ENERO 1, 2020
ARGENTINA
Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan—Inilabas sa Argentinean Sign Language
Noong Disyembre 13, 2019, inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Argentinean Sign Language (LSA) sa internasyonal na kombensiyon na ginanap sa Buenos Aires, Argentina. Ito ang pinakaunang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa LSA.
Noong Disyembre 3, 2014, inumpisahan ng isang translation team ang mahabang proyektong ito, na nagsimula sa aklat ng Mateo. Dahil mga video ang mga publikasyon sa sign language, kapag natapos ang isang aklat sa Bibliya, inilalabas agad ito sa JW Library Sign Language app.
Tinatayang 400,000 ang gumagamit ng LSA sa Argentina. Kasama rito ang mga 2,700 mamamahayag na gumagamit ng LSA—470 sa kanila ay pipi. Sinabi ni Sister Laura Losada, isang pipi na mahusay sa LSA: “Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagtulong sa amin. Noong wala pang Bibliya sa LSA, sinikap kong basahin ang salin sa Spanish pero hindi ko ito maintindihan. Ngayon, dahil sa bago at malinaw na salin na ito, pakiramdam ko, mas tumibay ang kaugnayan ko kay Jehova.”
Talagang nagpapasalamat ang mga kapatid na gumagamit ng LSA kay Jehova. Dahil sa saling ito na madaling maintindihan, matutulungan sila nito na mapatibay sa espirituwal. Nakakatiyak tayo na dahil sa bagong salin na ito, matutulungan ng mga mamamahayag sa Argentina ang mga nasa deaf community na maging kaibigan ng Diyos.—Gawa 13:48.