ABRIL 22, 2024
ARGENTINA
Inialay ang Bagong mga Pasilidad ng Sangay sa Argentina
Noong Abril 6, 2024, inialay ang bagong mga pasilidad ng sangay sa Buenos Aires, Argentina. Ang pahayag sa pag-aalay ay ibinigay ni Brother Jeffrey Winder, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Halos 500 kapatid ang dumalo sa programa ng pag-aalay sa tatlong awditoryum sa bagong mga pasilidad sa Bethel, at 5,844 ang nakapanood ng programa sa videoconference mula sa isang Assembly Hall sa kalapít na lunsod ng Ezeiza. Kinabukasan, nagkaroon ng special meeting sa Assembly Hall, at naka-connect dito ang lahat ng kongregasyon sa Argentina at Uruguay, kaya umabot nang 181,643 ang lahat ng nakapakinig.
Nagkaroon din ng kaayusan na makapag-tour ang mga panauhin sa mga bagong pasilidad ng sangay, makapagkuwentuhan, at makibahagi sa mga inihandang activity. Kabilang sa kanila ang 230 kapatid mula sa 25 lupain. Tumulong si Brother Sergio Spaccasassi, na naglilingkod ngayon sa Ecuador, sa pagtatayo ng bagong sangay sa Argentina. Ganito ang sinabi niya tungkol sa maraming kapatid mula sa iba’t ibang bansa na dumalo sa programa ng pag-aalay: “Ginagamit ni Jehova ang espesyal na mga okasyong gaya nito para maging malapít tayo sa isa’t isa bilang isang pamilya ng mga mananamba niya.”
Sinabi ni Brother Juan Carlos Nigro, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Argentina: “Nakita namin kung paano ginabayan at pinagpala ni Jehova ang proyektong ito. Siya ang nagbigay sa atin ng magandang pasilidad na ito na lumuluwalhati sa pangalan niya.”
Kasama ng mga kapatid sa Argentina, nagpapasalamat tayo kay Jehova para sa bagong mga pasilidad na ito ng Bethel, dahil ‘ginagawa niyang maganda ang lahat ng bagay sa tamang panahon nito.’—Eclesiastes 3:11.