Pumunta sa nilalaman

ENERO 5, 2021
AZERBAIJAN

Pumanig ang UN Human Rights Committee sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan

Pumanig ang UN Human Rights Committee sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan

Noong Disyembre 15, 2020, naglabas ang UN Human Rights Committee ng dalawang mahalagang desisyon na pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan. Tungkol ito sa mga kaso na Rahima Huseynova v. Azerbaijan; at Saladdin Mammadov, Rashad Niftaliyev and Sadagat Abbasova v. Azerbaijan. Sa mga kasong ito, nagdesisyon ang Committee na nilabag ng Estado ang mga karapatan ng mga Saksi ni Jehova at hiniling na amyendahan ng Azerbaijan ang mga batas nito para maiwasan ang mga paglabag sa hinaharap.

Sa kasong Rahima Huseynova v. Azerbaijan, idinitine ng mga pulis sa Baku si Sister Rahima Huseynova noong Disyembre 2014 dahil sa pangangaral. Pagkatapos, pinagmulta siya ng isang district court ng 1,500 Azerbaijani Manats ($882 U.S.), dahil noong panahong iyon, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi rehistradong relihiyon sa Baku. a Sa apela, pinagtibay ng Baku Court of Appeal ang desisyon. Kaya dinala ni Sister Huseynova ang kaso sa isang international court.

Ayon sa desisyon ng UN Human Rights Committee, nilabag ng Estado ang Article 18(1) ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR). Pinagbabayad ng Committee ang Azerbaijan ng sapat na danyos. Sa kanilang inilathalang pananaw, sinabi ng Committee na ang Azerbaijan ay “obligado [rin] na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang para maiwasan ang mga katulad na paglabag sa hinaharap, kasama na rito ang pagrerepaso sa kanilang lokal na mga batas, tuntunin at/o mga gawain para matiyak na lubusang natatamasa ang mga karapatan sa ilalim ng article 18 ng [ICCPR].”

Sa kasong Saladdin Mammadov, Rashad Niftaliyev and Sadagat Abbasova v. Azerbaijan, isang grupo ng mga kapatid sa Ganja ang nagsama-sama para mag-aral ng Bibliya sa bahay ni Brother Saladdin Mammadov. Noong Oktubre 2014, ni-raid ng mga pulis ang maliit na pagtitipong iyon at hinalughog ang bahay. Kinumpiska ang mga Bibliya at iba pang bagay. Pagkatapos, dinala sa presinto sina Brother Mammadov, Brother Rashad Niftaliyev, at Sister Sadagat Abbasova at idinitine nang mahigit anim na oras. Pagkaraan ng dalawang araw, ipinatawag sila sa Ganja City Nizami District Court. Nagdesisyon ang korte na ilegal ang pagtitipon na iyon dahil ang mga dumalo roon ay kabilang sa isang relihiyon na hindi kinikilala sa Ganja. Pinagmulta ng korte ang mga Saksi ng tig-2,000 Azerbaijani Manats ($1,176 U.S.). Umapela ang mga kapatid sa Ganja Court of Appeal. Pero pinagtibay ng district court ang desisyon. Kaya umapela sila sa UN Human Rights Committee.

Sinabi ng Committee na nilabag ng Azerbaijan ang maraming article ng ICCPR at dapat silang magbayad ng danyos sa tatlong Saksi. Kapansin-pansin, binanggit sa inilathalang pananaw ng Committee na “hindi nagbigay ang District Court ng kahit anong argumento kung bakit kailangan munang magparehistro ng [mga kapatid] sa Gobyerno bago magsagawa ng kanilang relihiyon nang sama-sama sa isang pribadong tahanan.” Kinumpirma ng pahayag na ang mga kapatid natin sa Azerbaijan ay may karapatang magtipon para sumamba kahit hindi legal na nakarehistro.

Gaya sa kasong Rahima Huseynova, hiniling ng Committee na repasuhin ng Azerbaijan ang “mga batas, tuntunin at/o mga gawain” nito para matiyak na nasusunod ang mga karapatang ginagarantiyahan sa ilalim ng ICCPR.

Sa nakalipas na mga taon, bumuti na ang kalagayan sa Azerbaijan at hindi na nilalabag ng mga awtoridad ang karapatan ng mga kapatid na sumamba. Umaasa tayo na makakatulong pa ng higit ang dalawang desisyong ito sa legal na pagtatatag ng mabuting balita sa Azerbaijan.—Filipos 1:7.

a Noong Nobyembre 2018, lubusan at legal na inirehistro ng Azerbaijan ang mga Saksi ni Jehova sa Baku.