Pumunta sa nilalaman

DISYEMBRE 17, 2018
AZERBAIJAN

Umapela sa Korte Suprema ng Azerbaijan ang Isang Saksi na Tumangging Magsundalo Dahil sa Pananampalataya

Umapela sa Korte Suprema ng Azerbaijan ang Isang Saksi na Tumangging Magsundalo Dahil sa Pananampalataya

Noong Oktubre 31, 2018, kinatigan ng Ganja Court of Appeal ng Azerbaijan ang hatol ng nakabababang hukuman na nagkasala ang 19-anyos na si Brother Vahid Abilov ng pagtangging magsundalo dahil sa pananampalataya. Kahit hindi ibinilanggo si Vahid, maraming restriksiyon sa kaniya sa loob ng isang taon. Halimbawa, kailangan niyang magreport sa isang opisyal linggo-linggo, at hindi siya puwedeng lumabas ng Azerbaijan. Aapela ngayon si Vahid sa Korte Suprema, ang huling pagkakataon niya para makamtan ang katarungan sa sistema ng hustisya sa Azerbaijan.

Nagsimula ang hamong ito sa kaniyang neutralidad noong Mayo 2017. Nag-18 anyos siya kamakailan at pinagreport sa Aghdam District Department of the State Service for Mobilization and Conscription. Nagbigay siya roon ng written statement na nagpapaliwanag na hindi siya makapaglilingkod sa militar. Sumulat siya: “Hindi kaya ng konsensiya kong sinanay sa Bibliya na sumali sa militar. Hindi ko tinatanggihan, o iniisip mang tanggihan, ang mga tungkulin ko bilang mamamayan. Humihiling lang ako sa inyo na bigyan ako ng alternatibong serbisyong sibilyan kapalit ng paglilingkod sa militar.” Hindi pinagbigyan ng mga awtoridad ang kahilingan ni Vahid, at noong Hulyo 9, 2018, kinasuhan siya ng pagtanggi sa serbisyo militar.

Sa pagdinig sa Ganja Court of Appeal, ipinaliwanag pa ni Brother Abilov ang dahilan niya sa pagtanggi sa paglilingkod sa militar. Binasa niya ang Isaias 2:4 sa korte at ipinaliwanag na sa personal niyang pagsusuri ng Bibliya, “hindi siya dapat mag-aral man lang na makipaglaban.” Pero hinatulan pa rin siya ng korte na nagkasala. Malalaman pa kung pagbibigyan ng Korte Suprema ang kahilingan niya.

Nang maging miyembro ng Council of Europe ang Azerbaijan noong 2001, pumayag ito na gumawa ng batas na maglalaan ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Pero hindi pa ito ginagawa ng Azerbaijan. Kaya naman laging napapaharap sa isyu ng neutralidad ang mga kapatid natin dahil sa pagtangging magsundalo. Sa mga unang buwan ng taóng ito, hinatulang nagkasala ng Azerbaijan district court ang isa pang brother, si Emil Mehdiyev, dahil sa pagtanggi nitong magsundalo at sinentensiyahan siya ng isang-taóng probasyon. Umapela rin siya sa Korte Suprema. Bukod diyan, may apat na kaso na nakabinbin sa European Court of Human Rights laban sa Azerbaijan may kinalaman sa mga kapatid nating tumangging magsundalo dahil sa pananampalataya. Sa kabila ng mga hamong ito, patuloy na nagtitiwala ang mga kapatid natin kay Jehova para mapanatili nila ang neutralidad nila.—Juan 15:19.