Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 20, 2013
ARMENIA

Mga Nakabilanggong Saksi ni Jehova sa Armenia—Pinalaya Na

Mga Nakabilanggong Saksi ni Jehova sa Armenia—Pinalaya Na

YEREVAN, Armenia—Noong Nobyembre 12, 2013, pinalaya ng Armenia ang natitirang 14 na Saksi ni Jehova na nabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo. Lahat-lahat, 28 Saksi ni Jehova na ang napalaya mula noong Oktubre 8, 2013. Isa itong pagbabago sa patakaran ng Armenia na di-pagkilala sa karapatan ng mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi—isang patakarang humantong sa pagkakabilanggo ng mahigit 450 kabataang lalaking Saksi sa nakalipas na 20 taon. Ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 1993, wala nang Saksi ni Jehova sa Armenia na nakabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo.

Bago ang pagpapalaya noong Nobyembre 12, walong Saksi na ang pinalaya ng Armenia noong Oktubre 8 at 9, dahil sa isang amnestiya na nagbawas ng anim na buwan sa kanilang sentensiya. Anim pa ang pinalaya noong Oktubre 24. Ang anim na ito ang unang nakinabang sa ginawang amyenda noong Hunyo 8, 2013, sa umiiral na batas ng Armenia tungkol sa alternatibong serbisyong pansibilyan. Sa amyendang ito, ang mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi ay puwede nang mag-aplay para sa alternatibong serbisyo na hindi sakop ng militar sa halip na mabilanggo.

Mahigit 90 Saksi na ang nag-aplay sa bagong programang ito. Noong Oktubre 23 at Nobyembre 12, 2013, nirepaso at inaprobahan ng Republican Commission ang aplikasyon ng 71 sa mga kabataang ito. Ipinabatid ng Komisyon na sa lalong madaling panahon, diringgin nila ang natitira pang kaso.

Sinabi ni David A. Semonian, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa New York: “Natutuwa kami na pinalaya na ng gobyerno ng Armenia ang mga kabataang ito at lumilitaw na nalutas na ang napakatagal nang isyung ito.”

Media Contacts:

International: David A. Semonian, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Armenia: Tigran Harutyunyan, tel. +374 93 900 482