Pumunta sa nilalaman

PEBRERO 5, 2015
ARMENIA

Alternatibong Serbisyong Pansibilyan sa Armenia—Naipatupad Na

Alternatibong Serbisyong Pansibilyan sa Armenia—Naipatupad Na

Isang taon na mula nang ipatupad ang programa ng alternatibong serbisyong pansibilyan sa Armenia, at maganda ang naging simula nito. Ang mga kabataang Saksi ni Jehova ang unang napabilang sa bagong programang ito. Nagtrabaho sila sa iba’t ibang kapaki-pakinabang na paglilingkod sa bayan sa halip na makulong dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi.

Mula noong 1985, walang mapagpipilian ang mga kabataang Saksi sa Armenia na tumatangging magsundalo dahil sa budhi kundi ang makulong. Dahil walang batas para sa alternatibong serbisyong pansibilyan, sa loob ng 20 taon, mahigit 450 Saksi ang nakulong sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Nagbago ito noong Hunyo 2013 nang ipatupad ng Armenia ang mga amyenda sa batas nito tungkol sa alternatibong paglilingkod.

Noong Oktubre 23, 2013, unang ipinagkaloob ng Armenian Republican Committee ang alternatibong serbisyong pansibilyan sa 57 na tumangging magsundalo dahil sa budhi, na pawang mga Saksi ni Jehova. * Nang maglaon, isinali na rin ng Republican Committee ang iba pang Saksi sa programa. Noong linggo ng Enero 13, 2014, nagsimulang magtrabaho sa kanilang atas ang 71 kabataang Saksi. Sa pagtatapos ng 2014, mahigit 126 na Saksi na ang nagtatrabaho sa atas na ibinigay sa kanila.

Tagumpay ng Programa

Kitang-kita ang tagumpay ng programa ng alternatibong serbisyong pansibilyan sa mga komento ng mga direktor, superbisor, at mga katrabaho na nakapansin sa pagiging masipag, matulungin, at tapat ng mga kabataang Saksi. Kinilala ng ilang miyembro ng Republican Committee na ang mga Saksi ay malaking tulong sa gobyerno ng Armenia at napakasipag sa kanilang pagtatrabaho.

  • “Mahusay ang ginagawa ninyo para sa bansa kahit na napakababa ng suweldo. Talagang masisipag kayo.”—Superbisor sa Yerevan/Shengavit Community Services.

  • “Napakahusay! Sinisikap ninyong mamuhay sa mga simulaing Kristiyano at sinisikap din ninyong maging kapaki-pakinabang sa lipunan.”—Nars sa isang bahay-ampunan kung saan inatasang magtrabaho ang mga Saksi.

  • “May mga kabataan pa bang gaya ninyo? Papuntahin n’yo sila rito para magtrabaho sa akin!”—Direktor sa Yerevan/Arabkir Community Services.

Nilinis at pinaganda ng mga Saksing kasama sa alternatibong serbisyong pansibilyan ang isang parke sa sentro ng Yerevan, sa labas ng Republic Square.

Positibo rin ang sinabi ng mga Saksing kasali sa programa ng alternatibong serbisyong pansibilyan.

  • “Mahal ako at iginagalang ng aking mga katrabaho. Nang magkasakit ako at nagpahinga sa bahay, tinawagan ako ng mga katrabaho ko para kumustahin ang kalagayan ko. Itinuturing ko itong isang pagpapala, dahil nakapaglilingkod ako sa Diyos nang walang problema.”—Gevorg Taziyan, inatasang Driver’s Assistant sa Territorial Division ng Ministry of Emergency Situations Rescue Services.

  • “Sa trabaho, kasundo namin ang management at mga staff. Dahil sa pagmamalasakit nila sa amin, pinagmamalasakitan din namin sila. May mga panahon kung minsan na inaatasan nila kami ng hindi namin trabaho, pero ginagawa namin ito.”—Samvel Abrahamyan, naatasan sa Sevan Psychiatric Hospital bilang groundskeeper.

  • “Ang 13 sa amin ay naatasang magtrabaho sa Ministry of Emergency Situations noong Enero 14, 2014. Mula noon hanggang ngayon, kasundo namin ang lahat. Wala kaming naging problema sa management. Hanga sila sa pagtatrabaho naming magkakasama.”—Artsrun Khachatryan, naatasan sa Ministry of Emergency Situations bilang groundskeeper.

Naging matagumpay ang programa ng alternatibong serbisyong pansibilyan sa Armenia dahil sa pagtutulungan at pangangasiwa ng mga direktor at superbisor, pati na sa positibong saloobin at pagiging masikap ng mga Saksi. Nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova sa Armenia para sa pagkakataong maglingkod sa kanilang bansa nang hindi ikinokompromiso ang kanilang relihiyosong paniniwala o nabibilanggo dahil sa kanilang pagtangging magsundalo udyok ng budhi.

^ par. 4 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Armenia Offers Alternative Civilian Service to Conscientious Objectors