Pumunta sa nilalaman

Ilang kapatid na idinitine sa Azerbaijan noong 2010. Nagdesisyon ang ECHR na nilabag ng Azerbaijan ang kanilang kalayaan sa relihiyon

PEBRERO 27, 2020
AZERBAIJAN

Mga Tagumpay sa mga Kaso ng Azerbaijan sa ECHR

Mga Tagumpay sa mga Kaso ng Azerbaijan sa ECHR

Nagpasiya ang European Court of Human Rights (ECHR) pabor sa mga Saksi ni Jehova sa dalawang kaso tungkol sa kalayaan ng relihiyon sa Azerbaijan. Umaasa tayo na ang mga desisyong ito ng ECHR ay makakatulong para maging mas malaya ang pagsamba ng mga kapatid sa Azerbaijan.

Noong Pebrero 20, 2020, naglabas ng desisyon ang Korte sa kasong Nasirov and Others v. Azerbaijan, na nakabinbin mula pa noong 2010, at sa kasong Religious Community of Jehovah’s Witnesses v. Azerbaijan, na nakabinbin din mula pa noong 2009. Sa Nasirov, sinabi ng korte na nilabag ng Azerbaijan ang Article 5 at 9 (Liberty of Person at Freedom of Religion) ng European Convention on Human Rights dahil paulit-ulit nitong idinitine, ipinakulong, at pinagmulta ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang gawaing pangangaral noong 2010. Iniutos ng Korte na magbayad ang Azerbaijan ng $3,235.80 (EUR 3,000) para sa bawat Saksing pinagmalupitan—may kabuoang halaga na $22,650.60 (EUR 21,000). Sa Religious Community of Jehovah’s Witnesses, sinabi ng korte na nilabag ng Azerbaijan ang Article 10 (Freedom of Expression) ng Convention dahil pinigilan nito ang mga kapatid na mag-import at mamahagi ng ilang publikasyon.

Sinabi ni Jason Wise, isa sa mga abogadong tumulong sa mga kaso: “Sa loob ng maraming taon, nahirapan ang mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan na mag-import at mamahagi ng mga literatura. Napaharap na kami sa maraming kaso para lang makapag-import ng mga literatura. At mas marami pang kaso ang hinarap namin tungkol sa pag-aresto at pagkulong sa mga Saksi dahil sa pangangaral. Mahalaga ang dalawang desisyong ito ng ECHR para sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan. Sa Religious Community of Jehovah’s Witnesses, nagpasiya ang Korte na ang mga relihiyosong literatura ng mga Saksi ni Jehova ay hindi dahilan ng pagtatalo ng mga relihiyon o nagdudulot ng anumang masamang epekto. Sa Nasirov, kinumpirma ng Korte na may karapatan ang mga Saksi ni Jehova na mamahagi ng mga literatura sa mga di-Saksi. Natutuwa tayo na ipinagtanggol ng Korte ang kalayaan sa relihiyon at pagpapahayag sa Azerbaijan.”

Sinabi ni Brother Famil Nasirov: “Noon, maraming problema ang napaharap sa amin. Normal na lang na iditine kami at pagtatanungin ng mga pulis nang mga 4-5 oras. Pero dahil sa tulong ni Jehova at sa mga pagsisikap ng mga kapatid, hindi na ito nangyayari at malaya na kaming makakapangaral.”

Bago pa nagdesisyon ang ECHR, mas malaya nang nakakasamba ang mga kapatid sa Azerbaijan. Pinayagan na sila ng gobyerno na mag-import at mamahagi ng literatura. Wala nang kapatid na pinagmulta dahil sa pagdalo sa mga pulong mula noong Enero 2017. Ginaganap ngayon ang pulong sa tatlong Kingdom Hall sa Baku, pati na sa iba pang bahay ng mga kapatid sa buong bansa. Mula noong 2015, ang State Committee for Work with Religious Associations, ang ahensiya ng gobyerno na nagrerehistro at nangangasiwa sa mga relihiyon sa Azerbaijan, ay pumayag na idaos ng mga Saksi ni Jehova ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo, mga panrehiyong kombensiyon, at mga asamblea sa mga nirentahang lugar.

Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil sa magagandang balitang ito at sa patuloy niyang pagsuporta sa mga kapatid natin sa Azerbaijan.—Awit 98:1.