Pumunta sa nilalaman

Sina Brother Royal Karimov at Seymur Mammadov mula sa Azerbaijan

ENERO 4, 2023
AZERBAIJAN

Pinalaya Sina Brother Royal Karimov at Seymur Mammadov Mula sa Kulungan sa Azerbaijan

Pinalaya Sina Brother Royal Karimov at Seymur Mammadov Mula sa Kulungan sa Azerbaijan

Pinalaya na mula sa kulungan sa Azerbaijan sina Brother Royal Karimov at Seymur Mammadov. Tumanggi silang maglingkod sa militar dahil sa budhi.

Sa naunang report, hindi pinagbigyan ng isang hukuman sa Azerbaijan ang kahilingan ni Seymur na mabigyan ng alternative civilian service. Hinatulan siyang makulong nang siyam na buwan noong Setyembre 22, 2022. Direktang paglabag ito sa dalawang desisyon ng European Court of Human Rights sa kaso ng Azerbaijan. Inapela ng mga abogado ni Seymur ang desisyon. Noong Disyembre 12, 2022, nagpasiya ang Ganja Court of Appeals na baguhin ang parusa mula sa pagkabilanggo tungo sa suspended sentence. Kahit malaya na ngayon si Seymur, umaapela pa rin siya sa Supreme Court ng Azerbaijan na baguhin ang di-patas na hatol at sentensiya sa kaniya.

Hindi pinayagan si Seymur na magkaroon ng Bibliya o tumanggap ng mga sulat habang nakakulong, pero pinatibay siya si Jehova. Sinabi niya: “Isang araw bago nitong huling pagdinig sa kaso ko, isinulat ko sa isang papel ang pananalita sa Josue 1:5, 6: ‘Kung paanong tinulungan ko si Moises, tutulungan din kita. Hindi kita iiwan o pababayaan.’” Napatibay si Seymur ng pananalitang iyon nang arestuhin siya at ikulong. “Ang mga tekstong ito ang naging daily text ko,” ang sabi niya.

Noong Mayo 30, 2022, ipinatawag si Royal ng Gadabay Region State Service for Mobilization and Conscription para maglingkod sa militar. Tinanggihan ito ni Royal dahil sa budhi, at humiling na bigyan siya ng alternative civilian service. Hindi tinanggap ang kahilingan niya. Noong Hulyo 25, 2022, inaresto siya ng militar at ikinulong sa military unit hanggang noong Nobyembre 1, 2022. Hinihiling ni Royal na imbestigahan ng mga awtoridad ang mga ginawa ng Gadabay Region State Service for Mobilization and Conscription.

“Nang sabihin sa akin na ’di ako palalayain sa military unit, nasiraan ako ng loob,” sabi ni Royal. “Pero sinikap kong tandaan na pagsubok ito sa pananampalataya ko.”

Noong nakakulong si Royal, pinayagan ang ate niya na dumalaw sa kaniya. Nabigyan siya nito ng Bibliya, at sinabi ni Royal na nakatulong iyon sa kaniya para manatiling matibay ang pananampalataya niya. “May mga panahon na nasiraan ako ng loob. Pero pinalakas ako ni Jehova. Nakadama ako ng kapayapaan sa pagbabasa ng Bibliya at pananalangin kay Jehova.”

Patuloy nating ipinapanalangin na huwag nang ikulong ng mga awtoridad sa Azerbaijan ang mga kapatid natin na tumatangging maglingkod sa militar dahil sa budhi, at sa halip ay bigyan sila ng alternative civilian service gaya ng ibinibigay sa ibang mga bansa.—1 Timoteo 2:1, 2.