taóng 2022 ang ika-100 anibersaryo ng mga Saksi ni Jehova sa Albania.
Si Nasho Idrizi ang unang Albaniano na naging Saksi ni Jehova. Habang nakatira sa United States noong mga 1920’s, nakipag-aral siya ng Bibliya sa International Bible Students, ang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova.
Bumalik si Nasho sa Albania noong 1922. Nang bandang huli, bumalik din ang iba pang Albaniano na naging Bible Students habang nakatira sa United States para sabihin sa iba ang natutuhan nila.
Si Thanas Duli ang isa sa unang mga Bible Students sa Albania. Sinabi niya: “Noong 1925, may tatlong organisadong kongregasyon sa Albania, at mayroon ding nakabukod na mga Estudyante ng Bibliya at mga interesado sa iba’t ibang lugar sa palibot ng lupain.”
Nang mga panahong iyon, may ilang publikasyon na sa wikang Albanian, gaya ng The Harp of God at A Desirable Government. Sinabi sa isyu ng Disyembre 1, 1925 ng The Watch Tower na “maraming [publikasyon sa Albanian] ang naipamahagi sa mga tao, at masayang tinanggap ng mga Albaniano ang katotohanan.”
Tinatawag ng mga tao ang mga Saksi bilang ungjillorë, ibig sabihin “mga ebanghelisador,” dahil masigasig silang nangangaral. Sinabi ni Nasho Dori, na nabautismuhan noong 1930: “Noong 1935, isang grupo kami na nag-arkila ng isang bus upang makapangaral sa bayan ng Këlcyrë. Pagkatapos ay isinaayos ang mas malawak na paglilibot sa Albania para sa mga bayan ng Përmet, Leskovik, Ersekë, Korçë, Pogradec, at Elbasan. Tamang-tamang natapos namin ang paglilibot sa Tirana upang ganapin ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo.”
Noong 1939, Facista ang gobyerno ng Italy at ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova. Naging usapin ang tungkol sa neutralidad dahil tumangging magsundalo ang ating mga kapatid noong Digmaang Greco-Italian. a Nang mga taóng iyon, 15 brother ang ikinulong. Si Brother Nikodhim Shyti ay ipinadala sa kampong piitan at wala nang nabalitaan pa tungkol sa kaniya mula noon.
Sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II, namahala ang Partido Komunista sa Albania noong 1944. Nagpatuloy ang pag-uusig. Ikinulong at pinahirapan ang marami sa ating mga kapatid. Ang iba ay ipinadala sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho na malayo sa kanilang mga pamilya. Noong mga taóng iyon, ang Albania ay nahiwalay sa iba pang bahagi ng daigdig. Iniulat ng 1959 Yearbook of Jehovah’s Witnesses: “Maihiwalay man ng mga tagapamahala ang mga kapatid sa Albania mula sa lipunan ng Bagong Sanlibutan, hindi nila kayang pigilan ang pagdaloy ng banal na espiritu ng Diyos.” Ipinahayag ng Albania na siya ang unang ateistang estado noong 1967. Maingat na isinagawa ng maliit na grupo ng mga Saksi na nanatili doon ang kanilang pananampalataya.
Nang bumagsak ang Komunismo, legal na kinilala ang mga Saksi ni Jehova noong Mayo 22, 1992, pagkatapos ng mahigit 50 taon ng pagbabawal.
May 5,550 Saksi na ngayon sa Albania, na naglilingkod sa 89 na kongregasyon. Nakikigalak tayo sa ating mga kapatid na “sa makapangyarihang paraan, patuloy na lumaganap at nagtagumpay ang salita ni Jehova” sa kabila ng matinding pag-uusig.—Gawa 19:20.
a Ang Digmaang Greco-Italian ay labanan sa pagitan ng Greece at Italy, mula Oktubre 28, 1940 hanggang Abril 23, 1941. Ito ang simula ng Balkan campaign ng Digmaang Pandaigdig II.