OKTUBRE 7, 2015
AUSTRIA
Saksing Austriano na Pinatay ng mga Nazi Inalayan ng Plake, Mayor ng Distrito ang Pangunahing Tagapagsalita
VIENNA—Noong Mayo 13, 2015, mga 400 ang dumalo nang alisan ng takip ang plake na parangal kay Gerhard Steinacher, isang Saksi ni Jehova na pinatay ng mga Nazi 75 taon na ang nakalipas dahil sa pagtangging sumali sa hukbong Aleman. Ang mayor ng Meidling District ng Vienna, si Gabriele Votava, ang naging pangunahing tagapagsalita sa okasyong iyon nang ipakita sa publiko ang plake. Ikinabit ito sa labas ng dating tirahan ng pamilya Steinacher sa Meidling, Vienna sa Längenfeldgasse 68.
Ang tema ng programa ay “Hindi ko magagawang bumaril,” na ikinatuwiran ni Mr. Steinacher nang makiusap siyang mabigyan ng mas magaan na hatol. Ipinahihiwatig ng simpleng pananalita pero punong-puno ng kahulugan ang mga simulaing Kristiyano na pinanghawakan ni Mr. Steinacher, at isa na rito ang sinabi ni Jesus sa Mateo 19:19: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”
Sa kaniyang kabataan, si Gerhard ay isang estudyante ng Bibliya. Sa edad na 17, nagdesisyon siyang maging Saksi ni Jehova. Noong Setyembre 15, 1939, inaresto si Mr. Steinacher dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi at manumpa ng katapatan kay Hitler. Matapos makulong nang anim na linggo sa Vienna, inilipat si Mr. Steinacher sa bilangguan ng Moabit sa Berlin, Germany, bago siya litisin.
Noong Nobyembre 11, 1939, unang araw ng paglilitis, si Mr. Steinacher ay inakusahan ng paghadlang sa bansa sa pakikipagdigma nito at sinentensiyahan ng kamatayan. Nakiusap siyang mabigyan ng mas magaan na hatol batay sa kaniyang relihiyosong mga paniniwala. Pero noong Marso 2, 1940, pinagtibay ng Reichskriegsgericht (Reich Military Court) ang hatol na kamatayan. Pagkaraan ng apat na linggo, noong Marso 30, si Mr. Steinacher ay pinatay sa pamamagitan ng gilotina sa kilaláng bilangguan ng Plötzensee sa Berlin. Siya noon ay 19 anyos.
Pagkatapos ng seremonya ng pag-aalis ng takip sa plake, ang okasyon ay ipinagpatuloy sa kalapit na Volkshochschule Theater. Kasama sa nakaiskedyul na activity ang isang eksibit tungkol sa kasaysayan ng pamilya Steinacher. Kabilang sa mga displey ng eksibit ang isang maliit na kahon na natagpuan noong 1976. Naglalaman ito ng 28 liham nina Ignatz at Luise Steinacher sa kanilang anak na si Gerhard noong nasa bilangguan ito at 25 postcard at liham na ipinadala ni Gerhard sa mga magulang niya para patibayin sila at ipahayag ang paninindigan niya sa kanilang magkakatulad na pananampalataya.
Iniulat sa Wiener Bezirkszeitung, isang lingguhang pahayagan sa Vienna, ang tungkol sa okasyon, na inilarawan bilang isang “kahanga-hangang pag-alaala” dahil inilabas nito ang kabayanihan ni Mr. Steinacher “mula sa kadiliman tungo sa liwanag.” Pinuri pa ng artikulo si Mr. Steinacher sa pagsasabi: “Handa siyang mamatay alang-alang sa kaniyang mga prinsipyo—ang mismong mga prinsipyo na naging buhay na niya.”