DISYEMBRE 13, 2016
AZERBAIJAN
Inaapela ng mga Saksi ni Jehova ang Multa sa Pakikipag-usap Tungkol sa Kanilang Paniniwala
Noong Disyembre 2, 2016, si Ziyad Dadashov ay iniharap ng Goranboy District Police Department sa Azerbaijan sa lokal na hukuman dahil sa kaniyang gawain bilang isang Saksi ni Jehova. Apat na lalaki sa kaniyang nayon ang tumestigo na si Mr. Dadashov ay nakipag-usap sa iba tungkol sa kaniyang mga paniniwala at nag-alok ng literatura sa Bibliya. Sa desisyon ni Judge Shirzad Huseynov ng Goranboy District Court, idineklara nito na nagkasala siya ng ilegal na relihiyosong gawain * at pinagmulta ng 1,500 manat ($846 U.S.). Naniniwala si Mr. Dadashov na hindi siya dapat parusahan kaya iaapela niya ang desisyon.
Sa rehiyon ding iyon, sina Jaarey Suleymanova at Gulnaz Israfilova, dalawang babaeng Saksi, ay maraming buwan nang bumibisita sa isang babae na nasisiyahang makipag-usap tungkol sa Bibliya. Dahil dito, inakusahan sila ng Goranboy District Police Department ng pakikibahagi sa relihiyosong gawain “sa labas ng rehistradong legal na adres,” at noong Nobyembre 17, 2016, ang dalawa ay pinagmulta ni Judge Ismayil Abdurahmanli ng Goranboy District Court ng tig-2,000 manat ($1,128 U.S.). Inaapela nila ang desisyon.
Sinabi ng international human rights lawyer na si Jason Wise: “Ang diskriminasyon laban sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan ay nagpapakita ng kawalang-galang sa European Convention. Ang mga pagkilos ng Goranboy District ay hindi kaayon ng mga pamantayan hinggil sa kalayaan sa pagsamba na itinataguyod diumano ng bansang iyon.”
^ par. 1 Ang mga Saksi ni Jehova ay nakarehistro bilang isang relihiyon sa Baku, ang kabisera ng Azerbaijan. Si Mr. Dadashov ay inakusahan salig sa Administrative Violations Code, Article 515.0.4, “isang relihiyosong samahan na aktibo sa labas ng rehistradong legal na adres.”