MAYO 8, 2018
AZERBAIJAN
Supreme Court ng Azerbaijan—Sinuportahan ang Pagbabayad-Pinsala Kina Irina Zakharchenko at Valida Jabrayilova
Noong Abril 16, 2018, sinuportahan ng Supreme Court ng Azerbaijan ang desisyon ng mababang hukuman na dapat bigyan ng bayad-pinsala sina Irina Zakharchenko at Valida Jabrayilova dahil sa di-makatarungang pagkakakulong nang 11 buwan. Noong Pebrero 2017, pinawalang-sala ng Supreme Court ang dalawang babae mula sa kriminal na paratang na pamamahagi ng relihiyosong literatura nang walang pahintulot ng Estado. Pero ipinaubaya ng Supreme Court sa mga korteng sibil ang pagbabayad ng danyos.
Pagkatapos mapawalang-sala sa lahat ng paratang, hiningi nina Ms. Zakharchenko at Ms. Jabrayilova, na mga Saksi ni Jehova, sa hukumang sibil ang bayad-pinsala para sa pagmamaltratong dinanas nila. Noong Agosto 2017, ipinagkaloob ng district court ang bayad-pinsala sa kanila, pero inapela ng Ministry of Finance ang desisyon. Noong Nobyembre 2017, sinuportahan ng appellate court ang desisyon ng district court. Muling itong tinutulan ng Ministry at nagsampa ng Cassation Complaint sa Supreme Court noong Pebrero 2018. Hindi pinagbigyan ng Supreme Court ang apela ng Ministry at itinaguyod ang desisyon nito, na nagkakaloob ng bayad-pinsala sa dalawang babae.
Bukod pa sa pagbibigay ng bayad-pinsala, kinilala ng Supreme Court ang pinsalang dinanas nina Ms. Zakharchenko at Ms. Jabrayilova sa kamay ng mga opisyal, na nilampasan ang kanilang awtoridad at nilabag ang karapatan ng walang-salang mga babaeng ito.