DISYEMBRE 24, 2020
AZERBAIJAN
Sinuportahan ng mga Desisyon ng ECHR ang Kalayaan sa Pagsamba sa Azerbaijan
Noong Oktubre at Nobyembre 2020, nagbaba ang European Court of Human Rights (ECHR) ng ilang desisyong pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan. Ang mga kasong ito ay ang Gridneva v. Azerbaijan, Sheveli and Shengelaya v. Azerbaijan, Jafarov v. Azerbaijan, at Tagiyev v. Azerbaijan. Pinrotektahan ng mga desisyong ito ng ECHR ang karapatan ng ating mga kapatid na mangaral, magtipon para sumamba, at magpasok ng mga literatura natin sa Azerbaijan.
Isinumite ang mga kasong ito sa Korte noong 2011 at 2012. Sangkot sa mga kasong Gridneva v. Azerbaijan at Sheveli and Shengelaya v. Azerbaijan ang pangre-raid ng mga pulis sa panahon ng mga pulong ng kongregasyon o ang paghadlang sa pangangaral ng mga kapatid. Sa mga kasong Jafarov v. Azerbaijan at Tagiyev v. Azerbaijan, inireklamo naman ang ilang pangyayari na nilimitahan o hindi pa nga pinayagan ng gobyerno ang mga kapatid na makapagpasok ng mga publikasyon sa bansa.
Sa tatlong kaso (Gridneva v. Azerbaijan, Jafarov v. Azerbaijan, at Tagiyev v. Azerbaijan), inamin ng Azerbaijan na nilabag nila ang karapatan ng ating mga kapatid at pumayag itong magbayad ng 10,500 euro ($12,880 U.S.) bilang danyos.
Ang kasong Sheveli and Shengelaya v. Azerbaijan ay tungkol naman sa isang mag-asawang nasa pansirkitong gawain na inaresto at idineport nang walang dahilan. Iniutos ng ECHR na bayaran ng Azerbaijan ang mag-asawa ng 3,000 euro ($3,680 U.S.).
Ganito ang paliwanag ng ECHR sa naging desisyon nila: “[Hindi] kaayon ng [European] Convention [on Human Rights] ang pagpaparusa [sa mag-asawa] dahil sa pananalangin o pagsamba ayon sa paniniwala nila. Kung sasabihing tama ang pagpaparusa, ibig sabihin, ipinagbabawal ng gobyerno ang mga relihiyong hindi opisyal na nakarehistro sa bansa. Kapag nangyari iyan, para na ring sinabi ng gobyerno na puwede nitong diktahan ang mga tao kung ano ang dapat nilang paniwalaan.”
Sa nakaraang mga taon, naging maganda ang pakikitungo ng mga awtoridad ng Azerbaijan sa mga Saksi ni Jehova at hindi sila pinagkaitan ng kanilang mga karapatan. Malaki ang pasasalamat natin sa mga desisyong ito ng ECHR na sumusuporta sa kalayaang sumamba ng mga kapatid natin. Higit sa lahat, nagpapasalamat tayo sa Diyos na Jehova, ang “ating kanlungan at lakas.”—Awit 46:1.