Pumunta sa nilalaman

Kaliwa: Litrato ni Cecilia Alvarez sa diyaryo noong 10 taóng gulang siya, pagkatapos ng ika-17 operasyon niya; Kanan: Si Cecilia kasama ang kaniyang mga magulang at nakababatang kapatid na babae noong Mayo 2019

AGOSTO 7, 2019
ARGENTINA

Si Sister Cecilia Alvarez ay 43 Beses na Inoperahan Nang Walang Dugo sa Loob ng 25 Taon

Si Sister Cecilia Alvarez ay 43 Beses na Inoperahan Nang Walang Dugo sa Loob ng 25 Taon

Si Sister Cecilia Alvarez, mula sa Argentina, ay dumanas ng malalalang problema sa kalusugan sa buong buhay niya. Ang unang operasyon sa kaniya ay makalipas lang ng 16 na araw pagkapanganak sa kaniya. Noong Mayo 18, 1994, inoperahan ng mga doktor sa Argentina ang depekto sa kaniyang gulugod. Sa loob ng 25 taon pagkatapos noon, naoperahan na si Cecilia nang 42 pang beses, na ang karamihan ay ginawa noong bata pa siya. Ang huling operasyon sa kaniya ay ngayong taóng ito, para ayusin ang kaliwang balakang niya. Gaya ng lahat ng naging operasyon niya, nagawa iyon nang walang dugo.

1999: Si Cecilia noong limang taóng gulang siya sa Juan P. Garrahan Children’s Hospital

Inamin ni Cecilia: “Nakaka-stress magpaopera at magpagamot nang napakaraming beses.” Sa kabila nito, sinisikap niyang manatiling positibo at umaasa siya kay Jehova. Bukod diyan, ginawa niya at ng kaniyang mga magulang ang lahat para masunod ang mga rekomendasyon ng mga doktor. “Kailangan kong ihanda ang katawan ko bago ang operasyon,” ang sabi ni Cecilia. “Kasama diyan ang pag-inom ng mga gamot na tutulong para dumami ang mga pulang selula ng dugo, at kailangan ko rin ng pagkaing mayaman sa iron.”

Sinabi ni Cecilia tungkol sa mga medical team na tumulong sa kaniya sa loob ng maraming taon: “Sobra kong pinapahalagahan ang trabaho nila, hindi lang dahil iniligtas nila ang buhay ko kundi dahil din sa iginalang nila ang desisyon kong hindi magpasalin ng dugo.”

Si Dr. Ernesto Bersusky, isang retiradong spinal pathologist

Malaki rin ang paggalang ng mga doktor ni Cecilia sa kaniya at sa mga kapatid na tumulong sa kaniya. Sinabi ni Dr. Ernesto Bersusky, dating chief ng spinal pathology sa Juan P. Garrahan Children’s Hospital sa Buenos Aires at kasama sa maraming operasyon ni Cecilia: “Sa maraming beses kong nakasama si Cecilia, nakita ko kung gaano siya kadeterminado at kung paano niya malinaw na naipapaliwanag ang paniniwala niya. Nakipag-usap ako sa kaniya nang maraming beses para sabihin ang gagawin ko at para siguraduhin sa kaniya na hindi ko siya sasalinan ng dugo.”

Si Dr. Susana Ciruzzi, isang abogado at bioethicist

Si Dr. Susana Ciruzzi, isang abogado at miyembro ng bioethics committee sa Juan P. Garrahan Children’s Hospital, ay nagsabi: “May kooperasyon ang mga Saksi ni Jehova at ang medical staff. Ilang beses na naming nakasama ang mga Saksi ni Jehova at determinado kaming gumawa ng pagbabago—hindi lang sa paraan ng pag-iisip kundi pati na sa aming panggagamot at kaalaman—para makahanap kami ng alternatibong paraan ng pag-oopera nang walang dugo.”

Bukod pa sa kaniyang mahuhusay na doktor, ipinagpapasalamat din ni Cecilia ang suporta ng mga kapatid. Sinabi niya: “Talagang pinapahalagahan ko ang mga pagsisikap ng Hospital Liaison Committee (HLC) at ng Patient Visitation Group. Kahit na kailangan ding asikasuhin ng mga kapatid na ito ang kanilang pamilya at iba pang pananagutan, ibinibigay nila ang panahon at lakas nila. Lagi silang nandiyan kapag kailangan ko sila. Talagang pinapahalagahan ko ang suporta nila.”

Si Cecilia, na 25 taóng gulang na ngayon, ay laging nakakaramdam ng mga kirot at kailangan na niyang mag-wheelchair, pero kilalá siya sa pagiging positibo. Sa katunayan, sinabi niya: “Sa tingin ko, nakatulong ang mahihirap na karanasan ko para maging mas mabuting tao ako at mapasulong ko ang mga Kristiyanong katangian.”

Hulyo 2019: Si Cecilia kasama ang isa pang sister na payunir sa ministeryo

Sinabi pa ni Cecilia: “Pagkatapos ng isang operasyon, isang miyembro ng HLC ang dumalaw sa akin at binanggit niya ang Kawikaan 10:22: ‘Ang pagpapala ni Jehova ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng [permanenteng] kirot.’ Tumatak sa isip at puso ko ang tekstong iyan.”

Noong Mayo 1, 2019, nakatanggap si Cecilia ng isang espesyal na pagpapala nang atasan siya bilang regular pioneer. Maliwanag, inalalayan at pinalakas ni Jehova ang ating mahal na kapatid. Bilang resulta, masayang ibinabahagi ni Cecilia sa iba ang nakakaginhawang mensahe mula sa Salita ng Diyos.

Nagtitiwala tayo na patuloy tayong aaliwin ni Jehova anuman ang pinagdadaanan natin, gaya ng ginawa niya para kay Cecilia.—2 Corinto 1:4.