Pumunta sa nilalaman

Mga bilanggo na nakikibahagi sa pulong gamit ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Spanish

SETYEMBRE 9, 2020
ARGENTINA

Pag-aaral ng Bibliya sa Bilangguan sa Panahon ng Pandemic

Pag-aaral ng Bibliya sa Bilangguan sa Panahon ng Pandemic

Sa San Luis, Argentina, nagdaraos ng mga pulong at Bible study ang mga kapatid linggo-linggo sa mga bilanggo sa isang maximum-security prison. Sa kauna-unahang pagkakataon, ginamit ang videoconferencing para mangaral sa mga bilangguan sa Argentina.

Sa nakalipas na mga taon, regular na bumibisita ang mga kapatid sa San Luis sa maximum-security prison para magpulong at mag-Bible study. Noong Marso 2020, pansamantala itong inihinto dahil sa lockdown. Pero pinayagan ng mga opisyal ng bilangguan ang mga kapatid na ipagpatuloy ang pangangaral gamit ang videoconferencing.

Dahil nakita ng director ng bilangguan at ng asawa nito ang magandang epekto ng pagbisita ng mga kapatid sa mga bilanggo, sumasama na rin sila sa mga pulong. Sinabi niya: “Malaking tulong ang mga pulong sa espirituwal at emosyonal na kalagayan ng mga bilanggo sa panahong ito na walang dumadalaw sa kanila. Nakakatuwang makita na nagiging maganda ang pakikitungo ng mga bilanggo sa isa’t isa dahil sa mga pulong. Malaking tulong sa amin ang pag-aaral ng Bibliya ng mga bilanggo para mabago ang buhay nila at maging mabuting mamamayan.”

Sinulatan ng isang bilanggo ang mga kapatid na nag-oorganisa ng pangangaral. Sinabi niya: “Kapag umaalis ako ng selda para sumali sa pulong n’yo ... nawawala ang pagod ko, problema, galit, lungkot, at iba pang epekto ng pag-iisa. Sobrang saya ko. Maraming salamat sa inyo.”

Habang nagpapatuloy ang pandemic, napapatibay tayong malaman na tinutulungan ng mga kapatid natin ang mga tao na makinabang sa mensahe ng Bibliya.—Isaias 48:17, 18.