PEBRERO 4, 2022
AZERBAIJAN
Pinagtibay ng UN Human Rights Committee ang Karapatan ng mga Sister na Inaresto Dahil sa Pangangaral sa Azerbaijan
Gumawa ng desisyon ang United Nations Human Rights Committee (CCPR) noong Nobyembre at Disyembre 2021 na pinagtitibay ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na sabihin sa iba ang kanilang paniniwala. Ang dalawang kaso ay tungkol sa mga sister na inaresto ng mga awtoridad sa Azerbaijan dahil sa pagsasabi sa iba ng mensahe ng Bibliya.
Noong Nobyembre 5, 2021, pinagtibay ng CCPR ang karapatang mangaral nina Sister Matanat Gurbanova at Sister Saadat Muradhasilova. Inaresto ng mga awtoridad ang mga sister matapos tumanggap ang mga awtoridad noong Nobyembre 2014 ng reklamo mula sa isa na hindi nagpakilala. Ang mga sister ay pinagmulta bawat isa ng 1,500 Azerbaijani Manats ($880 U.S.). Nagdesisyon ang CCPR na labag sa batas ang pag-aresto at na dapat gawin ng Azerbaijan ang lahat ng magagawa nito para hindi na ito maulit pa sa hinaharap.
Sinabi ng magkapatid na sina Matanat at Saadat: “Gusto kaming takutin ng mga pulis at ng hukom, pero lalo lang pinatibay ng insidenteng ito ang pananampalataya namin. Pinatunayan ulit ni Jehova na hindi maikli ang kamay niya at alam niya kung kailan at paano poprotektahan ang mga lingkod niya.”
Sa isa pang katulad na desisyon noong Disyembre 21, 2021, sinabi ng CCPR na nilabag ng mga opisyal ng pulis sa Azerbaijan ang batas nang ikulong nila sina Sister Jeyran Azizova at Sister Gulnaz Israfilova dahil sa “pagsasagawa ng kanilang relihiyosong gawain sa labas ng kanilang tirahan.” Sa desisyon nito, sinabi ng CCPR na walang nilalabag na batas ang mga sister sa pagsasabi sa iba ng kanilang pananampalataya.
Habang dinadalaw ang mga kaibigan sa Goranboy Region ng Azerbaijan noong Nobyembre 2016, ibinahagi nina Jeyran at Gulnaz ang mensahe ng Bibliya sa iba. Isang opisyal doon ang nagreklamo sa pulis, kaya inaresto ang mga sister. Sa kasunod na paglilitis, inakusahan ng hukom na mga espiya ang mga sister at pinagmulta sila ng 2,000 Azerbaijani Manats ($1,176 U.S.). Kinatigan ng appeals court ang hatol. Kaya umapela ang mga sister sa CCPR.
Ang mga desisyon sa korte na pumoprotekta sa ating karapatan ay tumutulong sa atin na malayang maipangaral ang mabuting balita na siyang pinakamahalagang gawain natin. Nakikigalak tayo sa mga kapatid natin na nagpapakita ng mabuting halimbawa sa lakas-loob na pangangaral ng mabuting balita.—Mateo 10:18.