Pumunta sa nilalaman

Ibinilanggo si Brother Seymur Mammadov, dahil ayaw niyang magsundalo udyok ng budhi

OKTUBRE 20, 2022
AZERBAIJAN

Nilabag ng Azerbaijan ang mga Desisyon ng ECHR at Ikinulong si Seymur Mammadov Dahil sa Ayaw Niyang Magsundalo

Nilabag ng Azerbaijan ang mga Desisyon ng ECHR at Ikinulong si Seymur Mammadov Dahil sa Ayaw Niyang Magsundalo

Noong Setyembre 22, 2022, hinatulan ng Goranboy District Court sa Azerbaijan na makulong nang siyam na buwan ang 22-taong gulang na si Brother Seymur Mammadov dahil ayaw niyang magsundalo udyok ng budhi. Inaresto siya sa hukuman pagkatapos basahin ang hatol sa kaniya. Tuwirang paglabag ito sa dalawang desisyon ng European Court of Human Rights (ECHR) may kaugnayan sa Azerbaijan.

Mula noong 2019, naglabas na ang ECHR ng dalawang desisyon laban sa Azerbaijan—Mamedov and Others v. Azerbaijan at Mekhtiyev and Abilov v. Azerbaijan. Suportado ng dalawang desisyong ito ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na tumangging magsundalo dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala, isang karapatang nasa ilalim ng Article 9 ng European Convention.

Sa dalawang kaso, inamin ng gobyerno ng Azerbaijan sa ECHR na nilabag nila ang karapatan ng mga kapatid natin at nagsabing handa nilang bayaran ang lahat ng pinsalang nagawa sa mga ito. Pero binale-wala ng gobyerno ng Azerbaijan ang desisyon ng ECHR tungkol sa karapatan ni Brother Mammadov.

Unang ipinatawag si Seymur Mammadov sa State Service for Mobilization and Conscription of the Goranboy Region noong Mayo 4, 2022. Ipinaliwanag niya sa mga opisyal ang kaniyang salig-Bibliyang posisyon at humiling na payagan siyang magsagawa ng alternatibong serbisyong sibilyan. Hindi tinanggap ng mga opisyal ang kahilingan ni Seymur. Kahit ginigipit, lakas-loob na nanindigan si Brother Seymur.

Kasalukuyang naka-detain si Seymur sa lunsod ng Ganja. Sa kabila ng mahihirap na kalagayan, positibo pa rin si Seymur. Sinabi niya na naibahagi niya ang pananampalataya niya sa mga 30 kasama niya sa selda. Naikuwento pa nga niya na nagustuhan ng ilan sa mga ito ang mensahe ng Bibliya.

Umapela ang abogado ni Seymur. Sana magkaroon ng patas na desisyon ang Ganja Court of Appeals at palayain ang ating brother mula sa bilangguan.

Tiyak na patuloy na susuportahan ni Jehova si Seymur sa pagsubok na ito.​—Isaias 43:2.