AGOSTO 29, 2017
ANGOLA
Mga Saksing Dumalo sa Kombensiyon sa Angola Nabiktima ng Nakalalasong Usok
Noong Biyernes ng umaga, Agosto 25, 2017, sa isang kombensiyong idinaos sa Viana Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Luanda, Angola, nawalan ng malay ang 405 dumalo nang magsaboy ng nakalalasong gas ang mga sumalakay sa pangunahing awditoryum doon at sa iba’t ibang palikuran ng pasilidad. Mabuti na lang at hindi nakamamatay ang gas. Ang mga biktima ay isinugod sa mga ospital kung saan sila ginamot at pinauwi ang karamihan makalipas ang ilang oras. Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente; tatlong lalaki ang inaresto at nasa kustodiya ng mga pulis noong Biyernes ng hapon.
Iniulat ng tanggapang pansangay sa Luanda na papagalíng na ang lahat ng biktima . Binanggit na hindi nag-panic ang mga dumalo at nagtulungan sila para asikasuhin ang mga naging biktima. Bilang pagsunod sa mungkahi ng kapulisan, ang sesyon ng kombensiyon noong Biyernes ng hapon ay kinansela. Gayunman, matagumpay na natuloy ang kombensiyon nang walang masamang insidente noong Sabado, Agosto 26, at Linggo, Agosto 27. Ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay umabot nang mahigit 12,000, at 188 ang nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova.
Media Contacts:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000
Angola: Todd Peckham, +244-923-166-760