Pumunta sa nilalaman

MAYO 26, 2014
AZERBAIJAN

Mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan Umapela sa European Court of Human Rights

Mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan Umapela sa European Court of Human Rights

Linggo ng umaga noon at kasalukuyang nagpupulong ang mga Saksi. Sa loob ng isang kuwarto sa Baku, Azerbaijan, mga 200 lalaki, babae, at bata ang nakikinig sa isang pahayag sa Bibliya.

Biglang pumasok ang mga pulis kasunod ang iba pang opisyal. Nakasisilaw ang liwanag ng TV camera. Hindi lang pinahinto ng mga pulis ang pulong ng mga Saksi ni Jehova, binugbog pa nila ang ilang lalaki, hinalughog ang lugar nang walang dalang warrant, pinagmumura ang mga naroon, at kinumpiska ang pera, mga computer, at mga literatura sa Bibliya ng kongregasyon. Maraming Saksi ang dinala sa istasyon ng pulis at idinitine roon nang ilang oras. Anim na banyagang misyonero ang ikinulong muna nang ilang araw at saka ipina-deport. Nasira ang reputasyon ng mga Saksi nang ipalabas sa telebisyon ang ginawang raid.

Ang pangyayaring ito noong Disyembre 24, 2006, ang naging isyu ng unang petisyong isinumite ng mga Saksi ni Jehova sa European Court of Human Rights (ECHR) laban sa Azerbaijan. Mula noon, 18 pang petisyon tungkol sa paglabag sa kalayaan sa relihiyon ang isinumite ng mga Saksi sa ECHR.

DAHILAN NG PETISYON

KABUUAN

Raid ng mga Pulis

5

Muling Pagpaparehistro

1

Pagsasagawa ng Relihiyosong Aktibidad

2

Pagsesensor

5

Deportasyon

3

Pagtangging Magsundalo

3

Kabuuan

19

Mga petisyon tungkol sa Azerbaijan na isinumite sa ECHR, hanggang noong Enero 31, 2014

Ipinakikita ng sumusunod na mga halimbawa ang ilang isyung kinakaharap ng mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan na naging dahilan para umapela sila sa ECHR.

  • Tinanggihan ang Muling Pagpaparehistro

    Ang Religious Community of Jehovah’s Witnesses ay unang inirehistro sa Baku noong Disyembre 22, 1999, at muling inirehistro noong Pebrero 7, 2002, sa State Committee for Work with Religious Associations (SCWRA). Noong 2009, inamyendahan ng gobyerno ng Azerbaijan ang Law on Freedom of Religious Beliefs nito at iniutos na muling magparehistro ang lahat ng religious community. Nagsumite ng aplikasyon ang Religious Community of Jehovah’s Witnesses, pero tinanggihan ito ng SCWRA dahil sa isang teknikalidad. Hindi pinawalang-bisa ng gobyerno ang rehistro noong 2002, pero tinanggihan nito ang muling pagpaparehistro ng mga Saksi sa ilalim ng mga bagong probisyon ng batas nito sa relihiyon.

  • Pangha-harass at Pang-uusig ng mga Pulis

    Linggo-linggo, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpupulong sa mga pribadong tahanan bilang bahagi ng kanilang pagsamba. Sa ilang pagkakataon, sapilitang pinasok ng mga pulis ang mga pribadong tahanang ito at pinahinto ang pulong kahit walang dalang awtorisasyon. Tinrato nila nang walang-pakundangan ang mga Saksi, idinitine nang ilang oras sa istasyon ng pulis, at kinumpiska ang personal na mga literatura para sa pagsamba. Ang ilan ay pinagmulta nang malaki. Noong 2011, anim na Saksi sa Ganja ang hinatulan at pinagmulta ng mga $12,000 (U.S.) dahil diumano sa pagdalo sa pulong na hindi awtorisado ng gobyerno. Ang pinakahuling raid na ginawa ng mga pulis ay noong Enero 11 at Marso 2, 2014.

  • Pagsesensor sa mga Literatura

    Ang Azerbaijan lang ang tanging estado na miyembro ng Council of Europe * na sapilitang nagsesensor ng mga literaturang gamit sa pagsamba, na isang paglabag sa kanilang sariling konstitusyon. * Ang mga literatura sa Bibliya na ini-import ng mga Saksi mula sa ibang estado na miyembro ng Council of Europe ay maaaring limitahan o ipagbawal matapos isensor. Kabilang sa ipinagbawal ang maraming isyu ng Ang Batayan, ang magasin ng mga Saksi na lumalabas nang dalawang beses sa isang buwan. * Ibinasura ng mga korte sa Azerbaijan ang petisyon ng mga Saksi laban sa pagsesensor ng SCWRA.

Internasyonal na Pagsusuri sa Pagtrato ng Azerbaijan sa mga Religious Community

Ilang internasyonal na lupon para sa karapatang pantao ang sumuri at gumawa ng tahasang obserbasyon tungkol sa batas ng Azerbaijan sa relihiyon at sa pagtrato nito sa mga religious community.

  • Sinasabi ng 2013 Annual Report of the U.S. Commission on International Religious Freedom: “Sa kabila ng pag-aangkin ng gobyerno ng Azerbaijan na ito’y mapagparaya, patuloy pa rin ang paglabag sa kalayaan ng relihiyon doon, lalo na noong ipasá ang batas ng paghihigpit sa relihiyon noong 2009.”

  • Isang ulat ng European Commission against Racism and Intolerance (ECRI) ang nagpahayag ng matinding pagkabahala sa paghihigpit sa mga religious community. Sinabi nito: “Mahigpit na iminumungkahi ng ECRI sa mga awtoridad na Azerbaijani na ipatupad ang mga batas nito may kinalaman sa kalayaan ng relihiyon kaayon ng mga kahilingan ng European Convention on Human Rights.”

  • Ang Venice Commission ng Council of Europe ay naglathala ng detalyadong mga mungkahi para sa pagbabago ng Law on Freedom of Religious Beliefs ng Azerbaijan. Sinabi nito: “Lumilitaw na ang Batas ay naglalaman ng ilang mahihigpit na probisyong hindi nakaayon sa internasyonal na mga pamantayan. ... Ang mga probisyong kumokontrol sa mga pangunahing isyu gaya ng kung hanggang saan ang saklaw ng batas at kung sino ang mabibigyan ng karapatan sa kalayaan sa relihiyon at budhi, pagrerehistro, awtonomiya at pagbuwag ng mga religious community; di-pagsusundalo dahil sa budhi, pangungumberte, paglalathala at pamamahagi ng mga relihiyosong babasahin ay dapat baguhin.”

Pagpapahalaga sa Kalayaan

Napakahalaga sa mga Saksi ni Jehova ang kalayaan sa pamamahayag, pagtitipon, pagsasama-sama, budhi, at relihiyon. Nagpapasalamat sila sa mga pamahalaang nagbibigay sa kanila ng ganitong mga kalayaan. Umaasa ang maliit na grupo ng 2,500 Saksi at ng mga kasama nilang sumasamba na magkakaroon sila ng mga kalayaang gaya ng sa ibang mga relihiyon sa kanilang bansa.

^ par. 28 Ang Azerbaijan ay naging miyembro ng Council of Europe noong Enero 25, 2001.

^ par. 28 Ang Artikulo 48 ay sumusuporta sa kalayaan sa relihiyon at ang Artikulo 50 naman ay nagbabawal ng pagsesensor sa media.

^ par. 28 Buwan-buwan, ang mga Saksi ni Jehova ay naglalathala ng isang pampublikong edisyon ng Ang Bantayan, na ipinamamahagi nila para ipaliwanag ang itinuturo ng Bibliya. Sa kani-kanilang kongregasyon, ginagamit naman nila ang isa pang edisyon nito para sa kanilang lingguhang programa ng pag-aaral sa Bibliya. Mahigit 45,000,000 ang sirkulasyon ng bawat isyu ng Ang Bantayan sa mahigit 200 wika, anupat ito ang may pinakamalawak na sirkulasyon sa buong mundo.