Pumunta sa nilalaman

DISYEMBRE 3, 2012
ARMENIA

Armenia—Inutusang Magbayad ng Danyos sa 17 Saksi ni Jehova

Armenia—Inutusang Magbayad ng Danyos sa 17 Saksi ni Jehova

STRASBOURG, France—Noong Nobyembre 27, 2012, naglabas ng desisyon ang European Court of Human Rights na nagsasabi na dahil sa paglabag ng Armenia sa karapatang pantao, dapat itong magbayad ng 112,000 euro ($145,226) para sa danyos at legal na gastusin ng 17 tumangging maglingkod sa militar udyok ng budhi.

Noong 2005, 17 kabataang lalaki na mga Saksi ni Jehova ang gumagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Pero nang malaman nila na pinangangasiwaan iyon ng militar, nabagabag ang kanilang budhi kaya tumigil sila sa gayong serbisyo. Inaresto sila at sinampahan ng kaso. Ang ilan ay ikinulong nang ilang buwan bago pa man ang paglilitis, at nang maglaon 11 ang sinentensiyahan ng dalawa hanggang tatlong-taóng pagkabilanggo.

Ayon sa European Court, ang pagsasampang ito ng mga kasong kriminal at pagbibilanggo ay ilegal dahil noong 2005, walang batas sa Armenia na nagsasaad na isang krimen ang pag-iwan sa alternatibong serbisyong pansibilyan. Sinabi ng Korte na nilabag ng Armenia ang karapatan ng mga Saksi sa kalayaan at seguridad na isinasaad sa Article 5 ng European Convention on Human Rights. Bagaman iniurong ng gobyerno ang mga kasong kriminal na isinampa nila laban sa 17 Saksi, tumanggi pa rin silang magbayad ng danyos sa ginawa nilang ilegal na demanda at pagbibilanggo. Kaya inutusan ng Korte ang Armenia na magbayad ng kaukulang halaga para sa moral damages at legal na gastusin.

Ang hatol na ito ay inilabas kasunod ng tatlong desisyon ng European Court laban sa Armenia sa isyu ng neutralidad. Sa apat na kasong ito, naging malupit ang gobyerno ng Armenia sa mga Saksi ni Jehova na tumangging maglingkod sa militar udyok ng budhi at pinakitunguhan ang mga ito na parang mapanganib na mga kriminal.

“Ang hatol na ibinaba ng European Court ay tumutulong na maituwid ang mga kawalang-katarungang dinanas ng mga Saksi ni Jehova na ito,” ang sabi ni André Carbonneau, isang abogado para sa mga inusig. “Ang sunud-sunod na tagumpay na ito sa European Court laban sa Armenia ay nagbibigay ng malinaw na mensahe sa ibang mga bansa sa Council of Europe pati na sa mga bansang gaya ng Eritrea, South Korea, at mga bansa sa Central Asia may kinalaman sa karapatan ng mga Saksi ni Jehova na tumangging maglingkod sa militar.”

Media Contacts:

David Semonian, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Armenia: Tigran Harutyunyan, tel. +374 93 900 482