AGOSTO 4, 2023
ANGOLA
Ini-release ang Bagong Sanlibutang Salin sa Wikang Nyaneka
Noong Hulyo 28, 2023, ini-release ni Brother Salvador Domingos, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Angola, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Nyaneka. Ini-release ito sa “Maging Matiisin”! na Panrehiyong Kombensiyon sa Lubango, Huíla Province, sa southern Angola. Tumanggap ng inimprentang kopya ng Bibliya ang 2,621 dumalo. Available na rin ang digital format nito.
Nakatira ang karamihan sa mga nagsasalita ng Nyaneka sa mga probinsiya ng Angola, gaya ng Benguela, Cunene, Huíla, at Namibe. Isang remote translation office sa Lubango ang nangangasiwa sa pagsasalin ng mga publikasyon natin sa wikang Nyaneka.
Noon, may ilang Bible Society na nakapagsalin ng mga aklat ng Bibliya sa wikang Nyaneka. Pero ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ang unang kumpletong Bibliya sa wikang iyon. Dahil maraming iba’t ibang diyalekto ang Nyaneka, pinili ng translation team ang mga salitang madaling naiintindihan ng mga nagsasalita ng Nyaneka.
Masaya tayo na magagamit na ng mga kapatid natin na nagsasalita ng Nyaneka ang bagong translation na ito para tulungan ang marami pang iba na matuto at sumamba kay Jehova.—Isaias 2:3.