Pumunta sa nilalaman

MAYO 28, 2021
AZERBAIJAN

Pinrotektahan ng UN Human Rights Committee ang Karapatan ng mga Saksi ni Jehova na Magdaos ng Relihiyosong mga Pulong

Pinrotektahan ng UN Human Rights Committee ang Karapatan ng mga Saksi ni Jehova na Magdaos ng Relihiyosong mga Pulong

Noong Abril 26, 2021, gumawa ng mahalagang desisyon ang UN Human Rights Committee sa kaso na Aziz Aliyev and Others v. Azerbaijan. Ito ang ikatlong desisyon ng Committee pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan at pinoprotektahan nito ang ating karapatang sumamba nang payapa.

Tungkol ito sa ilegal na pag-raid ng mga pulis sa pamayanan ng Aliabad ng Zagatala Region. Noong Setyembre 21, 2013, ni-raid ng mga pulis ang bahay ni Brother Aziz Aliyev kung saan nagtitipon ang ilang Saksi ni Jehova para sa isang pulong ng kongregasyon. Hinalughog ng mga pulis ang bahay at pinagbantaan ang ating mga kapatid, at kinuha ang kanilang literatura, legal at medikal na mga dokumento, at pera. Dinala sila ng mga pulis sa presinto. Habang papunta doon, sinumpong ng epilepsi si Sister Havva Aliyeva at hinimatay. Nang makita ito ng mga pulis, napilitan sila na dalhin siya sa ospital. Nang magkamalay siya, agad siyang dinala sa presinto para pagtatanungin.

Nang maglaon, nagdesisyon ang Zagatala District Court na pagmultahin ang marami sa ating mga kapatid ng 1,500 Azerbaijani Manats ($1,716 U.S. nang panahong iyon). Sumang-ayon ang Sheki Court of Appeals sa di-makatarungang desisyon ng district court. Ginawa ng ating mga kapatid ang lahat ng kanilang magagawa para iapela ang kaso sa Azerbaijan. Pero nang wala itong maging resulta, inilapit nila ang kaso sa UN Human Rights Committee.

Nagdesisyon ang Committee na nilabag ng Azerbaijan ang karapatan ng ating mga kapatid na malayang sumamba at na ilegal ang ginawang pag-aresto at pagpaparusa sa kanila. Sa desisyon nito, binanggit ng Committee na ang mga Saksi ni Jehova ay minaltrato ng mga awtoridad at ng mga pulis na “nagbantang ibibilanggo sila, nang-insulto sa ilan sa kanila, at nanira sa kanilang relihiyon, pero hindi naman ipinaliwanag kung paano nakapinsala o maaaring makapinsala sa iba ang kanilang relihiyosong mga pulong at mga literatura.” Hiniling ng Committee na magbayad ng danyos ang Azerbaijan sa ating mga kapatid at “gawin ang lahat ng magagawa nito para hindi na maulit ang gayong pangyayari, kasama na ang pagsusuri sa mga batas nito, regulasyon at/o mga ginagawa nito.”

Natutuwa tayo na ang ating mga kapatid sa Azerbaijan ay pinayagan nang sumamba at malayang magtipon nang sama-sama nitong nakalipas na mga taon. Nagpapasalamat tayo sa ating Diyos na Jehova na ang katotohanan ay patuloy na ipinagtatanggol sa mga hukuman ngayon.—Filipos 1:7.