Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 29, 2020
AZERBAIJAN

Dalawang Desisyon ng European Court of Human Rights, Pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan

Dalawang Desisyon ng European Court of Human Rights, Pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan

Noong Setyembre 24, 2020, inilabas ng European Court of Human Rights (ECHR) ang dalawang desisyon na pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan. Ang unang desisyon ay tungkol sa kaso na Valiyev and Others v. Azerbaijan, at ang ikalawa ay sa Religious Community of Jehovah’s Witnesses v. Azerbaijan. Nakatulong ang desisyong ito para protektahan ang karapatan ng mga kapatid natin tungkol sa relihiyosong paniniwala nila.

Sa dalawang kasong ito, inamin ng Azerbaijan na nilabag nila ang legal na karapatan ng mga kapatid natin. Pumayag din ang gobyerno na magbigay ng danyos sa mga kapatid na may kabuoang halaga na 19,000 euro ($22,146 U.S.). Makikita sa mga desisyon ng ECHR na tinanggap nila ang pag-amin ng Azerbaijan.

Si Brother Valiyev na nangunguna sa pulong sa isang bahay

Inapela ang kasong Valiyev and Others v. Azerbaijan sa ECHR noong 2011 na tungkol sa mga kapatid natin sa lunsod ng Ganja. Maraming taon nang tinatanggihan ng mga awtoridad sa Ganja na mairehistro ang ating organisasyon. Kaya paulit-ulit na ginugulo ng mga pulis ang mga pulong natin, inaaresto ang mga dumadalo, at pinagmumulta nang malaki ang ilan sa kanila. Isang brother ang ilang beses na inaresto at pinagmulta na umabot ng 9,450 Azerbaijani Manat (noon ay $11,375 U.S.). Inaresto ang ilang kapatid kasi hindi nila kayang bayaran ang napakamahal na multa.

Noong 2013, inapela ng mga kapatid sa ECHR ang ikalawang kaso na Religious Community of Jehovah’s Witnesses v. Azerbaijan kasi nilimitahan ng Azerbaijan ang ini-import na mga literatura ng mga Saksi.

Kahit hindi pa rin pinapayagan ng gobyerno sa Ganja na mairehistro ang mga Saksi ni Jehova, nagkaroon naman ng mga pagbabago. Sa nakalipas na mga taon, nakakapagpulong ang maliliit na grupo ng mga kapatid sa mga bahay nang hindi ginugulo ng mga pulis. Bukod diyan, kahit na kailangang i-check ng gobyerno ang mga literatura natin bago i-import, pumayag naman sila na dagdagan ang natatanggap na mga literatura ng mga kapatid.

Sinabi ni Brother Kiril Stepanov na tumutulong sa Public Information Desk ng mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan: “Umaasa kaming mapapabilis ang pagpaparehistro ng mga Saksi sa Ganja at sa iba pang lunsod sa Azerbaijan dahil sa desisyong ito ng ECHR. Nagtitiwala kami na darating ang panahon na hindi na kailangang i-check ng gobyerno ang mga literatura bago ito i-import.”

Nagpapasalamat tayo sa tulong ni Jehova. Ang desisyong ito ay nagpapakita na ‘anumang sandata ang gawin laban sa bayan ng Diyos ay hindi magtatagumpay.’—Isaias 54:17.