Pumunta sa nilalaman

MAYO 15, 2024
ARGENTINA

Binuksan sa Argentina ang Isang Espesyal na Exhibit Tungkol sa Pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova

Binuksan sa Argentina ang Isang Espesyal na Exhibit Tungkol sa Pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova

Noong Abril 3, 2024, isang temporary exhibit na pinamagatang “Purple Triangles: A Story of Courage and Resilience” ang binuksan sa Holocaust Museum of Buenos Aires, Argentina. Bukas ito hanggang Agosto 4, 2024.

Mahigit 16,000 Saksi ni Jehova ang pinag-usig ng mga Nazi dahil tumanggi silang magsundalo. Mga 4,500 ang ipinadala sa mga kampong piitan, at halos 1,750 ang namatay. May nakatahing purple triangle sa mga unipormeng suot ng mga Saksi ni Jehova sa kampo.

Sa exhibit na ito na may tatlong bahagi, makikita ang kasaysayan at personal na mga karanasan na nagpapakita kung paano nanatiling tapat at matatag ang mga Saksi ni Jehova na nasa mga bansang sakop ng rehimeng Nazi. May mga audio guide dito, touch screen, at maraming video sa wikang English, Spanish, at Argentinean Sign Language. May mga tour guide din para i-assist ang mga nagtu-tour.

Kaliwa: Ginagamit ng isang tour guide ang touch screen habang sinasamahan ang mga nagtu-tour sa exhibit. Gitna: Kinukunan ng isang bisita ang uniporme ng bilanggo. Kanan: Dalawang bisita na gumagamit ng mga audio guide

Isang replika ng dokumentong nagbibigay ng kalayaan sa isang bilanggo kung itatakwil niya ang kaniyang pananampalataya; isinalin sa Spanish

Kasama din sa exhibit ang replika ng dokumentong ginamit ng mga Nazi para sirain ang katapatan ng mga Saksi. Paulit-ulit na pine-pressure ang mga kapatid noon na pirmahan ang isang dokumento na nagsasabing itinatakwil na nila si Jehova at ang bayan niya. Kung pipirma sila, makakalaya sila. Iilang Saksi lang ang pumirma. May isang bahagi ng exhibit na ipaparanas sa mga bumibisita ang senaryong ito. Ipapakita sa kanila ang dokumento at pag-iisipin sila kung gaano kahirap tanggihan iyon.

Ganito ang sinabi ni Professor Isabel Burnstein, isang mananaliksik sa mga pag-aaral tungkol sa Holocaust, pagkatapos niyang mag-tour. “Malinaw na ipinakita ng exhibit kung paano nakipaglaban ang mga Saksi ni Jehova para sa paniniwala nila at piniling gawin ang sa tingin nila ay tama,” ang sabi niya. “Sa mundo kung saan parang walang pakialam ang mga tao sa kung ano ang tama, tinutulungan tayo ng mga karanasan nila na manindigan sa kung ano ang tama.”

Ilang kapatid na tumulong bilang mga tour guide sa exhibit

Mula nang magbukas ang exhibit, mahigit 8,400 na ang nakapunta dito. Sinabi ni Brother Marcos Donadío, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Argentina: “Para sa mga hindi pamilyar sa mga Saksi ni Jehova, tutulungan ng exhibit na ito ang mga tao na maunawaan ang kasaysayan at ang mga paniniwala namin na gumagabay sa aming buhay. Natutuwa kami at umaasa na marami pang tao ang makakakita nito.”

Nagpapasalamat tayo sa exhibit na ito na nagpakita ng lakas ng loob at katapatan ng mga lingkod ni Jehova. Mapakilos sana tayo ng halimbawa nila na manatiling ‘matatag hanggang wakas.’—1 Corinto 1:8.